Skinpress Rss

Sa Lomian


photo credits : to orig uploader
Niyakap ko ang nakasalubong kong pusa sa sobrang excitement at kilig. Magkikita kami. Sa wakas. Sa lomian malapit sa Canossa.

Last week, may napansin akong message request mula sa isang sender na Chinese character na presently working sa Krusty Crab at nakatira sa Puso Mo. May nabasa akong article noon, na huwag masyadong ilantad ang identity sa social media dahil maari itong maging daan upang manakaw ang pagkatao o identity theft. Maaring mahack ang email, social accts, porn registration at higit sa lahat bank accounts. Kaya siguro maraming tao ang employed sa Krusty Crab para limitado ang info sa social acct.

Ang message nya ay Kumusta? Hmmm. Ano nga ba ang dapat i-reply o i-expect na i-reply kapag ang message ay kumusta? Alinlangan akong magreply tapos biglang lumaki ang mata ko. "Si Dhian to. Number mo?"

Dhian. Siya lang naman ang long time girlfriend ko. Muntik ko pang maging asawa. Nakaboundary na nga ako ng ilan. Magtatanan na nga kami. Hindi lang natuloy. Madaming bote nga ng alak ang tinumba ko at ng katabi kong babae noon. Kinuwento ko sa isang stranger ang nangyari. Sa isang stranger na halos panyo ang suot. Sinabi ko kung gaano ka-unfair at kakomplikado ang pag-ibig.

"Hindi sa ganon. Napaka-sacred nga ng love. Ang tao lang ang nagpapagulo ng lahat. That's why its complicated!" Anak ng tupa, umiienglish pa.

"Nagtyaga ako. Naghintay at nagparaya. Sa dulo talunan."

"Kaya huwag mong susukuan ang pag-ibig kasi madaming naghahanap ng gaya mo. Kami nga may sumiseryoso pa kahit sa tingin namin wala na."

Madami kaming napag-usapan ng ka-table ko sa ilalim ng buwan. At madami akong natutunan, mga dalawa. Una, mahal ang ladies drink. Pangalawa, malaki ang tyan ng ka-table ko.

Si Dhian ang tipo ng babae na gagawin ang lahat para sa pamilya bago ang sarili. Sabi nya makapaghintay naman ang lahat. Binalaan na ako noon ni Norman, base sa sarili niyang statistic, karaniwan sa mga dalagang teacher ay hindi agad nakapag-aasawa lalo kapag may pinapaaral at inaasahan pa ng pamilya. Dumadating nga sa puntong hindi na nag-asawa dahil sa dami o nagsawa na sa obligasyon. Tipong ipinaubaya na ang sariling kaligayahan sa kadahilanang maaring maging mitsa pa ng away mag-asawa kung ang kikitain ay ibibigay pa sa magulang at kapatid. At hindi exempted dun si Dhian. Inunawa ko naman ang kalagayan niya. Makatapos lang daw ang kapatid niya ay bubukod na kami. Sa kasamaang palad, nabuntis ang pinaaral nya.

"Hihintayin kita mamaya. Sa may lomian sa Canossa."

"Timing lang ako ha. Basta darating ako," sagot niya. Masama ang loob niya kaya napapayag ko siyang magtanan bilang ganti sa ginawa ng kapatid.

Isa. Dalawa. Tatlo. Apat na oras akong naghintay hanggang magsara na ang lomian. Nakalimot yata siya. Hindi. Wala yata akong nasabing oras at araw. Hindi. Wala yatang darating.



Nakitingin ako noon mula sa labas. Nakita ko siyang umiiyak habang yakap ng kanyang ina. Nakaluhod ang kanyang kapatid habang hindi halos gumagalaw ang kanyang ama mula sa pagkakaupo. Sa puntong iyon alam ko na ang nangyayari. Hindi kailanman malalason ang puso ng mabuting anak gaano man kasakit ang pagdaanan nito. Hindi ko alam kung bakit ako nasasaktan. Hindi naman siya nagloko. Hindi naman siya nawawalan ng oras sa akin. Maraming hindi. Basta masakit.

Dalawang araw akong hindi nagparamdam pero nakapagtatakang walang salita mula sa kanya. Paggising ko isang araw wala na siya. Umalis na. Hindi na siya nakapagpaalam. Tinanggap na niya ang alok ng trabaho ng kanyang pinsan sa bansa ng mga arabo. Badtrip ako sa kapatid niya. Palaging tagahatid ng masamang balita. Pinulot ko ang aking sarili bago tuluyang maging abo ang bawat piraso.

At ngayon nagbalik na nga pala si Dhian. Nakatayo pa ako sa parehong pwesto noong huli ko siyang nakita. Ngayon nakangiti na siya. Sila. Humakbang ako palayo bago pa ako matukso ng chocolate.

Sabi ni Norman ang pagbalik ni Dhian ay isang senyales ng tukso at pagkakataon. Isang desisyon na maaring magpabago muli ng aking pagkatao. Dagdag pa niya, hindi ko kailangan mamili bagkus ay sundin ang laman ng aking puso. Huwag ko daw hayaan masira ang pwede naman ayusin.


Nagbukas ako ng facebook at nagreply kay Dhian ng number ko. 
Sakto online sya. Emoji ang reply niya

"Kumusta?"

"Ito masaya." Nagkwento ako. Nagkatawanan kami. Nagkaiyakan. Tapos tumatawa habang umiiyak. "Akala ko nga hindi na magkakaayos e."  

"Nakukuha naman ang lahat sa tyaga. Huwag lang susukuan."

Niyakap ko ang nakasalubong kong pusa sa sobrang excitement at kilig. Magkikita kami. Sa wakas. Sa lomian malapit sa Canossa. Bati na kami ng Loisa. Tama si Norman hindi ko dapat hayaan masira ang relasyon namin ni Loisa habang maaga pa. Habang pwede pa. At si Dhian ay parte ng nakaraan na hindi dapat kalimutan pero hindi na dapat balikan.


-wakas-