Skinpress Rss

Siwang


Nagmamadaling  umuwi ng bahay si Junel sa pag-aalalang mapagalitan na naman ng kanya nanay. Bitbit ang ipinabiling mantika ay binaybay niya ang mahabang pader na naghihiwalay sa dalawang compound patungo sa kanilang bahay. Siguradong maliligo na naman siya sa kurot dahil inuna na naman niya ang paglalaro. 

Inilapag niya ang mantika sa mesa malapit sa lababo para mapansin agad ng kanyang nanay. Tumalilis  siya palabas ng bahay habang di pa namamalayan ang kanyang pagdating at makaligtas sa ibang pang utos. Binalikan niya ang mga naghihintay na kalaro. Sinimulan ang taguan pagdating niya. Kanya-kanya agad pwesto. Umikot si Junel sa likod ng isang bahay. Sinigurado muna niyang walang ibang bata bago pumuwesto sa di kapansin-pansin na lugar.

Unang Pagbukas


Tulad ng pagbubukas ng isang kandado
may nakatagong kombinasyon sa bawat numero.
Hindi bubukas kung di tugma,
kung titigan; maluluma.

Ang may lirikong salita
ang nagbukas sa hiwaga .
Sa musika at ritmong tayo ang may gawa
Naghuhumiyaw ang kakaibang kataga.

Nilakbay ang bundok na matarik
Malalim ang dagat na sinisid
upang kombinasyon ay makamit
Ng sining sa likod ng pag-ibig.

Padyak - Maikling Kwento


"Mang Ferdie, nandito na po ako!" Sigaw ni Benson sa papasok na sana sa bahay na amo. Patakbo siyang lumapit sa matanda, inalis ang nangingitim na sumbrero at yumuko ng bahagya para magbigay galang.

Bumaling si Mang Ferdie kay Benson. Makailang ulit niyang inayos ang salamin para maaninag ang tumawag sa kanya. "Oh, Benson kamusta ang byahe?" tukoy ni Mang Ferdie sa minamanehong padyak ng tauhan.

"Medyo mahina bossing buti na lang may nagpahatid sa kalye dose kaya nakabawi," wika ni Benson habang iniaabot ang boundary.

"Ah ganun ba? Kamusta nga pala ang pagbubuntis ni Gelai?" usisa ng matanda. "Magkakapanganay ka na!"

"Maayos naman po. Buti na lang di siya maselan. Kabuwanan na nga po."

Umumis ang matanda sa balita ni Benson. Panandaliang napawi ang kunot sa pisngi nito. "Oh heto, huwag ka na lang muna magbigay ng boundary hanggat di pa nanganganak ang asawa mo." Iniabot ni Mang Fred ang isinulit na pera ni Benson. "Mahirap ang pasada ngayon dahil walang pasok ang mga estudyante."

"Nakakahiya naman po." Ang matanda mismo ang nagsilid ng pera sa bulsa ng punit na pantalon ni Benson dahil sa pagtanggi niya.

"Naku utoy! Natutuwa lang ako sa sipag mo, para di ka mahiya pakidala na lang ng pampaalsa ng tinapay at mantikilya sa bakery ni Jovan." Mabagal na lumakad ang matanda sa kinaroroonan ng mga produkto. "Nanakit lang ang bewang ko at hirap lumakad. Sumumpong na naman ang rayuma ko e."

Inilalayan ni Benson ang matanda papasok ng bahay. "Sige po! Kung gusto n'yo po ako na lang ang magdadala palagi nito tutal nadadaanan ko naman ang bakery pauwi. Pagaling po kayo."

Banat sa trabaho ang bente tres anyos na si Benson. Malayo sa edad ang kanyang itsura palibhasa ay sunog sa araw ang kanyang balat, nagsusumigaw ang mga ugat sa binti't braso at mamula-mula ang kanyang buhok. Payak ang kanyang pamumuhay at pinagkakasya ang anumang bagay na natatanggap.

Naglakad papunta ng bakery si Benson bitbit ang pampaalsa at mantikilya. Malapit lang naman ang panaderya kaya hindi niya masyadong naramdaman ang bigat ng dala. Sa kalkula niya ay higit sa limang kilo ang bitbit.

Bumungad sa kanya ang isang matabang lalaki pagkadating sa bakery. May kagat-kagat pa itong ensaymada habang nagsusupot ng tinapay. Tila hangin ang pagdating ni Benson dahil hindi niya ito pinansin.

"Ang tatay mo?" tanong ni Benson. Ngumuso lang sa kanan ang lalaki para ituro ang kanyang ama. "Mang Jovan, may dala po akong pampaalsa at mantikilya galing kay Mang Ferdie." Iniaangat ni Benson ang dala para makita ng kausap.

Bumalikwas mula sa kanyang pagkakaupo si Jovan at hinarap si Benson. "Buti dumating na, kanina ko pa hinihitay iyan e!" Sinilip ni Jovan ang laman ng plastic saka inilapag sa mesa.

"Inatake po ng rayuma si Mang Ferdie kaya ako na ang inutusan," tanggol naman agad ni Benson sa amo. "Sige po."

Pahakbang na sana si Benson nang bigla siyang tawagin ni Jovan. "Sandali. Baka gusto mo ng extra kita!" pahabol ni Jovan. "Iniaahente ko din kasi itong pampaalsa at mantikilya. Mura kasi ang bigay ni Mang Ferdie kumpara sa palengke, umalis ang isa kong tao kaya wala akong tagadeliver baka pwede ka?"

Agad bumaling si Benson kay Jovan. Malaking tulong ang alok nito kaya wala dahilan para tumanggi siya. "Pwede po. Isisingit ko na lang sa pamamasada ko."

"Tuwing hapon lang, kahit kapag tapos ka nang mamasada. Sa gabi naman kasi niluluto ang tinapay. Ayos na ba ang isang daan piso? Tatlong bakery lang naman."

"Ayos na ayos po." Swerte ang hapon na iyon kay Benson. Bukod sa nakalibre ng boundary buong buwan ay nagkaroon pa siya ng siguradong kita tuwing hapon. Malaking tulong sa nalalapit na panganganak ng asawa.

"Teka kukunin ko lang ang repack na. Gamitin mo ang sidecar diyan sa gilid para mabilis."

Pagkakatapos mamasada, inugali na ni Benson maghatid ng pampaalsa at mantikilya kay Jovan. Mula sa tatlong panderya at umabot sa pito ang kanyang pinagdadalhan ng repack na produkto ni Jovan. Dahil dito ay nadagdagan din ang kanyang kita.

"Mukhang malakas ang bakery ni Jovan. Madalas ang order ng pampaalsa at mantikilya," puna ni Mang Ferdie isang hapon pagkatapos isoli ni Benson ang pedicab.

"Iniaahente din po din kasi niya sa ibang mga panaderya at tindahan. Hindi ko nga pala nasabi sa inyo. Noong una ninyo akong inutusang maghatid ng mantikilya at pampaalsa ay kinuha niya akong delivery boy tuwing hapon. Sakto kasing umalis ang isa niyang tauhan," lahad ni Benson sa matanda.

"Aba! Malaking tulong sa iyo, utoy. Pagbutihin mo wag lang pakapagod!"

"Opo. Mukhang paalis kayo Mang Ferdie? San ang lakad?" pag-iiba ni Benson sa usapan.

"Sobra na kasi ang lamig dito, nahihirapan akong kumilos dahil nga sa rayuma ko. Sabi ng anak ko doon muna daw ako sa kanila."

"Ihahatid ko na po kayo sa terminal." Binuhat niya ang gamit ng matanda at inilagay sa loob ng pedicab.

"Huwag na utoy. Kung may deliver ka kamo kay Jovan," tanggi ng matanda sa alok ni Benson. "Ikaw na muna ang bahala sa padyak kahit sa inyo mo na muna igrahe."

"Malapit lang naman po ang terminal.." Nagpumilit siya hanggang mapapayag ang matanda. Malapit lang naman ang sakayan kaya alam niyang makakahabol siya.

Natagalan bago nakasakay si Mang Ferdie. Dahil likas na makwento ang matanda ay hindi agad maiwan ni Benson ang kausap. Mabilis siyang pumadyak papunta ng panaderya para umabot. Laking gulat niya nang maraming tao ang nakapaligid dito ay may ilang nakaumpok at nagbubulungan.


"Aling Karlang, anong nangyari dito? Bakit may pulis?" Gulat na gulat si Benson sa nadatnan.

"Naku! Iyang palang si Jovan ay pusher. Dakip pati mga boy. Ito namang si Adyong, atungal na sa pagtanggi! Nautusan lang daw siya ngayon-ngayon lang. Noong hinalungkat ng pulis ang bitbit na pampaalsa, may shabu. Tapos ang balde ng mantikilya, may marijuana. Mabuti nga sa kanila!" Nakapamewang pang lahad ng babae.

Sunod-sunod ang lunok ni Benson tila natuyuan ng lalamunan.

-wakas-

Tonton


"Kuya! Napanaginipan ko si Tonton!" pangungulit ni Renald sa nakatatandang kapatid.

"Tonton? Sino namang Tonton?"

"Aso. Aso kuya. Iniligtas...."

"Huwag mo muna akong abalahin, Renald," putol ni Clark. "May tinatapos ako."

"Pero kuya... Mabibilib ka sa kanya."

"Renald?!!" Pagalit na bigkas ni Clark. "Maglaro ka na lang sa kwarto. O kaya magdrawing ka ulit." Inabot ni Clark ang pad ng papel at lapis sa kapatid. Walang nagawa si Renald kundi ang umalis at kausapin mga naglalakihang laruan sa kwarto.

Napasugod naman bigla mula sa kusina si Katrin dahil sa inasal ni Clark sa kapatid. Hindi niya nagustuhan ang biglang pagtaas ng boses nito.

"Clark, masyadong ka yatang harsh sa kapatid mo. Pwede namang hayaan mo lang siyang magsalita kahit di ka nakikinig. Kesa tinataasan mo ng boses."

"Kasi naman Mama..." padabog na katwiran niya. "May hinahabol kasi akong deadline. Tsaka panaginip lang 'yon."

"Alam mo namang special ang kapatid mo. Madaling masaktan kaya maging mahinahon ka kahit pa walang sense ang sinasabi."

"Sorry po. Medyo may pressure lang kaya madali akong mapikon."

Say Cheese!


"Happy birthday, Miguel!"

"Bro, anong wish mo?" tanong ni Aimie.

"Tumatanda ka na dapat di na kalokohan 'yan ha!" segunda naman ni Randell.

"My wish? A happy life. Masayang buhay kasama si Melissa."

Malakas ang sigawan sa tambayan. Halatang kinikilig ang mga babae sa tropa at may nagtulak pa kay Melissa palapit kay Miguel. Tatlong buwan na yatang nililigawan ni Miguel si Melissa o apat. Basta nanliligaw siya. Ako naman higit isang taon ng dinadaga. Binalak ko na din manligaw kaso simula nang sinabi ni Miguel na gusto niya si Melissa, pinanghinaan na ako ng loob. Kaya eto ako ngayon, olats.

"Oh, Goryo, bakit parang di ka nakikisaya," puna ni Caren sa akin sa pananatili ko may gilid ng kubo. . "Are you with us?"

"Ah eh, nasira yata ang camera ko," palusot ko. Madalas akong photographer ng grupo bukod sa hilig ko ay nagkakaroon ako ng pagkakataong kunan ng panakaw si Melissa. "Susunod na ako. Aayusin ko muna para okay ang kodakan mamaya."

Bakit nga ba ako nagkagusto kay Melissa? Wala naman sa kanya ang gandang hanap ko sa isang babae. Hindi din naman siya sexy at lalong hindi naman siya chinita tulad ng mga crush kong bida sa mga koreanobela. Bakit ko nga ba tinatanong ang sarili ko? Ang natatandaan ko lang, basta isang umaga paggising ko sa isang parte ng kama, mahal ko na si Melissa. Pwede ba ang ganon? Paano kung may batang magpasagot ng slumbook at magpadefine ng love, anong isasagot ko? Love is.. Love is.. Love is making me crazy. Tama! Love is a crazy feeling that even the most intelligent homo sapien can't explain.

I was staring at her nang makita ko siya palapit sa akin. Teka! Anong gagawin ko? Nagkunwari akong di ko siya napansin na lumapit. Ibinalik ko ang aking atensyon sa camera.

"Bakit ngayon pa nagloko ang camera na 'to?" wika ko sa sarili.

"Kinakausap mo ang camera? Baka gusto mo ng kausap. Pwede ako." Nagkunwari akong busy at nagbigay lang ng ngiti sa kanya. "Patingin nga n'yan!" Huli na bago ko pa nasabing bawal.

"Huwag sana! Huwag sana," paulit-ulit kong bulong sa sarili.

"Panget ko naman dito. Nakanganga!" Oh no! Malapit na niyang makita. "Taba ko naman dito sa isa! Ayoko na nga! Akala ko magaling kang photographer."

Nakahinga ako ng maluwag. Buti na lang latest picute lang ang tiningnan niya. Muntik na niyang mabuking na puro siya ang naka-save. "Photographer ako hindi magician!"

"Yabang mo!" Ewan ko ba kung bakit kinikilig ako kahit lumalaki ang butas ng ilong niya kapag naaasar. "Bakit lagi mo akong tinititigan?"

Patay! Yari! Buking! Lord kunin mo na ako. Please! Now na! Ano bang isasagot ko? Mahina ako sa essay. Mababa ang grade ko sa Philosophy para makahugot agad ng dahilan. "Natutuwa lang ako sa inyo ni Miguel. Perfect partner kayo." Aray! Bakit ko ba sinasaktan ang sarili ko?

"Talaga?" Tumango at ngumiti lang ako.

"Oo. Kilig na kilig nga ang buong tropa!"

"Naku! Si Miguel pa! Alam mo namang di nagseseryoso 'yan. Isa pa, di ko talaga siya type."

"Choosy ka pa?!"

"Ano ka ba?! Magaganda lang ba ang may karapatang mamimili?"

Napangiti ako sa sinabi niya. Napaisip na din. "Akin na nga ang camera bawasan ko ang nakasave."

"Yesterday, sa library, I saw you staring at me..." Sana ostrich na lang ako para kaya kong itago ang ulo ko sa lupa para maligtas sa kahihiyan. Nahuli niya pala ako. Namula ang buong mukha ko.

Kailangan kong humanap ng lusot. "Dami mo namang napapansin. Siguro ako ang tinititigan mo kaya kung anu-ano napapansin mo!"

"Hmm.. Basta! Ayaw ko lang ng tinititigan mo ako.. Kinikilig kasi ako...."

Teka Lord, wag mo muna akong kunin. "Honestly, nakikita ko kasi ang future na kasama ka."

-end-