love and relation transit part 1 love and relation transit part 2 Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Hinagilap ko ang aking cellphone kahit wala pa akong shorts. Wala naman sisilip sa matipuno kong katawan kaya okay lang walang shorts. Pumikit muna ako. Idinilat ang kaliwang mata, tapos ang kanan. "Wow!" Hindi naman ako masyadong excited ng makitang ko na unregistered number. Napalundag ako. Ang dati kong lundag na kasing taas lamang ng lata ng sardinas ngayon ay tumaas ng dalawa hanggang tatlong pulgada.
Binasa ko agad ang message. "Hi!!! Louie hulaan mo kung sino ako. Clue crush mo ako."
Hindi ko alam ang irereply ko sa message. Para akong nakuryenteng pusa plus nilalamig na ako dahil hindi pa ako nakakapagdamit. Kailangang kong i-grab ang opportunity alam kong lablyp na ito. Hindi ako nagreply bagkus nagregister muna ako sa unlimited call offer. "Ayos! Registered agad!"
"Hello crush!! Angelina Jolie ikaw ba yan?” tanong ko agad. Hindi ko muna siya hinayaan magsalita kailangan may diskarte agad ako na minana ko pa sa lolo ko. "Ay, miss crush may naiwan nga pala ako d'yan," seryosong banat ko.
"Wow! Angelina na pala ako ngayon! Wala ka naman naiwan dito except dun sa mga hugasan." si Realiza.
"Naiwan ko kasi ang puso ko d'yan. Pakiingatan na lang at paki-spoiled na din." diskarte ko kasunod ang malakas na tawa.
"Hanep sa banat! Pwede ng ibaon sa hukay sa kalumaan. Napaghahalata tuloy ang pagnanasa mo saken may pagtawag ka pang nalalaman." pang-aasar niya.
Naririnig ko medyo maingay sa background. Parang bukas sara ang mga drawers. Parang may hinahanap siya.
"Baket maingay d'yan? May hinahanap ka ba?" urirat ko.
"Hinahanap ko yung puso mo baka makain ng daga sa kalumaan. " biro n'ya. "Tinago ko lang yung books ko."
"Puso ko? wow crush mo na rin yata ako," hirit ko.
"Excuse me hindi ka pa qualified na maging crush ko!" pagmamalaki ng Realiza.
"Dapat ba may qualifications pa?! Ano ba requirements?"
"Dapat tahimik lang. Yung walang yabang sa katawan. Maayos ang buhok. Hindi malakas kumain. In short, opposite ng ugali ko." May ilan pang sinabi si Realiza na hindi ko naman pinakikinggan ang mahalaga, maipasok ko ang mga hirit ko.
"Ah yun pala. Sige bukas crush mo na ako." sagot ko.
"Haha! Nakapag-adjust agad," sabi Reliza kasunod ang halakhak na masakit sa tenga.
"Halimbawa trapped ka sa island tapos ang kasama mo eh matipunong si ako at isang may rayumang camel, kanino ka magka-crush?" natawang sabi ko.
"Hmmm.. Hindi ko na maiisip magka-crush nun. Isipin ko na lang kung bakit may rayuma ang camel na yun?" katwiran n'ya.
"Ay sus!" hindi ako makalusot sa kanya.. Naubusan ako ng sasabihing diskarte. Pero kahit ganun alam ko nagkakalapit na ang loob namin. Hindi na ako nahihiyang mag-open ganun din naman siya. Pinag-usapan namin mula pagkabata, tag-ulan, laro noong bata, pag-aaral, lovelife na lagi naming topic at current status ng buhay. Hinayaan ko lang na siya ang bida.
"Dami mo pala achievements. Wala naman akong ipagmamalaki. Pagmamahal lang ang alam ko," mangiyak-ngiyak pang pahayag ko.
"Nyak! OA ka na Louie."
"So, Accountancy student ka pala. Sayang hindi mo magagamit ang pinag-aralan mo." nanghihinayang na banggit ko.
"Bakit naman?" nagtatakang wika n'ya. "Halos lahat ng organization need ng accounting grad."
"Kasi gagawin kitang plain housewife," banat ko agad. "Ayaw ko ma-stress ang soon to be wife ko!"
"Mr. Jimena, bumanat ka na naman. Assuming ka!" Ilan pang malutong na tawa ang narinig ko. "Sure ka na tayo ang magkakatuluyan hindi ka pa nga qualified sa crush ko." Hindi mapatid ang tawa n'ya sa bawat salitang binitawan.
"Hindi ako assuming optimistic lang." bawi ko agad.
Kahit hindi ko siya nakikita alam kong masaya siya ng gabing 'yun. Pumalakpak naman ang tenga ko bago kami magpaalaman. Kung wala nga lang pasok bukas hindi na kami matutulog.
Kinabukasan mataas agad ang sikat ng araw. Nakakasilaw. Masakit sa mata. Hindi sapat ang proteksiyon na ibibigay ng mumurahin kong shades o puyat lang ako kaya hindi umepekto ang ipinagmamalaking UV protection ng shades.
Nakipag-unahan ako sa sangkatutak na pamilyar na tao patungo sa LRT station. Maganda ang araw ko. Kahit itulak nila ako hindi ako magrereact. Kung mabubundol nga ako ng tren hindi ko siguro mararamdaman. Sa mga oras kasing iyon, si Realiza lang ang laman ng buo kong pagkatao. Nakalutang ako sa ere sabi nga nila.
Pero hindi ko pa rin maiwasan na mapakamot ng ulo. Umandar na naman kasi ang pagiging observant ko. Nagtataka kasi akong sa mga babaeng estudyante na nagpipilit sumiksik sa dulo na cabin, sobrang luwag naman sa women and children area. Hanggang sa napagtanto ko na andun pala ang partner nila. Dalawang tao mula sa aking kanan ay ang isang lalaki na hinahaplos ang buhok ng kasama n'yang babae.
"Sweet! Nakakainggit," bulong ko sa sarili ko. Ang dating itinuring kong PDA ay sweet na para sa aking ngayon. Hindi na nakaligtas sa aking paningin ang bawat lumalabas at pumapasok na bagong loveteam. Balang araw pag-ibig ko naman ang mamayani sa loob ng tren! Ako naman ang bida.
Sa opisina, tulad ng dati sinira ng boss ko ang aking araw . Pati personal na buhay pinakialaman. Hindi rin pinatawad ang ang laruang rabbit na gumagalaw sa ibabaw ng monitor ko kesyo abala sa paningin at takaw pansin ang humping. Kung kelan marami akong ginagawa saka isisingit ang sermon. Kailangan daw hindi manatili sa routine at palawigin ang isip. Tulog daw ang utak namin at huwag hayaan ikulong lang ito sa apat na sulok ng opisina. Lumabas sa kahon ng karunungan. Kailangan daw bigyan kahulugan ang bawat detalye. Pero kapag ginawa mo naman ang sinasabi n'ya makakasuhan ka naman ng hindi pagsunod sa process flow and procedure.
Hay buhay! Gusto kong lagnatin para hindi ko makita si bossing! Parang kahapon lang pinupuri n'ya kami nung may dumating na bisita. Ahay! Hindi ko na lang pansinin. Hahayaan ko na lang siya magsalita. Ituturing ko na lang na promotion ng sabon sa Mall na kahit anong paliwanag ay hindi ko rin naman bibilhin. Pasaan ba't mauubusan din yan ng dialog.
Baclaran station .Sa bulusok ng tao ako ay nahilo. Pagod sa maghapong trabaho at mabubulang sabon ng amo. Marahang tinungo ang paboritong pwesto. Gusto kong maidlip. Sa dulong istasyong naman ako. Hindi ko na pinansin ang pagdami ng tao. Ang alam ko lang pagod ako.
Libertad Station. Hindi ko lubos maisip na may reckless driver din pala ang LRT. Halos bumaligtag ang tiyan ko sa madalas at pabigla-biglang na pagtigil ng tren. Hindi ako makatulog. Naaalog ang utak ko baka bago makarating sa dulo eh nasa bulsa na ng katabi ko ang utak ko.
Vito Cruz Station. Napilitan akong tumayo. May matandang nagsumiksik sa loob. Sa aking pagkainip, kaibigang cellphone aking dinukot. Minasdan ang picture ni Realiza. "Masaya sana kung sabay kami umuwi." mahinang bulong ko. Narinig pala ako na kaharap kong lalaki. Ngumiti lang ako. Ngumiti rin siya. Medyo malagkit pa. Bakla pala.
Quirino Station. Ilang sulyap pa ang itapon ng bakla sa akin. Malalanding titig. Hindi naman bukas ang zipper ko para tapunan n'ya ako ng atensyon. Iniisip n'ya siguro na siya ang sinabihan ko na sabay kami umuwi. Gusto ko ng magwala. Gusto ko siyang itulak sa palabas ng tren. Kumalma lang ako ng makatanggap ako ng text. Si Realiza. Napangiti ako. Ngumiti rin ang bakla. Diyos me.
Sabi sa text message. "Baba ka D. Jose. May sasabihin ako sayo."
itutuloy.....
-------
"ang interes sa isang tao madalas ay nasa unang pag-uusap parang tinapay na ang sarap ay nasa unang kagat"