Skinpress Rss

Tikatik


Matalim ang pagdampi ng tikatik ng ulan sa bubong. Tila sinusubok ang tibay ng yerong kinain na ng kalawang. Dapit-hapon na ngunit ipinagkait ng ulap ang ganda sanang hatid ng paglubog ng araw.

Nakatingin si Claro kay Eljane habang sinusuklayan ng asawa. Nakangiti ito sa kanya. Sa estima niya ay kulang ng isang dangkal ay aabot sa puwitan ang buhok ng bunsong anak. Maganda ang tuwid na buhok nito. Ika nga ay walang sabit ayon sa commercial ng isang brand ng shampoo.

"May balita ba kay Elmer?" tanong ni Rosma. Iling ang sagot ni Claro. "Kay Oca? Kala ko may alok sayo?"

"Nabulilyaso, nagkakahulihan daw. Kausapin daw niya ang mayor para pwede akong kumubra ng STL "

Lumakas ang ulan na tila kakampi ni Claro upang pagtakpan ang kanyang pagkukulang bilang haligi ng tahanan. "Mukhang bibigay na ang bubong natin. Dapat maipaayos bago magtag-ulan."

"Siguro naman may balita na sa isang Martes." Naglagay ng apat na plato sa hapag si Claro. Inilagay sa gitna ng kaldero ng kanin at apat na kwek-kwek na halos matabunan ng tinadtad na pipino. "Kain muna kayo. "

"Dapat lang magkatrabaho ka na. Si Elma ay walang delhensya. " Tinapunan ng bahagyang tingin ang panganay. "Malapit na ang kabuwanan nyan at wala tayong pagkukunan."

"Andyan na yata sundo nyo," putol niya sa pagtatalak ng asawa.

"Ako na lang ulit ang gagawa ng paraan. Elma kilos-kilos at wala tayong pang cesarean!"

"Opo!"

"Dadalaw tayo sa ninong mo, Eljane." Sinipat ni Rosma ang bihis ng anak at saka sinabuyan ng mumurahing pabango. "Sundin mo lang sasabihin nya ha. Mabait yon. Galante pa! Huwag ka mahihiya don. Nasa kusina lang ako ha at magluluto ng kakainin nyo."


Matalim ang pagdampi ng tikatik ng ulan sa bubong. Tila sinusubok ang tibay ng yerong kinain na ng kalawang. Dapit-hapon na ngunit ipinagkait ng ulap ang ganda sanang hatid ng paglubog ng araw, tulad kamusmusan na maagang inagaw.

Inihatid ng tingin ni Claro ang mag-ina. Habang si Elma ay hinihimas ang sinapupunan. Lumuluha.

- wakas-




Buwitre




Naglalaban ang ulirat at antok habang nagbubuhol ang dila. Unahan ang mga salitang gustong kumawala sa bibig. Ngiti. May kasama pang mura.


Tumaas ang kanyang tagay habang numinipis ang sa mga kaharap. Mura ulit. Malutong pa sa pulutang chicharong bulaklak. Ngiti ang sagot ng ilan. Kindat naman sa iba.

Nakatago sa likod ng makapal na usok ang matang mapagmasid. Nakikiramdam. Naghihintay ng pagpikit ng mata at paghupa ng ingay. Tila mga ibong buwitreng nakaabang sa matapang na hayop na unti-unting nilalamon ng kahinaan.


Ungol. Ungot. Mura. Iyon na lamang ang maririnig sa kanyang bibig. Bumagsak ang lamog na katawan sa gilid ng sofa. Dinaig ang tinibang saging. Tumayo ang isa upang alalayan siya. Inayos ang kanyang pagkakahiga.


Sa kisap ng mata ay sumalakay na ang mga buwitreng nakaabang. Hindi importante kung sino ang mauuna ang mahalaga ay makatikim ng laman sa napiling biktima.

- wakas-

Hamog


Ngayon na lang ulit may lumabas na tila usok sa aking bibig dala ng hamog at lamig ng umaga. Noon ngang bata kami ay tila may built-in vape kami sa bibig o yong klasik na magkaibigan ni lola na apoy ang nasa bibig. #lituhinnatinangkidsnowadays

Sa ganitong tahimik na umaga, may kikiliti sa nagtutong na kokote. May sasagi na sa isip habang humihigop ng kape at bumubuga ng yosi. Hahalo sa hangin ang usok ng kape, yosi at hininga hanggang sa maglaho. Parang love.

Langya. Ngingiti. Iiling. Nakakalito. Parang love.

Doon mo maiisip ang isang taong labis mong minahal na dapat mo nga bang kalimutan o lagyan ng puwang. O kaya naman ay ang taong winasak mo ng sobra pero hindi mo makalimutan dahil mas masaya na siya noong wala ka na sa buhay nya.

Langya. Ngingiti. Iiling. Nakakalito. Parang love.

Tapos may lalabas na hanging mula sa tiyan na bubura ulit ng lahat ng alaala.

- wakas-

PIKO


Dumampot ka ng bato at gumawa ng guhit. Inihagis ang pato at agad naman akong sumunod. Hindi ko matandaan kung nanalo na ba ako sa piko. Kagabi, dumampot ka ng bato at gumawa ulit ng guhit. "Uso pa ba ang piko?" tanong ko. "Pero bakit paikot?" "Hanggang dyan ka na lang! At wag tangkain sumunod." Humakbang ako. "Isang hakbang na lang required kang mahalin ako." Naghagis ako ng pato. "Sunog ang iyong bahay. Pwede na kitang ibahay." WAKAS