Skinpress Rss

Tonton


"Kuya! Napanaginipan ko si Tonton!" pangungulit ni Renald sa nakatatandang kapatid.

"Tonton? Sino namang Tonton?"

"Aso. Aso kuya. Iniligtas...."

"Huwag mo muna akong abalahin, Renald," putol ni Clark. "May tinatapos ako."

"Pero kuya... Mabibilib ka sa kanya."

"Renald?!!" Pagalit na bigkas ni Clark. "Maglaro ka na lang sa kwarto. O kaya magdrawing ka ulit." Inabot ni Clark ang pad ng papel at lapis sa kapatid. Walang nagawa si Renald kundi ang umalis at kausapin mga naglalakihang laruan sa kwarto.

Napasugod naman bigla mula sa kusina si Katrin dahil sa inasal ni Clark sa kapatid. Hindi niya nagustuhan ang biglang pagtaas ng boses nito.

"Clark, masyadong ka yatang harsh sa kapatid mo. Pwede namang hayaan mo lang siyang magsalita kahit di ka nakikinig. Kesa tinataasan mo ng boses."

"Kasi naman Mama..." padabog na katwiran niya. "May hinahabol kasi akong deadline. Tsaka panaginip lang 'yon."

"Alam mo namang special ang kapatid mo. Madaling masaktan kaya maging mahinahon ka kahit pa walang sense ang sinasabi."

"Sorry po. Medyo may pressure lang kaya madali akong mapikon."


"Kay Renald ka magsorry. Mamaya di na naman kumain ang bata dahil sa tampo. Magpahinga ka na din. Huwag pwersahin ang sarili kung walang maisip."

Dating school story writer si Clark. Noong makatapos ay gusto niyang ituloy ang sinimulan subalit ilang beses ng tinanggihan ng pamlibagan ang kanyang mga gawa. Hindi naman niya kayang gastusan ang sariling katha para maisalibro. Araw at gabi ang ginugol ni Clark makatapos lang ng nobela pero dahil sa madalas na rejection ay malaking frustraton at mental block ang nabuo sa utak niya. Naging maikli ang pasensya at naging bihira na lang siya ngumiti.

Unti-unting nakaramdam ng guilt si Clark. Nararapat ngang humingi siya ng paumanhin. Tulog na ang bata noong pumasok siya ng kwarto. Pinagmasdan muna niya ito saka tumabi. Hinawakan niya sa noo para alisin ang buhok na tumatabon sa mga mata nito.

"Ma! Mataas ang lagnat ni Renald. Ma?!" Naging mabilis ang sumunod nilang pagkilos. Isinugod nila agad si Renald sa ospital.

"Kuya nasaan tayo?" tanong ng bata. "Bakit wala tayo sa bahay?"

"Nasa ospital tayo. May sakit ka kasi."

"Bakit noong nakaraang may sakit ako nasa bahay lang?"

"Mas mabilis ka kasing gagaling dito."

"Talaga? May magic dito kaya mabilis?" Napangiti na lang si Clark at tumango. "Napanaginipan ko ulit si Tonton, kuya."

"Si Tonton..." bulong niya. "Sige Renald, makikinig ako sa kwento mo. May magic din ba si Tonton?"


Pag-uwi niya ng bahay ay umupo agad siya sa study table. Halip na ituloy ang tinatapos na kwento ay sinimulan niya ang isang bagong kwento. Kwento tungkol sa asong si Tonton at gumamit na din siya ng pen name. Renald ang naisip niyang gamitin bilang pagkilala sa idea ng kapatid. Lumipas lang ang isang buwan ay aprubado agad ang kwento at higit pa sa inaasahan ay pumatok hindi lang sa mga bata kundi maging sa mga matatanda ang kwento.


"Tao po?! Tao po," tawag ng isang babae mula sa labas ng bakuran nina Clark.

"Ano kailangan nila? Pasok po kayo," magiliw na pagtanggap ni Katrin sa babae.

"Ako po si Recel. Pinada po ako ng JDL productions, maari po bang makausap si Clark Santo Domingo?"

"Upo po kayo tatawagin ko lang, nag-aalaga kasi ng kapatid."

Matapos ayusin ang sarili ay hinarap agad ni Clark ang bisita. "Ano po kailangan nila? Ako nga po pala si Clark."

"Nagustuhan po kasi ng JDL productions ang sinulat ninyong libro. May offer po ang production na isapelikula ang kwento," nakangiting wika ni Recel.

"Pelikula?" Nanlaki ang mata ni Clark at humingi ng opinyon sa ina. "Ma?"

"Ikaw?" sagot ni Katrin.

Dinampot niya ang libro ay niyakap ng mahigpit. Hindi niya napansin ang bahagyang pagtulo ng luha sa gilid ng mata. Masaya siya.


Kalakasan noon ng bagyo sa Padre Garcia nang tangayin ang asong si Tonton ng malakas na agos sa kung saan. Maswerte siyang nakaligtas dahil sa malaking punong tumumba at humarang sa daan. Mabilis siyang kumilos para iligtas ang sarili.

Handa na siyang umalis nang mapansing may pagkilos sa paligid. Noong una ay akala niya ay panganib pero hindi. May umiiyak. Bata. May nabagsakan palang bahay ang malaking puno. Ilang beses kumahol si Tonton pero bigo siyang may makadinig sa kanya. Tila nag-iisa ang bata sa bahay. Walang senyales na may ibang tao sa paligid. Natangay na siguro ng malakas na agos ang kapamilya ng bata.

Tumakbo palayo si Tonton para humingi ng tulong. Pero hindi niya alam ang daan pabalik. Natatakpan ng malaking baha ang lansangan. Walang ligtas na lugar para lakaran. Wala siyang nagawa kundi balikan ang bata. Sinimulan niyang humanap ng paraan para makapasok ng bahay. Pinagkasya niya ang sarili sa natagpuang siwang. Isang batang lalaking mahigit dalawang taon gulang pa lamang ang nasa loob ng kahong yari sa styro. Maswerte itong nanatili sa kanto ng bahay kaya di nadala ng baha. Tinahulan niya ng bata pero nginingitian lamang siya nito. Gusto niyang tulungan ang bata pero di niya alam kung paano.

Kinabukasan, matapos humapa ang baha ay lumabas siya ng bahay. Hihingi siya ng tulong sa amo para masagip ang bata. Ginulantang siya ng kalunos-lunos na itsura ng lugar. Maging ang tirahan ng kanyang amo ay binura ng baha. Nagpaikot-ikot siya pero di natagpuan ang amo.

Kahit pagod na ay pinilit niyang bumalik sa bata bitbit ang isang pirasong saging na napulot sa daan. Makakatulong iyon para panawid ng gutom. Ilang araw na ang lumipas ay walang dumating na saklolo lalo't liblib at nasa kagubatan ang bahay. Pero hindi siya sumuko. Lumalabas siya para humingi ng tulong at lagi din siyang may dalang pagkain sa bawat pag-uwi.

Natunton niya ang palengke kung saan madalas niyang kasama ang amo. Palibhasa ay kilala ng mga magtitinda ay pinapayagan siyang kumuha ng prutas kapag nakikita siyang nakatitig dito. Matapos bigyan ay tatahol siya ng isa at tatakbo patungo sa kinaroroonan ng inampon niyang bata. May pagkakataong gusto niyang ipaalam na kailangan niya ng tulong pero walang nakakaintindi sa kanya dahil di nakaligtas ang amo sa pananalasa ng bagyo.

Isang araw habang pabalik ng bayan ay may napansin siyang grupo ng mga lalaking namamaril ng ibon sa gubat. Mabilis pa sa kidlat ang kanyang pagtakbo para abutan ang grupo. Tumahol siya ng ilang ulit pero walang sukling tugon. Kinailangan pa niyang lumapit bago siya tuluyang mapansin. Sa halip na tulungan ay hinagisan lang siya ng tinapay ng isa sa mga lalaki at ipinagpatuloy ang pamamaril ng ibon. Lumapit si Tonton sa lalaking nakaupo sa may malaking bato. Ikinampay niya ang kanyang buntot subalit inulit lang nito ang ginawa ng naunang lalaki.

Walang magawa si Tonton kundi kagatin ng bahagya ang pantalon ng lalaki para sumunod ito sa kanya. Nang dahil sa pagkabigla at takot na makagat ay agad siyang itinaboy. Kasunod noon ay mabilis na nilundag ni Tonton ang suot na sombrero ng lalaki at tumakbo siya palayo patungo sa bata. Lumingon pa siya ng bahagya para masiguradong sumusunod sa kanya ang mga lalaki.

Hindi siya nabigo. Sumusunod ang grupo. Unti-unting nakakaramdaman ng tagumpay si Tonton. Sa wakas ang makakatikim na ng normal na buhay ang batang matagal din niyang inalagaan. Mas binilisan pa niya ang takbo hanggang sa matanaw niya ang bahay na kinaroroonan ng bata. May pagkakataong tumatahol pa si Tonton habang tumatakbo para ipaalam na may dapat tulungan.

Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa tahamik na gubat. Nagliparan ang mga ibong nakadapo sa tumbang punong nakaharang sa daan. Nakaramdam si Tonton ng pagtulo ng mainit na likido. Sapol siya sa hita. Bumagal ang kanyang pagkilos. Muntik na siyang mawalan ng balanse pero kailangan niyang magpatuloy. Unti-unting lumalabo ang daang kanyang tinatahak. Napapalitan ng dilim ang kanina'y bughaw pang langit. Umabot sa hindi na niya maaninag ng maayos ang daan basta ang alam lang niya ay malapit na siya. Malapit na siya. Malapit na siyang mawalan ng buhay.

Bago nalagutan ng hininga ay nagawa pa ni Tonton na ihulog ang sombrero ng lalaki sa siwang na kanyang madalas daanan.

"Salbaheng aso," wika ng lalaki. Dadamputin na sana ng lalaki ang sombrero ng mapansin ang pagkilos ng bata sa loob. "M-may bata. Pare may bata!"

Mabilis na kumilos ang grupo upang maalis agad ang tumpok ng kahoy galing sa gumuhong bahay. Ilang minuto pa ay maayos na nailigtas ang bata. Bago tuluyang umalis ay inilibing nila ang aso sa may natibag na puno kasama ang sombrero.


"Sir, inuulit ko po. Papayag po ba kayong maisapelikula ang inyong libro."

Lumakad palapit kay Renald si Clark at ipinaharap kay Recel. "Renald, lalabas daw ang kwento ni Tonton sa tv."

"Talaga kuya?"

Tumango si Clark. "Mangyayari iyon kung papayag ka."

"Sige. Sige kuya." Lumingon muna si Clark sa ina at tumango lang ito tanda ng pagsang-ayon. "Bubuksan ko na ba ang tv?"

"Hindi pa ngayon.." singit ni Recel. "Gagawin pa lang namin ang palabas."

"Payag na po kami." tugon ni Clark sa bisita.

Pagkaalis ng bisita ay niyakap ni Clark ang ina at kapatid. "Swerte mo anak!" bati ni Katrin.

"Ma? Bakit kaya nagpaparamdam ang asong nag-alaga kay Renald?"

"Hindi ko din alam anak. Kahit ako naguguluhan. Dapat sigurong balikan natin ang pinaglibingan sa kanya ng tatay mo."

"Siguro nga. Mag-iisang taon na din noong mabaril siya ni Papa. Magpasalamat na din tayo kay Tonton."


-end-