Skinpress Rss

Gasgas sa Sapatos


Dalawang araw pa lang ang lumipas, may gasgas na agad ang ibabaw ng bago kong sapatos. Wala naman akong matandaan na sumabit o nabundol na maaring pagmulan ng gasgas. Naalis ng bahagya ang coating na nagtatago sa mababang kalidad ng sapatos.

Buhatin ko ang aking paa sa tuwing naglalakad, bilin ni Nanay. Sabi niya, hindi naman mapapagod agad kung iaangat ng medyo mataas ang paa para hindi magasgasan ang suot kong sapatos. May maliliit kasi na mga bagay na maaring sumabit. Hindi na naman daw ako bata para buhatin pa niya. Kung nakaupo naman huwag masyadong igalaw ang mga paa para makaiwas sa matatalas o may kantong bagay.

Sa Wakas!


Sa wakas natupad din ang pinakaaasam ko sa buhay ko. Hindi maubos ang ngiti sa labi ko habang tinitingnan ko ang kumpol ng mga tao, partikular ang magulang ko. Kita ko pa si inay na pinupunasan ang luha sa pisngi. Alam ko masaya siya. Bawat hakbang papalapit sa altar ay may halong excitement at kaba dahil ilang minuto na lang ay pormal na ang lahat. Tama ako ang desisyon kong ikaw ang pinili ko at nagpapasalamat naman ako na tinanggap mo ako ng buo.

Alam mo, hindi ako magsasawang paglingkuran ka. Mula pa kasi pagkabata ko hindi ko naramdamang wala ka kahit hindi ko solo ang atensyon ko. Naniniwala ka bang ikaw nga ang superhero ko? Totoo iyon! Biruin mo kahit madaming gustong kumuha ng atensyon mo, hindi ka pumapalyang pakinggan ako lalo sa mga panahong akala ko ay hindi ko na kaya. Bilib nga ako sa'yo! Kayang mong iparamdam sa akin na nasa tabi lang kita palagi. At bago matapos ang araw lagi tayong may realization kung naging maganda ba ang araw, kung hindi naman, ipinapaintindi mo kung ano bang dapat gawain para itama.

Patak ng Tubig sa Batok


Kakaiba ang hanging sumasampal sa aking pisngi. Hindi katulad ng kadalasang simoy sa umaga tuwing tatapak ang buwan ng Nobyembre. Makulimlim ang langit at nagbabadya ang ulan. Ihinatid na ng tagapagbalita ang bagyong tatama sa Bauan. Maging ang mga ipis at iba pang insekto sa estero ay nagsisipaghanda ng lumikas. Wari'y nag-iingat at takot na maranasan muli ang minsang trahedyang tila gustong lamunin ang Bauan.

"Pwede ka bang makausap?" ang huling salitang nadinig ko Candy kaninang umaga bago ako umalis ng bahay. Hindi ako tumugon kahit mahinahon at may kababaang loob ng salita niya. Halata sa mata niya ang pait ng gabi. Lumabas ako ng bahay at hindi nagbitaw ng kahit isang letra mula sa aking bibig.

Hindi naman talaga ako galit kay Candy. Napikon lang siguro sa insultong ibinato sa akin kagabi. Ewan ko ba kung bakit hindi niya maunawaan na ayaw kong pag-usapan ang mga bagay na may kinalaman sa aming posisyon at kita sa trabaho. Hindi na niya kailangan pang ipamukha na mas rewarding ang mga ginagawa niya. Hindi lang siguro sampung beses kaming nagtalo tungkol dun. At muntik pang humantong sa hiwalayan dahil sa nagbabanggaang pride. Mahal na mahal ko si Candy, isang katotohanan kahit ang dagang costa ay hindi kayang itanggi.