Skinpress Rss

Chicken Adobo - A Love Story - 7


image credit to komwari
-a must a read!!! - CNN
-ang di magbasa kulang sa vitamins - kuya kim
-pagpasensyahan nyo na ang spelling at typos - principal
-ipamalita mo sa 10 tao at may swerteng darating sayo sa akinse at katapusan - unknown
Kung bibilangan ko ang ikot ng kamay ng relo malamang sapat na iyon para makarating ako sa ibang planeta. Hindi na siguro ako masusundan ni Kathy Belarmino kung doon ako magtatago. Kung toxicated siya kagabi sa alak, ako naman ay nagkaroon ng amnesia. Swerte siya at alam na sa sofa ako nakatulog. Ni detalye ng pag-uwi namin sa bahay wala akong natatandaan.

"Caffe Latte and Mocha Frappucino, tall."

"Name sir?"

"Rafael.." Saludo din ako sa mga barista. Hindi nawawala sa focus and alam kong nag-eenjoy sila sa ginagawa nila. Namamangha ako sa bilis ng kanilang kamay at sa bilis ng kanilang connection sa kaharap. Parang napakahiwaga ng pinagkukunan nila ng natural na ngiti sa kabila ng bilis ng kilos nila. Ito nga siguro ang tinutukoy ni erpat na wala sa akin. Kailanman man hindi ako tumagal sa mga pinasok kong career o pinagkakaabalahan. Madali akong magsawa lalo na kapag hindi ako nakararamdam ng fulfillment. Sa una nakasasabay ako sa agos, sa kalagitnaan gagawin ang mga bagay ng paulit hanggang sa bandang huli ay mawalan na ng push para magpatuloy, isang cycle na nakasawa. Nakakapagod.

"Ano bang gusto mo?" tanong ni erpat noong minsang inihatid niya ako para sa isang job interview. Pang apat kong trabaho kung sakali iyon sa loob ng isang taon.

"Hinahanap ko pa din po," sagot ko.

Bakit nga ba ako nasa Art Class? Namiss ko ba ang luto ni ermat o hinahanap ko pa din ang bagay na makapagpapasaya sa akin? Ang depression na bumabalot sa ulo ko noong pumanaw ang parents ko ay inakala kong mawawala sa pag-alis at byahe sa iba't ibang lugar pero hindi pala. Pagtakas ang pinili ko hindi pagtanggap. Noong tumapak ako ng pintuan ng Art Class tension ang sumalubong sa akin. Laging threatened ang buhay ko sa bawat araw. Palaging nasa dulo ng daliri ko ang aking huling hininga. Hindi ko namamalayan, unti-unting nawawala ang lungkot na dumadaloy sa aking sistema. Sa kabilang banda may nagbago sa akin. Siguro dahil nakita ko ang aking sarili sa Art Class. Oo tama. Pero hindi. Isang tao lamang ang nagpabago ng lahat. Ang babaeng may malaking keychain sa bag. Si Kathy Belarmino.

"Hoy! Bakit parang hindi maubos ang ngiti mo d'yan!" puna ni Kathy habang papalapit ako sa kanya. Bakit nga ba ako nakangiti? Wala naman dapat ikasaya dahil alam kong kakabahan na naman ako lalo pa't sasapian ng espiritu ng kape. "Nambola ka na naman siguro ng barista."

Poker face for you Kathy Belarmino! Alam kong boring akong tao kaya imposibleng makapambola pa ako. "Jolly person ako, accept that. Isa pa, mas madali ang ngumiti kesa sumimangot."

"Oo na! Huwag mong iligaw ang usapan. Gusto kong malaman kung bakit ka nasa tabi ko kagabi. Hindi kita mapapatawad kung may ginawa kang hindi maganda!" Ang eyelids niya muntik ng maglaho. Seryoso siya alam ko. Buti na lang napaghandaan ko na ang isasagot. Sapat na ang itinagal ko sa loob para makapag-ipon ng paliwanag. Sasabihin ko lang na nagbanyo ako at nilalamok sa sofa. Tumabi lang ako ako sa kanya pero walang malisya. "Batista!"

"Maghintay na lang tayo ng isang buwan!" natarantang wika ko pagkatapos niyang tapikin ang mesa.

"Anong pinagsasabi mo?!"

"Tulad mo blangko din ako." Pinakamabuti na sigurong magsabi ng totoo mas lalo akong mabubuking na nagsisinungaling kung sisigawan. Tama si Recci mukhang mapapanood na niya ako sa Discovery Channel. "Hindi ko nga alam kung paano tayo nakauwi. Ang alam ko lang ay inaayos ko ang pwesto mo noong nakahiga ka sa back seat."

"Back seat? Sa tabi ng driver seat ako natutulog. Nginitian mo nga lang ako noong tinanong kita kung saan tayo papunta." Anong sinasabi ng babaeng to? Inayos ko pa nga ang pwesto niya para hindi siya mahulog sa upuan kung sakaling magpreno ako. "At pagkarating ng bahay ninyo, nakakatawa ka kasi naglalakad ka doon sa linya ng tiles, palagay ko sinusubukan mong maglakad ng tuwid. Tapos nahiga ka na sa sofa at nakatulog na din ako."

"Ginawa ko iyon?" Ang natatandaan ko sa linya ng parking lot ako naglalakad. Kung sa bahay nangyari iyon, ang inaakala kong kotse ay ang kama? At kaya nadaganan ako ng hita niya dahil sinubukan kong siyang iupo?

"Wala ka talagang natatandaan?"

"Wala."

"Okay. Sa palagay ko naman harmless ka talaga. Nagtataka lang ako kasi noong natutulog ka sa mesa ay may traces ka ng lipstick. Uhmm.. Sorry I thought hinalikan mo ako. Sabagay meron din sa may tenga baka nakipagflirt ka sa barista."

Patay. Nagbabad na nga ako sa tubig hindi pa nabura. Pero at least hindi ko sinadya yon. "So ako pala ang lasing," nasabi ko na lang matapos ay nagkatawanan na kaming dalawa. "Baka ako ang nasamantala!"

Magaling mag-initiate ng usapan si Kathy, natural siyang madaldal kaya hindi namin namamalayan ang paglipas ng oras. Lumamig na ang kape at hindi pa lumampas sa kalahati ang bawas. Nasobrahan yata ang pakikinig ko sa kwento niya kaya nalimutan kong may iniinom ako. Assignment na lang ang tirang kape.

"Mas mabuti na nga din sigurong magkakape na lang palagi tayo," nakangiting wika ni Kathy.

Palagi? Ibig sabihin masusundan pa. And that was it. Magkaibigan na yata kami. Sana.


Sa wakas matitikman ko na muli ang sarap ng payapang buhay. Itinaas ko na ang bandera. Hindi na ako makakakita ng death glare mula kay Kathy Belarmino. Inihiga ko ang pagod kong katawan pag-uwi ng bahay. Hindi ako makatulog agad. Natatawa pa din ako sa nangyari. Kumuha ako ng lapis at papel, nagdrawing ako ng caricature na nakangiti. Hangang sa napagkatuwaan ko ding lagyan ng lipstick sa pisngi at tenga. Mahirap palang dayain ang sarili. Nababaduyan ako sa sarili ko pero kusa talaga akong napapangiti. "Salamat Kathy."


Isa sa weird na pakiramdam ay ang alam mong nanaginip ka pero wala namang maalala kahit konting scene. Tipong lahat ng imposible ay nangyari noong gabing natutulog ka gaya ng biglang pagkakaroon kakahayahang lumipad pero pagbangon mo naglaho ay kakayahan mong lumipad pati ang sidekick na aso kasama ang lahat ng piraso ng panaginip. Basta may kung anong bagay ang nagtulak sa akin para bumangon ng maaga.

Habang naglalakad sa parking sinalubong na ako ni Recci. Gawain na niya iyong tuwing umaga. Hindi ko alam kung dahil kaibigan ang turing niya sa akin o alam niyang may dala akong kape palagi. Alam na nga niya kung saang parte ng kotse kukunin. Kung dati-rati nag-iisa ako sa kiosk na pinilit magmukhang kabute ngayon may karamihan na kami. May mga kangitian na din ako.


Habang naglalakad kami papunta ng art class, nag-iisip na ako ng mga bagay na pwedeng magpangiti kay Kathy para naman hindi naman siya palaging bida sa Discovery Channel. Hindi sa paraang pagpapatawa dahil alam kong palpak ako doon. Sinubukan kong humanap ng paraan sa mga old pals ko. Tinawagan ko sila para magkaroon ng konting idea. Simpleng bagay lang pala pwede ng mapangiti ang babae kung tutuusin. Ano bang kulay ang hilig ni Kathy? Anong bagay kaya gusto niya? Mapapasubo yata ako, kahit kasi konting detalye wala akong alam tungkol sa kanya.

"Mukhang magkasundo na kayo ni Kathy ah?"

"Siguro. Sana tuloy-tuloy na."

"Tuloy-tuloy hanggang simbahan." pabiro ni Recci. "San ang honeymoon?"

"Huwag mo ngang haluan ng malisya! Ni hindi ko pa nga kilala masyado si Kathy."

"Men, obvious tinamaan ka na!"

"Wala no! Hindi siya pasok sa tipo ko."

"Hindi nga pasok sa tipo pero pinatibok naman ang puso mo. Huwag mong lokohin ang sarili mo, hindi ka magkakainteres kilalanin ang babaeng iyon kung hindi ka tinamaan."

"Malabo ang sinasabi mo, Men."

"Ihi ka ba?"

"Ihi? Bakit?" kunot-noong wika ko.

"Kinikilig kasi ako."

"Corny na. Itinigil mo na.."

"Cute noong nasa bulletin, di ba? May dalawang caricature nagkakape." wika ng babae sa kausap niya noong makarating kami sa may lobby.

"Oo nga. Parang ngang kwento to e." sagot ng kausap."

Napatingin ako kay Recci. "Caricature? Not now please," wika ko sa sarili ko.


itutuloy...

Previous Chapter