Skinpress Rss

tag-ulan


PBA09q014q74

Umuulan na naman. Naalaala ko ang isang lumang kaibigan. Isang taong bumuo at humubog ng aking pagkatao. Tinuruan n'ya akong bumangon pagkatapos madapa sa isang maikling karera.

Umuulan noon, isang panyo lang ang kaya n'yang ibigay dahil kapwa kami walang payong na magtatanggol sa amin sa pagkabasa. Panyo hindi para takapan ang aking ulo para di mabasa kundi para pawiin ang luha sa aking mata matapos mabigo sa piniling pasya. Tanda ko pa ang payo n'ya na hindi nag-iisa ang babae sa mundo kahit ang paniniwala ko na iisang babae lang ang magpapaikot ng aking mundo. Hindi niya mabali ang aking paniniwala dahil ang iniisip at nadarama ko lang ang isinaalang-alang ko. Pero tama siya. Sabi n'ya sa una lang masakit, tuwing uulan lang maalaala ang hapdi.

Sa paglipas ng panahon nalimutan ko na ang sakit. Nalimutan ko ang pagkabigo at muling bumangon. Hindi ko na matandaan ang sakit na dala ng ulan. Nalimutan ko rin ang aking kaibigan.

Hanggang sa dumating ang panahon, kailangan n'ya ng karamay. Umuulan din noon. Tinuruan ko siya ng bumangon. Pinasukob siya sa payong para hindi mabasa ng ulan. Pinakinggan ang anumang bagay na gumugulo sa kanyang isipan. Ipinaliwanag ang sitwasyon na hindi n'ya maunawaan. Subalit mas pinili niyang mabasa sa ulan, damhin ang sakit na anumang idudulot nito. Hindi ko mabali ang paniniwala niya na hindi lang iisa ang lalaki sa mundo.

Umuulan noon, inihatid namin siya sa huling hantungan matapos gupuin ng matinding karamdaman. Tumingala ako sa langit. Humakbang ng ilang ulit. Bumagsak ang mga dahon. Umawit ang mga ibon. Ipinikit ko ang aking mata. Narinig ko ang mga huli niyang salita "mahal kita kahit may mahal kang iba".