Skinpress Rss

Virus


Ikinagulat ng mga dalubhasa ang kakaibang virus na tumama sa isang lugar pagtapak ng taong ito. Hindi maisapubliko ang sitwasyon dahil paniguradong magdudulot ito ng kaguluhan at takot sa lahat.

Isang member ng grupong nag-aaral nito ang muntik magsiwalat ng pangyayari subalit agad itong pinatahimik. Nalaman niyang may species ng lamok ang na-expose sa inaaral na mga baliw na aso. Hindi makapaniwala ang lahat na may mabubuong bagong virus at nagawang itransfer ng lamok sa ibang hayop. Nagkaroon ng kakaibang pagkilos ang mga hayop hanggang sa nagawang saktan sa sarili. Tila nabaliw.

Hindi lumipas ang araw na iyon ay nagkaroon na din ng pagkabalisa ang mga taong nakapaligid sa lugar. Agad inalam ng mga dalubhasa ang naidudulot ng virus. At hindi sila makapaniwala na pagkabaliw ang dala ng strain. Mas nakatatakot ang mabilis na pagdami nito.

Tinipon nila ang lahat ng mga tao upang i-quarantine ang sitwasyon. Agad nagpausok upang mapuksa ang lamok. Kung hindi mapipigilan, wala na silang magagawa kundi patayin ang lahat para sa ikabubuti ng marami.

Tila nakangiti pa ang isang lamok nang magawa nitong makatakas bago pa gawin ng extermination sa lahi nila. Kakaiba ang lamok dahil nakontrol na din ng virus ang katiting na utak nito. Nakakita ito ng biktima. Isang matandang lalaki na may kasamang bata at alagang aso.

Maya-maya pa ay kakaiba na ang ikinikilos ng matanda. Nalalason na ang utak nito. Ngunit, pambihira ang sunod na pangyayari.

Lumapit ang matanda sa bata kasunod sa alagang aso. Binigyan niya ang mga ito ng pagkain at saka niyakap. Bumulagta ang matanda matapos iyon.

Maaring makontrol ng iba ang iyong isip. Ngunit hindi ang laman ng puso.