Skinpress Rss

circus sa isip ng isang tambay


(hango sa tunay na buhay sa panaginip ng kapitbahay ng magbabalot sa kanto)
sa panulat ng tuyong tina ng bolpen ni panjo..



Ala una na naman ng hapon, kagigising ko lang. Puyat na naman sa alak at walang humpay na chat. Araw araw na lang ganito ako. Naghihintay lang ng liwanag at dilim.
Nakagawian ko na ang ganito,lumilipas nga ang araw na hindi ako humaharap sa salamin, dahil alam ko mukha na akong matanda sa edad na bente singko, dulot na rin maling gawain. Noong kamukha ko pa si Aga Mulach hindi ako umaalis sa salamin hanggat may makulit na hibla ng buhok. Bagsak ang aking katawan,kapansin pansin ang kapayatan at may buhok na hindi man lang nadampian ng suklay o nalagyan ng clear shampoo. Hindi ko naman idol si Dong Abay ng Yano para magsentimyento.
Makapagkape nga muna sa kapitbahay kesa masira ang ulo ko dito.
Isip.Isip. Isip.

* Mahiwagang mensahe, basahin mo bago pa mabasa ng iba.*
Aba, may nagtext at hindi si 2366 na subscription ko sa loveteam ni Kim Chiu.

Basa. "You are invited, to visit 9th floor, 6750 bldg, Ayala Ave, Makati for your final interview."
Reply. "Sorry I am no longer interested.Thank you for considering my application."

Tinatamad ako. Ayaw ko kumilos. Isip. Isip.
Hay..Higop.


Nagtapos ako ng pag-aaral sa isang sikat na paaralan sa lungsod ng Lipa, oo sikat yun nasa google e. Lawit ang dila ko noon sa sobrang tuwa habang bitbit ang berdeng diploma. Pero ang pinakamasaya sa lahat ay si Mimi. As usual sa kwento eh mas masaya kung may leading lady. Kalaro ko siya mula pagkabata, tagalinis ko ng kuko kapag wala siya magawa,kaibigan, partner ko sa js prom at ang kaisa isa kong minahal.
Nagbuo kami ng pangarap sa damuhan sa likod ng aming bahay saksi ang asong si sandara. Nangarap para sa isang masayang pamilya.

Nakahanap ako ng trabaho sa isang sikat pa rin na kompanya sa Paranaque. Natuto ako magbilang ng LFP, OPT at magload ng concordance. Sisikat ka dito kung mahilig ka magtatak ng reject sa lahat project at sumigaw ng malakas, "eh tanga pala sila e. This should be captured, null and void from the very start of the contract". Tumatahimik lang yata kapag nakikinig sa wild confession ni Papa jack at kay mister Karinyoso ni Ely Cruz Ramirez. Umikot dun ang mundo ko at sa pangarap namin ni Mimi.

Sumingit nga pala sa pangarap ni Mimi ang umattend ng lovapalooza. Gusto lang makipaghalikan saken gusto pa dun sa maraming kasabay. Kahit labag sa loob ko, abot tenga naman ang ngiti ko sa halikang magaganap. Bket hindi? Isa lang meaning nun, mahal niya ako at kaya niya ipagmalaki sa buong mundo. Kaso napagod ako ng sobra,imagine galing pa kami ng star city tapos lakad lang hanggang sa Soliman plaza. Akalain mo, hindi man lang siya nakaramdam ng pagod sa sobrang excitement. Masaya. Natapos ang ang halikan kasunod ang gusto kong uwian.

Natupad ko ang isa sa libu-libong niyang pangarap. Kelangan ng umuwi. Alas dos na ng umaga,dinadalaaw ako ng antok pero hindi ako patulugin ng kwento ni Mimi na pareho naman namin nakita. Hindi ako nakikinig pero pinagmamasdan ko ang kislap ng kanyang mata. Napakaganda niya. Kitang kita ko ang saya sa kanyang mata. Umiibig ulit ako sa kanya sa ikalawang pagkakataon. Hinawakan ko ang kanyang kamay.Mahigpit. Mahigpit na mahigpit at lumuha ako sa lihim sa saya na aking naramdaman.

Hunyo bente sais. Nasa trabaho ako. Kapapasok ko pa lang nAghihintay na ako ng uwian. Nasa isip ko muli ang pagtupad sa pangarap ni Mimi. Dapat magkasama kami kahit isang minuto sa 24 oras ng kaarawan nya kahit upos ng sigarilyo ang regalo masaya na siya basta dumating lang ako. Alas kwatro trenta y uno ng hapon. Malayo pa lang kita ko na ang ngiti nya.
Wala sa amin ang karangyaan. Sa damuhan pa rin sa likod ng aming bahay kami nagdiwang ng kanyang kaarawan. Sa sandaling iyon, nahulog muli ang aking loob sa ikatlong pagkakataon. Pagkakataon ko naman para tumupad ng akin pangarap para maituloy namin ang iba pa naming balak sa buhay.

Hinugot ko sa aking bulsa ang isang pacifier na may kendi . yun ang regalo ko sa kanya. Natawa siya, naalala nya na yun ang aming singsing sa tuwing kami ay nagbabahay bahayan sa likod bahay. Sa pagkakataong ito hindi na laro. Gusto ko na siyang makasama habang buhay. Yun lang ang nag-iisa kong pangarap na binuo sa damuhan. Laking tuwa nya at pumayag sa aking kagustuhan. Tinapos namin ang gabi sa pag alala sa mga bagay na ginawa namin nung kabataan at pagbasa sa mga love letters namin mula grade one. Nahulog ang loob ko sa ikaapat na pagkakataon hindi ko akalain na inipon nya lahat mula pa nung kami ay musmos pa lamang.

Oktubre tres. Araw ng kasal. Matutupad na ang kaisa-isa kong pangarap. Ang makasama ang pinakamamahal ko sa buhay. Pakiramdam na hindi kayang ipaliwanag ng kahit anong salita na mkikita sa diskyonaryo. Napakaganda nya sa damit pangkasal. Nag-uumapaw ang aming tuwa hindi kayang isilid sa aming bridal car.
Ala una ng hapon.Masaya ang buong kasal. Kainan dito kantahan duon. Ilang putok rin ang aking nadinig dala ng kasiyahan. Kasunod ay isang katahimikan at ang malakas kong sigaw.
Ang kaninang masayang bridal ngayon ay nagsilbing ambulansya ng aking pinakamamahal. Hindi maipinta ng kahit sinong pintor or mailarawan ng sinumang makata ang aking takot at kalungtutan. Kasunod ng pagtupad ng aking pangarap ay pagbasak ng libu-libong dahon ng aming pangarap.


Tumigil na ako mangarap. Umalis sa trabaho. Hindi na ako nagbabasa ng balita. Hindi ko na alam ang kaibahan ng mp3 sa mp4. Hindi ako alam kung sino si charice. Gusto ko tumakas sa mundo. Gusto ko sisihin ang lahat ng nasa paligid ko. Hindi na ako nag aaksaya ng oras sa anumang kasiyahan, kontento na ako sa damuhan na puno ng pagmamahalan.


P.S.

pangarap ni Mimi isulat ang kwento ng buhay namin.