Skinpress Rss

Sa Ilalim ng Puno ng Mangga


credits : mel martinez
Sa ilalim ng puno ng mangga ay may nakatagong lihim. Mga sikretong ibinulong na lamang sa hangin at tinanggap na ng panahon na bahagi lamang o itinuring na ilusyon.

Maraming Agosto na ang lumipas. Kasama nitong umalis ang mga alaalang iniwan ni Mitch. Siya 'yong anak ng kapitbahay namin dati. Madalas kong kasama sa takipsilim o sa mga panahong malamlam ang panahon.


Itinumba ng bagyo ang malaking puno ng mangga. Lumitaw ang malalaking ugat nito kasama ang alaalang akala ko ay limot ko na.

Sa tuwing lulubog na ang araw may mga ipit na tinig na madidinig. Mga patinig na hindi bata ang bumibigkas. Bumabakat sa puno ang pagbaon ng kuko o 'di kaya ay mantsa mula sa pagtigil ng mga ipit na tinig.

Walang multo sa puno o engkanto na nanahan sa dambuhalang ugat nito. Ang mga kwento ng katatakutan ay nanatiling haka-haka lamang.

Si Mitch ay bahagi ng aking kabataan. Ang nagturo sa akin kung paano paghusayan ang aking pagkalalaki. Ang gumabay kung paano gawing isang kapanapanabik ang isang tagpo.

Umuulan. Isang umaga. Dalawa kami sa bahay ng aking kapatid. Bente pesos lamang ang katapat para siya ay umalis at makipaglaro ng video games sa aking pamangkin.

Bitbit ni Mitch ang isang tupperware. May lamang spaghetti na alam kong siya ang nagluto. Nanunoot sa pang-amoy ang bango nitong hatid. Amoy pa lamang ay alam kong masarap na.

"Aalis na kami mamayang gabi," wika niya habang pinagsasaluhan ang dala niya.

"Kelan ang balik? Paano tayo?" umaasa akong may malinaw na sagot.

"Wala namang tayo. Wala nga akong nadinig sa'yo. May panghihinayang?"

Hindi ako sumagot. Ibinagsak na niya ang balita.

Alam kong lumuha siya.



Umuulan.

Ilang Agosto na ang lumipas ng umalis ni Mitch.

Nabuwal ang puno ng mangga na pinagtibay na ng panahon. Kasamang nabuwal ang sikretong akala ko ay niluma na ng panahon. Lumitaw ang tupperware na ibinaon ko noon laman ang aming panganay ni Mitch na hindi ko man lang binigyan ng matinong burol o kahit simpleng ataul.


-wakas-