Skinpress Rss

Free Coffee


"Ducareza. Baho naman ng apelyido. Bata, balita ko may complimentary coffee dito." Maangas ang pasok ng isang pulis na sa palagay ko ay hindi din basta-basta. Kasama niya si Lopez, ang madalas na patrol sa highway at suki ng kape dito sa store. 

Libre naman talaga ang kape sa mga kagaya nila medyo iba lang ang dating nitong isa. Nagulat ako kaya itinigil ko muna ang ML kahit may invite na ang tropa. Nagpapa-rank pa naman ako. Malapit na sana ako sa max ng grandmaster. Sinabi ko pa naman sa gf ko na busy na. 

"Gusto nyo ng kape, sir?" "Bastos ka bata. Hindi na. Mukhang nakakahiya at hindi ka naturuan ng values education. Balita ko Lopez, inaabutan mo na agad ng baso papasok pa lang. Lalo na siguro dapat sa gaya kong opisyal." Iginalaw niya ang balikat upang ipakita ang mga guhit sa damit. 

 "Pagtimpla ko kayo sir." Opisyal pala kaya sobrang manindak. Dami pa sinasabi pwede naman kumuha na lang. 

 "Alam mo kid, kung mag-aalok ka dapat tanungin mo kung may creamer ba ang kape na iniinom. Para alam agad ng bisita mo na pagkakapehin mo sya. Tama ba? Doon pa lang siya tatanggi kung hindi niya gusto ang kape."

 "Tama sir! Wait lang, sir." 

 "Hindi na at mukhang madadamay ako sa nerbyos mo. Kilala mo ba ako? Matagal na kitang pinasusubaybayan." 

 "Hindi sir! Hindi ako adik sir. Promise po! Payat lang po ako talaga." Ito na nga ba sinasabi ko. Kaya alinlangan ako noong sa convenience store ako lumanding. Madalas straight at puyat.

 "Paipis-ipis ka. Hindi ko gusto ang klase mo. Nagsusumigaw na ang apelyido ko sa uniporme."

 Aaminin ko naman na natakot ako. Sino bang hindi? May baril at kasing laki ng mukha ko ang kamao. "Kayo po pala Major." Tatay ni Lerma. "Pasensya na po." 

 "Ako nga! Kausap ko ang mga tungaw at langaw sa bahay kanina kahit anino ng buhok mo 'di pa nila nakikita. Low class ba anak ko?" 

"Pasensya na po. Tumatiming pa po!"

 "Aba, natatakot ka sa akin? Lopez nakakatakot ba ko?" 
 "Hindi sir!" Snappy si Lopez ngayon 'di tulad dati na mukhang antukin. 

"Cool nga po kayo." 

 "Kung may ginagawa kang masama doon ka matakot. " Napalunok ako sa .45. "Kintab no?" 

"Wala sir. Malinis po intensyon ko sa anak nyo." 

 "Halika. Lapit!" Ipinulupot niya ang kanyang braso sa aking leeg. "Nalalamig ka yata? Malakas ba aircon?" 

 "Papasko na ka kasi sir! Merry Christmas po."

 "Pumunta ka sa bahay sa 24, alas siete.. Ang exchange gift ay 300. Dapat naka-pink. Wag ka tumawa request iyon ni Lola. Matanda na kaya kailangang pagbigyan." 

 "Duty po yata ako sir," alinlangan kong sagot. 

 "Nakatimbre na yan sa taas, 'di ba manager?" Tumango ang bisor ko na halatang natatawa. " Ikaw duduty sa 24, tama?" tukoy naman sa kasama ko. Buti walang ibang tao. May isinuksok si Major sa aking bulsa. "Kailangan 'to ni kumander, ito talaga pakay ko. Bilhin mo. Wag kang papatay-patay," bulong niya. "See you bata! Merry Christmas! Manager! " 



Sumalado pa sa aking bisor. "Lopez, tara!" baling naman niya sa kasama. Dinukot ko sa bulsa ang sa palagay ko ay pera. Hindi nga ako nagkamali. Isang libo kasama ang isang pilas ng papel.

 "Ibili mo ako ng titan gel, bata," sabi sa sulat. Mukhang may matinding laban si Major.



 - wakas-