Skinpress Rss

HU U? (wakas)




chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|11|12|13|14|15|16|



Pinigilan ko ang pagbagsak ng aking luha dahil baka pagmulan ng baha. Gusto kong suntukin ang tricycle driver sa mukha para may karamay ako sa sakit. Pero naisip ko na hindi na dapat dahil higit na mahapd ang nararamdaman ko. Hindi nga ako natalo sa laro namin ng daddy ni Jane kanina pero checkmate na ako sa larong binuo ni Jane.

Hindi ko inakalang mamahalin ko si Jane. Pinalampas ko ang pagkakataon kaya ngayon ko lang naiisip na mahalaga sa akin ang brat na iyon. Kung kailan wala na siya. Kung kailan nasa bisig na siya ng iba. Handa ko na sanang ipagtapat ngayon araw na mahal ko siya pero nabahag ang buntot ko dahil sa nakita ko.

Masakit tanggapin na kaya akong paglaruan ni Jane. Kaya pala maganda ang usapan namin kanina dahil may binabalak siya. Lahat ng detalye ng pagdating ko ay inalam niya para harapan kong makita ang mainit na tagpo nila ni Dexter. Alam ko wala akong karapatan na magalit pero hindi na siguro tama na gawin ako tanga sa harap nila.

Sa bukana na lang ng eskinita ako bumaba. Ayokong makita ako ng magulang sa ganitong sitwasyon. At wala akong lakas ng loob na ipaliwanag ang lahat. Mauunawaan naman siguro nila na ang hindi pagdalaw ni Jane sa bahay ay nangangahulugang hindi na kami parte ng buhay ni Jane.

Umupo ako sa tapat ng puno ng nara, lugar na minsan naming tinambayan ni Jane. Mayabong na ulit ang puno at wala ng bumabagsak na bulaklak. Sana kasing tibay ko ang puno bulong ko sa sarili ko para hindi ako nakararamdam ng sakit. Isinumpa ko sa nara na ito na ang huling araw na makakaramdam ako ng sakit. Bukas ibang Zoilo na ang haharap sa tao. Wala ng babae ang makapaglalaro ng damdamin ko.

Nagring ang phone ko. Si Jane ang tumatawag. Hindi ako nagtatanim ng galit pero hindi pa ako handang kausapin siya. Sapat na ang nakita ko. Hindi ko na kailangang marinig ang balita niya na nagbalikan na sila ni Dexter. Siguro noong mga panahong hindi kami nagkikita ay nagkamabutihan na ulit sila.

Hindi ko sinagot ang mga tawag niya. Ilang minuto pa ay nagtext siya sa akin. "Loi, asan ka na? May sasabhin ako sa'yo."

"Jane, I'm sorry," reply ko. Buo na sa loob ko na wala ng pag-asa ang nararamdaman ko.

Ayokong magpaliwag. Hindi ko gawain ang makipagtalo. Kaya pinatay ko muna ang cellphone bago ko masabi ang hindi kanais-nais. Mahalaga sa akin si Jane kaya hindi ko gustong magsalita ng masama laban sa kanya.

Umupo ako sa may bangketa at nagpalipas ng oras. Matagal akong nanatili sa ganoong posisyon. Minimal ang ginawa kong pagkilos. Napapaangat lang ng bahagya ang aking ulo tuwing may mga dumadaang sasakyan sa kalye.

Natawag ang atensyon ko ng ilang sundalong humimpil sa may tindahan. Wari ay may inuusisa at maya-maya pa ay lumapit sa aking kinauupuan.

"Ikaw ba si Zoilo Datu?" tanong ng lalaking nakauniporme na pangsundalo.

"Opo. Ako nga po," sagot ko naman agad.

"Pinapatawag ka ni Sir. Kailangan mong sumama sa amin," singit ng isa pang lalaki. Medyo natakot ako kahit wala naman akong kasalanang ginagawa.

"Bakit po?" pagtataka ko. Bakit kailangan pa akong sunduin?

"Maglalaro yata kayo ng chess." Nakahinga ako ng maluwag. Sa mga napapanood ko sa tv ang mga ganitong eksena ay madalas kinikidnap at ginagawang alipin ng mga matrona. Buti na lang at chess lang ang pakay nila. Siguro nakarating na ang daddy ni Jane kaya gustong ituloy ang naudlot na laro namin kanina.

Sasama na sana ako pero naalala kong nasa bahay nila si Jane. Parang hindi ko kayang maglaro habang nakikita si Jane. "Hindi po ba pwedeng sa bahay na lang kami maglaro?"

"Sabihin mo na lang sa kanya kapag nandoon ka na. Napag-utusan lang din kami," wika ng sundalo habang binubuksan ang pinto ng sasakyan.

Sumakay kami ng kotse at tumulak pabalik sa bahay nina Jane. Idadahilan ko sa daddy ni Jane na sa bahay kami maglaro dahil gusto siyang makilala nina Mommy. Kaunting usapan lang ang namagitan sa amin ng mga kasama ko sa sasakyan. Umiikot din lang sa chess at ilang maliit na bagay tungkol sa buhay.

Pagpasok pa lang nga gate ng subdivision ay kinabahan na ako. Hindi pa talaga ako handang makita si Jane lalo na sa balita niya. Parang gusto kong umuwi ay makipaglaro na lang sa asong si gibo. Hindi ko alam kung mapipigil ko ang sarili ko at sigawan ko si Jane na akin na lang siya.

Pumasok kami ng bahay. Wala akong nakitang bakas ng daddy ni Jane. Napansin kong nagbubulungan ang mga sundalo sa tabi ko.

"Upo ka muna," wika ng isang sundalo na may kalakihan ang katawan. Sa palagay ko kahit bigyan ko ng aking malakas na tadyak ang sundalo ay hindi basta basta bibigay.

"Salamat po," magalang na sagot ko sa alok niya. Hindi pa man ako nakakaupo ng maayos bigla na lang nilang hinawakan ang aking kamay. Inilabas ng isang lalaki ang posas at mabilis na inilagay ang isang bahagi sa aking kamay at ang isa naman ay sa may hagdanan. Nagulat ako sa mga nangyari. "Anong kasalanan ko? Sir?!"

"Pasensya na. Napag-utusan lang." Lumabas ang dalawang sundalo pagkatapos akong iposas. Nanlamig ang buong katawan ko.

Clap! Clap! Clap! Napalingon ako sa pumapalakpak sa itaas ng hagdanan. Si Jane dala ang tawa niyang mapang-asar. Hindi ko alam kung ano namang laro ang balak niya sa akin.

"Buti naman kumagat ka sa aking plano," wika ni Jane.

"Ano namang kalokohan ito!" asar na sumbat ko. "Pati mga sundalo ginagamit mo pa!"

"Ayaw mo akong kausapin kaya pinakiusapan ko si Tito."

"Please Jane! Hindi ako nakikipaglaro sa'yo."

"Well, hindi din naman ako nakikipaglaro. May gusto lang akong sabihin at malaman sa'yo."

"Pwes, tagalin mo ang posas na'to!"

"Hindi pwede. Baka umalis ka."

"Ano pa bang gusto mo? Kanina pinaalis mo ako tapos pinabalik, pinagmukhang tanga at ngayon ganito?"


"Sakit mo naman magsalita," mababang boses ni Jane. "Nasaktan din ako noong sinabi mong hindi ka na nagpapanggap Loi. Pakiramdam ko noon pinaglalaruan mo ang feelings ko lalo kapag sinasabi mong mahal mo ako sa harap ng parents mo pero tumatawa ka."

"Kaya gumaganti ka?"

"Umiwas lang ako. Ayokong masaktan."

"Kaya gumawa ka na naman ng laro? O gusto mo lang talagang ipamukha sa akin na kaya mong gumanti?" Hindi ako natutuwa sa mga ginagawa ni Jane. Maraming paraan para makipag-usap.

"Hindi ako gumaganti, Loi. Tama na! Makinig ka muna please."

"Hindi na kailangan. Sapat na ang nakita ko. Gusto mo pa talagang makita ko kayong naghahalikan ni Dexter." Sinusumbatan ko si Jane sa mga bagay na hindi naman dapat. Kung tutuusin hindi dapat ako magreact sa namamagitan sa kanila pero nasasaktan ako. Pinilit kong alisin ang pagkakaposas kahit alam kong imposible.

"Damn!" Lumabas ng bahay si Jane. Buking ko na siya kaya nagwalk-out na naman. Naubusan na siya ng dahilan.

"Ganyan ka naman palagi. Tumatakas kapag naiipit!" sigaw ko.

Pumasok muli ang dalawang sundalo at lumapit sa akin. Kinapa ang bulsa ko na tila may hinahanap. Dinukot ang panyo ko saka ibinusal sa aking bibig.

"Pasensya na. Napag-utusan lang. Masyado ka daw kasing madaladal," paumanhin muli ng sundalo na nagpakilalang tito ni Jane.

Hindi ko alam na pati militar ay kayang paikutin ni Jane o dinaan na naman nito sa lambing kaya napasunod ang mga sundalo. Pumasok muli ng bahay si Jane matapos akong busalan ng sundalo. Sinigurado muna niyang hindi ko maalis ang busal saka umupo malapit sa aking harapan.

"Hindi kita pinaglaruan Loi. Mahal kita." Hindi ako makapaniwala sa nadinig ko. Mahal ako ni Jane pero nagawa niyang halikan si Dexter sa harap ko mismo. "Kanina noong papunta ka dito lagi kong tinatanong kung nasaan ka na. Kasi gusto ko pagbukas ko ng pinto ikaw ang sasalubong sa akin. Noong may nagdoorbell pikit mata kong sinabi na kiss me pagkabukas ko ng pinto. Pero hindi ko alam na si Dexter ang nasa harap ko."

Kuwento pa ni Jane, isosoli lang ni Dexter ang mga hiniram na libro dati kaya napadpad doon si Dexter. Dahil pikit nga siya hindi niya alam kung sino ang hinalikan at niyakap niya.

Tinanggal ni Jane ang busal sa aking bibig. "Jane, hindi ko alam kung dapat akong maniwala sa mga sinasabi mo. Kasi.."

"Dami mong arte!" Hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil inangkin ni Jane ang aking mga labi. Kinulang ang daliri ko sa kamay at paa para bilangin kung gaano katagal ang aming mga halik. "Ngayon Loi, sino ako sa buhay mo?"

"Teka di ko pa sure kung sino ka sa buhay ko." Muli ko siyang hinalikan para makasigurado sa nararamdaman ko. Mas matagal kumpara sa naunang halik.

"Sure ka na ba this time?" tanong ni Jane.

"Oo. Ikaw ang babaeng mahal ko." Hinalikan ko ulit siya para wala lang. Gusto ko lang humalik ulit.


Ito ang aking buhay. Ang aming love story. Dalawang magkasalungat na pagkatao na pinagtagpo ng pag-ibig. Pag-ibig na balak naming paglaruan sa pamamagitan ng isang kasunduan pero hindi namin alam na pag-ibig na pala ang naglalaro sa amin. At habang ako ay nagkukwento may bwisit na nagtext.

"Punta ka sa ospital!"

"Hu u?" reply ko.

"Ang magiging nanay ng anak mo!" Mabilis akong kumilos para abutin paglabas ng aking panganay.

Epilogue

Sa bahay kami nina Jane naninirahan kasama si Zoilo V. Tulad ng inaasahan napasakamay ni daddy ang malaking orasan. Si Mommy naman ay madalas dumalaw sa bahay para alagaan ang kanyang apo at para magpapansin na din upang ibigay sa kanya ang threadmill.


-end-


------------------
salamat sa mga sumubaybay at nagpakalat ng aking blog.. :)
palike sa fb. http://facebook.com/tuyongtinta
sa wakas natapos din ang aking obligasyon.. haha

HU U? (16)




chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|11|12|13|14|15|



Mahigit kalahating oras na din pala ang lumipas bago ko nabasa ang text. Hindi ko kasi agad namalayan dahil busy ako sa pakikipag-usap sa aking sarili. Ilang araw na lang siguro may schizophrenia na ako.

Hindi mababasag ang itlog kung hihilahin ang magkabilang dulo nito. Buti na lang binuwag ni Jane ang dingding na namamagitan sa aming dalawa. Laking pasasalamat ko at naisipan niyang ibaba ang kanyang sarili mula sa pedestal na kinalalagyan niya. Muntik na akong sumuko at napagdesisyunan na tuluyang alisin si Jane sa buhay ko.

Sinalubong agad ako ni Mommy pagkarating ko ng bahay. Labas agad ang ngipin nya at inaalam ang pinag-usapan namin Jane.

"Hindi pa po kami nagkikita," pagtatakip ko sa di maganda naming usapan. "Babalik pa po ako ngayon may pinakukuha lang si Jane," dagdag ko pa.

"Sabihin mo dumaan dito ha?"

"Opo Mommy."

"Anak madali ba pakisamahan ang daddy nya?" bulong ni daddy.

"Opo. Sobrang bait nga po."

"Great! Hindi pala ako mahihirapan hingin ang orasan!"

Uminom muna ako ng tubig hindi dahil uhaw ako kundi para alisin ang tensyon na nabuo sa pagkatao ko. Mahirap talagang ipaliwanag ang panig kung sarado ang tenga ng kausap. Lalo pa't sa simula pa lang ng sasabihin ay may nakahanda na siyang pambara. Pilit kong inunawa si Jane kanina pero nagmatigas siya. Pinalayas ako tapos pababalikan din pala. Alam ko entitled ang babae sa pagbabagong isip kaya hinayaan ko na lang.

Tinawagan ko si Jane para kumpirmahin ang pagbalik ko sa bahay nila. "Late ko na nabasa ang text mo. Pahingi lang ako ng konte babalik na ako dyan."

"Sige hintayin kita. Sorry Loi."

"Hayaan mo na. Ang mahalaga wala ka ng sumpong."

"Hoy wala akong sumpong!"

"Oh ba't ang taray mo?"

"I hate you pa din! Gusto lang kita makausap, yon lang!"

"So sisigawan mo na naman ako?"

"Depende sa mood ko at kung may sasabihin kang nakakaasar."

"Like what?"

"Hindi ko sasabihin. Mabibingi ka na lang mamaya kapag may mali kang nasabi."

"Tatahimik na lang siguro ako. Kakakain."

"Hey! Marunong na ko magbake!" Kung kaharap ko si Jane malamang labas na naman ang kanyang mga ngipin sa laki ng ngiti at halos idikit ang kanyang mukha sa akin dahil sa kanyang bagong ipagyayabang.

"Talaga. Anong binabake mo? Kanin?"

"Bobo! Sarap na sarap ka nga kanina sa brownies e!"

"Kaw nagbake nun?" duda ko.

"Yes!"

"Ows. Kaya pala matabang."biro ko naman. Hindi ko alam na magiging line nya ang baking. At inaamin ko na masarap para sa isang baguhan.

"Matabang pa iyon? Hanggang baba mo ang brownies sa katakawan!"

"Bakit mo naisapan magbake?"

"Wala lang."

"Wala lang or Hindi mo lang masabi."

"Hoy Mister. Kailan ka pa natuto ng telepathy para pakialaman ang iniisip ko? Kapag sinabi kong wala! Wala!" sigaw niya. "Huwag mo ako igaya sa'yo na sinungaling?"

"Ako sinungaling? Naging honest nga ako."

"Replay na yan. Isip ka naman ng ibang dahilan."


Brat talaga. Magaling mang-asar pero madali namang mapikon kapag siya na ang naiipit sa sitwasyon. Palaging tumatakas kapag ayaw sumagot sa tanong. Pero ok na din, at least kinakausap na niya ako. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya kaya nagtatanong ako pero sigaw naman ang matatanggap ko.

"Ba't mo nga pala ako miss?"

"Mukha ka kasing jologs! Nakasalamin ka na naman e."

"Dahil don namiss mo na ako? Wala ka bang sakit?" Natahimik siya. "Jane?"

"Don't ask! Upakan kita e!" Lagi niyang depensa ang pananakit sa tuwing nawawalan na siya ng dahilan. Kung tutuusin di ko naman siya dapat katakutan dahil iyakin naman. "Ano hindi ka pa ba aalis dyan?"

"Bakit ba parang minamadali mo ako?"

"May sasabihin kasi ako," halata sa kanyang boses ang excitement. "Dali na!"

"Mahalagang mahalaga ba?"

"Oo. Kaya nga kinausap na kita kasi may narealize ako."

"Talaga? Naexcite naman ako." May dalang kiliti ang sinabi ni Jane.

"Magugulat ka sa sasabihin ko! Be ready, lover boy."

Umalis ako ng bahay dahil na din sa pamimilit ni Jane. Nadala na naman ako ng malalambing niyang salita. Habang nasa byahe kinukulit niya pa rin ako. Kailangang updated kung nasaan at ilang minuto pa ako bago dumating. Bawat landbank, bato, halaman, bahay, nagsesex na aso ay sinabi ko na para alam nya agad kung saang lokasyon ako malapit. Nahihiwagahan tuloy ako sa gusto niyang sabihin.

"Nasaan ka na?" pangungulit pa din nya.

"Nasa gate ng subdivision nyo."

"Excited na ako."

"Ano ba kasi yan?"

"Malapit ka na naman e kaya wait mo na lang," wika niya sa malambing na tono.

Sa hindi ko alam na dahilan abot tenga ang ngiti ko. Excited akong malaman ang dahilan ng biglang pagbait ni Jane. Siguro ito na din ang tamang panahon para may aminin ako. Sigurado magugulat din siya sa aking rebelasyon.

Bago pa ako makababa ng tricycle nagulat na ako sa sorpresa ni Jane. Sa nakikita ko hindi na namin kailangan mag-usap at wala pala akong dapat ika-excite. Si Jane at si Dexter magkayakap. Alam kong hindi iyon yakap lang ng magkaibigan dahil inabot ko pa ang pagkakalas ng kanilang labi.

May namuong kirot sa aking dibdib. Kung tutuusin hindi ko dapat ito nararamdaman dahil wala naman akong karapatan.

"Manong balik na tayo. Sarado na pala," wika ko sa tricycle driver.

Gusto kong magalit pero wala ako sa lugar. Pakiramdam ko ay napaglaruan ako. Sabagay, mas masaya ang laro kung higit sa dalawa ang player.



itutuloy...
------------------
tuesday ulit

zippy grafx


Nagpopromote lang ako ng business ng aking friend..
Zippy Grafx
Digital Arts & Prints
zippygrafx@gmail.com
o923-719-4388
0915-564-9886



Printing Offers :

Personalized T-Shirt
Personalized Caps
Personalized Mugs
PVC ID
Key Chains
Pins
Invitations
Name Tags
Giveaways






price ranges from P130-250 (shirt)
(exclusive of freight charges)

if interested, contact them directly or use this form :






HU U? (15)






chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|11|12|13|14|






Tinanggap ko ang hamon ng daddy ni Jane tutal wala naman mangyayari kung makikipagmatigasan ako kay Jane. May dahilan na ako para dumalaw sa bahay nila at kung may pahihintulutan, gusto ko siyang makausap ng masinsinan. Malaking bahagi ng pagkatao ko ang binago ni Jane mula sa itsura hanggang sa pananaw. Kaya bumalik sa pagiging static ang buhay ko noong mga araw na hindi na siya dumadalaw sa bahay.

"Nakakamiss naman si Jane," mangiyak-ngiyak pang wika ni Mommy sa akin habang hawak ang mga pictures nila noong swimming. "Sabihin mo dumalaw siya dito."

"Kapag po nandoon siya sasabihin ko agad."

Pumasok ako ng banyo at hinayaan kong dumaloy ang tubig sa aking katawan. Pumikit ako at nag-isip. May ilang minuto ako sa ganoong sitwasyon. Gusto kong maging manhid ang aking pagkatao. Nalilito ako sa mga nangyayari. Pilit kong inaalis sa aking sistema si Jane dahil alam kong walang patutunguhan ang pinasok namin. Pero hinahanap-hanap ko ang mga sandaling magkasama kami. Masaya akong katext ang mga bagong kakilala ko pero sa pagsapit ng gabi bumabalik sa alaala ko si Jane. Anak ng pagong, namimiss ko siya.

Hindi ko alam ang dahilan ng galit niya kaya hindi ko alam kung saan bagay ako dapat humimingi ng paumanhin. Kung tutuusin walang masama sa pag-amin ko na wala ng pagpapanggap sa panig ko, mas maluwag sa dibdib ang katotohanan. Nagtataka ako sa mga taong mas pinipiling sumama ang loob kaysa daanin sa magandang usapan ang lahat. Tama, minsan kailangan ng panahon para mag-isip pero ang iwasan ang isang tao para takbuhan ang isang gusot ay napakalaking kalokohan.

"Zoilo! Magtipid ka nga ng tubig!" sigaw ni Mommy mula sa labas ng banyo.

Bigla akong natauhan sa sigaw ni Mommy. Masyado yata akong naging seryoso nitong mga nakaraan araw. Paglabas ko ng banyo bumalik na ang dating Zoilo. Haharap ako kay Jane tulad noong una naming pagkikita. Si Zoilo na nakasalamin at mala-Rizal na hair style na pwedeng magzipline ang mga langaw.

Bago ako umalis kinausap muna ako ni Daddy. May mga tips daw na dapat akong tandaan para hindi mawala ang tamis ng pagmamahalan. Huwag na huwag ko daw kalimutan magnakaw ng halik sa minamahal. Kakaiba daw ang stolen kiss dahil may dala itong kilig sa girlfriend. Payo niya, ililihis ko muna ang atensyon ni Jane sa ibang bagay saka ko isagawa ang pagnanakaw ng halik. Sumunod, maging mapagmasid ako sa mga pagbabago kay Jane dahil karaniwan na sa isang babae ang natutuwa kapag nakikita ang bago sa kanila kaya kahit mukhang basahan purihin pa din. Value her more than anything else.

"Balitaan mo ako anak kung mabisa ang turo ko," pilyong wika ni Daddy. "Huwag mong bibiguin ang lahi ng Zoilo!"

Nakangiti akong umalis ng bahay dahil sa mga diskarteng gustong ipagawa sa akin ni Daddy. Umaga ang usapan namin ng Daddy ni Jane pero halos magtatanghali na akong dumating. Sa totoo lang, sinadya kong hindi sumunod sa oras. Kwento sa akin ng Daddy ni Jane, may meeting siya after lunch kaya kung mahinto ang laro may dahilan pa ako para bumalik.

"Pasensya na po kung late ako, may ipinagawa pa po sa tindahan," palusot ko. Iniikot ko agad ang mata ko sa loob ng bahay. Hinanap ko ang aking pakay.

"Tuloy ka hijo, medyo mahaba pa naman ang oras kaya makakapaglaro pa tayo," wika niya. "Kukunin ko muna ang board sa taas."

Nilibang ko muna ang aking sarili sa mga nakakalat na magasin sa sala. Isa lang ang ibig sabihin nito, kapag makalat sa sala nandito si Jane. Naalala ko tuloy ang reaksyon ni Jane noong gabing nagbibihis siya. Halos isumpa niya ako sa galit. Natatawa tuloy ako. Sa totoo lang, hindi ko naman siya nakita sa aktong nagbibihis. Natripan ko lang siya lokohin. Sinabi ko lang na pink ang undies niya para magulat siya at malaman niyang gising ako bago may gawin pang iba. Hindi ko naman balak siya bosohan. Saka ko lang naman nasabi na yellow ang suot niyang undies nang makita ko ang garter noong tumungo siya para pulutin ang mga gamit niya sa sahig.


"Hey! Pervert! What are you doing here?!" sigaw sa akin ni Jane. Inilapag niya ang hawak na brownies sa mesa saka muli akong pinag-initan. "Kapal din naman ng mukha mong pumunta dito?"

Natakam ako sa brownies kaya hindi muna ako nakapagsalita. Parang nagsusumigaw ang brownies na kainin ko siya. "Pinapunta..."

"Lumayas ka sa harap ko!" Sinunod ko siya pero mabagal lang ang lakad ko. Hinintay kong dumating ang daddy ni Jane para pigilan ako. "Don't ever come back!"

Nang makita kong pababa ng hagdan ang daddy nya saka ako lumabas ng pinto. "Pasabi na lang sa daddy mo umalis na ako." Napapangiti ako sa ginawa kong acting na pwede bigyan ng award sa famas. Marahan pa din akong lumakad palabas pero lumaki ang tenga ko sa mga nadidinig ko sa loob ng bahay.

"Jane nasaan si Loi?" tanong ni Daddy niya.

"He just left," pagsisinungaling ni Jane. "Sabihin ko daw na aalis na siya."

"Umalis o pinaalis mo?"

"Bakit ba siya nandito?"

"May laro kami. Bisita ko siya kaya di mo dapat siya binabastos. Sunduin mo, di pa nakakalayo iyon."

"Dad!" Padabog na sagot ni Jane.

"Jane? Susunduin mo o grounded ka?" Pumapalakpak ang tenga ko sa mga nadidinig ko. Lahat umayon sa plano ko.

Noong naramdaman kong palabas ng bahay si Jane nagtago muna ako para naman mahirapan siya. Makabawi man lang ako sa panlalait niya sa akin.

"Dad he's gone." Pumasok muli si Jane ng bahay. Im gone daw? Heto ako't malakas pa.

"Pambira! Grounded ka talaga kapag nakita ko si Loi." Tumakbo ako papunta sa kalsada at pakunyaring nag-aabang ng tricyle. Tumalikod ako para magpretend na hindi ko alam na hinahanap nila ako. "Loi! Loi! Loi! Hijo!"

"Bakit po?" painosenteng tanong ko. "Akala ko po hindi na tuloy ang laro natin."

"Papasensyahan mo na si Jane." Hinawakan niya ako balikat at pinapasok sa loob. "Grounded ka Jane, di ka pwedeng lumabas sa ugali mong yan!"

"Dad? Hindi ko siya nakita, promise," katwiran ni Jane. Varsity din ako ng hide and seek kaya hindi nya talaga ako makikita. "Loi, pinagtaguan mo ba ako?"

"Ha? Nasa may kalsada lang naman ako," kakamot-kamot na depensa ko. Grounded si Jane kaya kung dadalaw ako siguradong nasa bahay lang siya. "Medyo malayo na lang siguro ako kaya di mo napansin."

"Oh laro na tayo Loi." Inayos niya ang piyesa. Kanya ang puti. "Jane kumuha ka ng merienda."

"CR po muna ako." Sinabayan ko si Jane sa paglalakad.

"Dahil sayo grounded ako!"

"Sorry! May paraan naman para makalabas ka e."

"Walang paraan kapag sinabi nya, yon ang masusunod."

"Sabihin mo ako ang kasama mo." Tulad ng dati para makalabas ako ng bahay si Jane ang idinadahilan ko.

"Sa bahay na lang ako!" Inirapan ako ni Jane.

"Ok, pero try mo i-consinder."

"Never! Akala ko ba sa CR ka ba't andito ka sa kusina?"

Umupo ako sa ibabaw ng lababo para abalahin si Jane sa ginagawa niya. "Bakit ka ba nagagalit sa akin? Pwede naman natin ayusin ang lahat."

"Natin? Wala ng natin Loi. Sinira mo na lahat.."

"Lahat? Walang masama sa ginawa ko Jane. Ang pagsasabi ng katotohan ay hindi naging masama. Tinulungan kita magmove-on sa alam kong paraan, sinunod ko ang mga gusto mo at higit sa lahat hinayaan kitang pasukin ang personal kong buhay. So anong sinira ko? Hindi ka ba naging masaya? Nasasaktan ka pa din ba hanggang ngayon?"

"Shut up! Please! Hindi mo maiintindihan ang damdamin ko." Iniwan niya ako sa kusina. Tama, hindi ko talaga siya maintindihan.

"Hindi ka ba naging masaya?" pahabol ko pa.

Naupo ako sa harap ng daddy niya. Sinimulan kong igalaw ang itim na piyesa. Puro depensa lang ang naging galaw ko. Isang maling tira siguradong talo ako. Napapailing ako nang muling makain ang knight ko.

"Napapansin ko, masyadong nakasentro ang laro mo sa knight," puna niya sa akin.

"Paborito ko lang po gamitin sa opensa at depensa."

"Ganoon ba, kaya pala hindi mo namamalayan na nasa panganib na ang bishop mo." Tumingin ako sa aking bishop. Naloko na. Wala ng gagalawan. Iniangat ko na lang ang pawn para hindi tuluyang masira ang laro ko.

"Mukhang tagalid na ang laro ko sir."

"Sumusuko ka na ba? Kahit nasa alanganin, be positive palagi. Dapat alerto ka at maingat sa mga sunod na kilos mo."


May katwiran ang mga sinabi niya. Hindi dapat ako sumuko kahit ilang beses akong i-reject ni Jane. Mahalaga magkaayos kami. Kahit hindi namin maibalik ang dating sitwasyon ang importante walang sama ng loob na namamagitan sa amin.

"Hindi ako susuko." Nagcastling ako para maitago ang aking king at para magamit ko sa opensa ang ibang piyesa.

"Oh wait, may tatawagan muna ako Loi. Please excuse me."

Nagrelax muna ako at pinag-aralan ang pwesto ng mga piyesa. Nag-isip ako ng pwedeng itapat sa mga galaw niya. Intact ang kanyang depensa kaya mahirap pumasok sa loob.

"Jane hija, halika." tawag ng daddy nya. "Kailangan ko ng umalis. Asikasuhin mo muna si Loi."

"Ingat kayo Dad." Napangiti ako. Ito ang hinihintay kong pagkakataon.

"Loi, sa ibang araw natin ituloy ang laro. Tabla muna tayo ngayon."

"Sige po. Anytime sir."


Kumuha muna akong brownies dahil alam kong ipagtatabuyan na ako ni Jane kapag umalis na ang kanyang daddy. Nakahinga ako ng muluwag dahil hindi agad natapos ang laro. Ibig sabihin babalik pa ako dito.

"Ingat Dad!" pahabol ni Jane sa ama.

Gumawa ako ng hakbang para makuha ang atensyon ni Jane pero lagi lang siyang sumisigaw. Humingi na ako ng paumanhin pero nanatili siyang galit sa akin.


"Jane," tawag ko sa kanya.

"What?!"

"Namimiss ka na ni Mommy." Tumayo na din ako ng upuan dahil alam kong walang mangyayari kung mananatili pa ako doon. "Aalis na din ako."

"Good. Bukas ang pinto. Kung maglalaro kayo ulit ni Dad sana hindi na dito."

"Sige." Lumakad ako patungo sa pintuan. "Nga pala, kung ito man ang huli kong punta dito gusto ko sanang sabihin na masaya akong nakilala kita."

Lumakad ako palabas ng bahay. Tumingala ako at pinagmasdan ng matagal ang bahay nina Jane. Kung muling mag-imbita ng chess match ang daddy ni Jane siguro mas mabuting sa bahay na lang namin. Mas maayos na din na kalmado ako tuwing naglalaro.

Lumabas na ako ng gate at mas pinili kong maglakad kaysa sumakay ng tricycle. Paborito ang maglakad. Nalalaman ko kung gaano ako kagaling o katanga sa buong araw. Siguro malas lang talaga ako ngayon. Hindi bale, babawi na lang ako sa susunod.

Nakauwi na ako ng bahay saka ko napansin na may message pala sa aking cellphone. Si Jane.

"Loi! namiss kita. Mahirap ka palang tiisin." Napangiti ako. Biglang nagbago ang ihip ng hangin. "Balik ka please!"

itutuloy...
------------------
pasensya kung delayed. madaming akong tinatapos na report.

A Bug's Life





Dear Mr. Bug,

I am writing to you because I am concerned about my feelings for the last 395 days. I know that you are responsible for the lub-dub-lub-dub sound in my heart. Please stop playing those instruments. I am not a teen anymore or a Kimerald fan para kiligin.

Mahal ko siya Mr Bug, part na ng routine ko ang tingnan ang pictures niya at pakinggan ang nirecord kong boses niya habang kumakanta. Ikaw ang itinuturo kong salarin kaya nagiging romantic ako. Hindi naman ako dating ganito. Hindi ko alam kung kailan mo sinimulang kontrolin ang pagkatao ko. Basta paggising ko na lang, nakangiti na ako. Siguro trip mong gawing cresent ang labi ko.

Magaling ka palang magpaint. At ang isip ko pa ang ginawa mong canvass. Kuhang-kuha mo ang lahat ng detalye ng babaeng payatot. Ng babaeng mahal ko. Her eyes. Her lips. Gumawa ka pa yata ng slideshow kaya pabalik-balik ang itsura nya sa isip ko. Naiinlove talaga ako sa mga ngiti niya.

Pinaglaruan mo naman ako ha. Napangiti ako sa jeep noong madinig ko ang huling song na kinanta nya. Akala tuloy noong kaharap ko, nagpapacute ako sa kanya. Kiniliti mo kasi ako Mr. Bug nagblush tuloy ako.

Mr Bug, she broke up with me months ago. Siguro sa lahat ng bitter ako ang masaya. Hindi dahil gusto ko ang paghihiwalay namin kundi puro magagandang alaala lang ang pumapasok sa isip ko. Siguro pinipili mo Mr. Bug ang mga gusto mong ipaalala sa akin. Hanggang ngayon umaasa pa din akong babalik siya.

"Umiiyak ka ba?" someone asked.

"No. Napuwing lang. There is a bug in my eye." Makulit ka Mr Bug. Pati mata ko ay pinaglalaruan mo.


She told me that I deserve someone better. She will be just as happy if I find a new girl. I tried. Sinubukan kong magmahal ng iba pero hindi ko pala kaya. Masaya akong kausap ang ibang tao but at the end of the day siya pa din ang naalaala ko.

I thank God everyday for all those magical moments we shared together. Every pick up lines I uttered, they made her smile. Every note she sang, it made me smile. Every jokes we shared, we giggled. Every phone calls. At ang mga kulitan hanggang madaling araw.

Panghahawakan ko pa din ang pangako ko sa kanya. Ako ang kanyang fallback in case na magmahal siya ng iba at mabigo. Hindi na ako magtatanong at tatanggapin ko siya ng buong buo.

Sa ngayon, hindi na ako nalulungkot bagkus napapangiti pa ako. I still listen to her voice. Glance at her. She's my one great love. My soulmate. Alam ko hindi siya mawawala sa mga alaala ko dahil sayo Mr. Bug. At kung anumang uri ng insekto ka, nagpapasalamat ako sa kasiyahang dinala mo sa puso at isipan ko.

Puta ang Ina Nya



"Gutom na ako Pepot," lahad ni Andoy sa kaibigan. Ilang minuto na lang ay alas dose na ng tanghali. Tubig lang ang laman ng tiyan ni Andoy mula pa kaninang umaga.

"Naku wala din ako delihensya e. Hindi pa ako napapadaan sa karinderya. Nasaan na ba ang nanay mo?" naaawang tanong ni Pepot.

"Hindi ko alam. Nasa trabaho pa siguro."

"Andoy may tao! Hayun oh, sumisilip sa bintana nyo!"

"Sino kaya iyon?" Naglakad pabalik ng bahay si Andoy. Madalas ay nasa tabing kalsada siya para hintayin si Pepot. May pagkakataon kasing naaambunan siya ng pagkain kapag nakakaextra ang kaibigan sa mga karinderya. Kung sinuswerte, isinasama siya ni Pepot para maging tagahugas ng plato o di kaya ay tagaigib ng tubig.

"Nasaan ang nanay mo?!" sigaw ng babae kay Andoy.

"Hindi ko po alam. Hindi pa po bumabalik mula kagabi."

"Sabihin mo sa nanay mong puta tigilan ang panghuhuhot sa asawa ko!" Galit na galit ang babae at halos tirisin siya nito sa galit. "Huwag na huwag siyang magpapakita sa akin at mapapatay ko siya."

Umalis ang babae matapos sigawan ang bata. Hindi makagalaw sa pwesto si Andoy dahil sa takot. Nasa gilid na ng mata niya ang luha bago pa siya nasaklolohan ni Pepot.

"Sino ba iyon, Andoy?" pag-aalaala ni Pepot. "Gusto mo reskbakan natin?"

"Hindi ko kilala. Basta na lang siya nagsisigaw."

"May nagbirthday nga pala kay Mang Efren kagabi. Hingin mo na lang ang mga bote dun at ibenta mo para magkapera at maibili ng pagkain," suwestiyon ni Pepot. "Sige, aalis na ako."

Si Andoy ay bunga ng pagbibilad ng katawan sa dilim ng kanyang inang si Carol. Wala siyang kinagisnan ama. Kulang siya sa atensyon, aruga at kaalaman na dapat ibibibigay ng isang ina sa anak. Sa kabila nito, labis pa din ang pagmamahal ni Andoy sa kanyang ina. Hinihintay niya itong umuwi kahit abutin siya ng madaling araw. Madalas napapagalitan pa siya kapag ginagawa niya iyon lalo na kapag may inuuwing lalaki ang ina.

"Mang Efren," tawag ni Andoy sa matanda. "Pwede po bang mahingi ang mga bote sa likod?"

"Oh sige. Meron pa din sa loob ng bahay kunin mo na," utos ni Mang Efren sa bata.

"Salamat po."

"Teka, namumutla ka a. Kumain ka na ba?"

"Hindi pa nga po. Hindi pa po kasi umuuwi si inay."

"Pumasok ka muna sa loob at kumain. Magbaon ka na din tutal madami pang pagkain." Inilalayan ng matanda si Andoy papasok ng bahay. "Pambihira talaga ang nanay mo oh."

Lumapit sa mesa si Andoy. Bagamat natatakam, ilang piraso lang ng ulam ang inilagay niya sa kanya plato. Nahihiya siya sa ibang batang nasa loob ng bahay.

"Mang Efren, ano po ba ang puta?" inosenteng tanong ni Andoy. Tumanim sa mura niyang isip ang sinabi ng babae kanina sa harap ng bahay nila.

"Anong klaseng tanong yan? Saan mo natutunan yan?"

"Sinabi po kasi noong babae kanina na puta ang nanay ko. Ano po ba iyon?"

Hindi alam ni Mang Efren kung paano ipaiintindi sa bata ang trabaho ng kanyang ina. Masyado pang bata si Andoy para malaman ang kamunduhan. "Huwag mo ng masyadong isipin iyon Andoy."

"Bakit po? Ano po bang masama sa puta? Sinisigawan niya kasi ako kanina," usisa pa din ng bata. "Puta daw po ang nanay ko at nanghuhuhot ng pera."

Napilitan si Mang Efren na sagutin ang tanong ng bata. "Ang puta ay mga babaeng nagbibigay ng panandaliang aliw kapalit ng pera."

"Kaya pala inakusahan niya si inay na manghuhuhot. Magkano naman po ang bayad?"

"Naku, kumain ka na lang bata ka. Tapos kunin mo ang mga bote sa kusina."

Kilala si Carol sa kalakalan ng laman sa kahabaan ng Crossing sa Calamba. Maganda, maputi at balingkinitan ang katawan kaya madali siyang makaakit ng lalaking hayok sa laman. May pagkakataon din na matumal ang transakyon lalo na kapag naglipana ang pulis sa lugar. Kinakailangan pang dumaan sa bugaw na makikihati pa sa kanyang kita.

"Boss, pwede ka?" tanong ni Carol sa isang lalaking nakatambay sa isang kilalang fastfood chain sa lugar. "Five-fifty lang."

"Totoo ba yan?" Tukoy ng lalaki sa dibdib ni Carol na nagsusumigaw. "Pwedeng hawakan?"

"Bawal baka mapanis. Pwedeng kutsarahin, one fifty. Kung gusto mo tikman two fifty," paglalatag ni Carol sa presyo ng kanyang dibdib.

"Mahal naman! Singkwenta na lang. Bilasa na naman yan e." tawad ng lalaki sa kalakal.

Uminit ang ulo ni Carol sa lalaki. "Sa pagmumukha mong yan, kahit bilasa di papatol sa'yo sa singkwenta." Umalis si Carol sa harap ng kausap. "Unggoy!"

"Mukhang mainit ang ulo mo ah," pang-aalaska ni Rupert.

"Bwisit kasi iyong lalaki kanina." Nagtawa si Carol. "May yosi ka?"

Kinuha ni Rupert ang yosi sa bulsa at iniabot kay Carol. "Anong bang nangyari?"

"Tawaran ba naman ako ng singkwenta! Mukha namang unggoy. Kung gwapo siya kahit ilibre ko na e."

"Matumal ba?" Sinindihan niya ng sigarilyo sa bibig ng kausap. "Paano na ang utang mo sa akin?"

"Wala pa akong pera e." Inilabas ni Carol ang bulsa na susi lang ang laman.

"Medyo matagal na din iyon ah. Baka hindi mo na ako mabayaran niyan."

"Pwede bang ito na lang ang ibayad ko?" Kinuha ni Carol ang kamay ni Rupert at ipinatong sa kanya harap. "Mahal pa ito kasi ikaw ang una."

Ngiti lang ang naging tugon ni Rupert. Pumayag siya sa alok ng babae dahil alam niyang imposible ng makabayad sa utang si Carol. Sumakay sila ng tricycle at nagpalipas ng oras sa malapit na apartel.

"Pambihira ka Carol! Hindi ko alam na mas maingay ka pa sa nanganganak na baboy."

"Enjoy na enjoy ka nga e!" Tumawa ng tumawa si Carol. "May utang ka ngayon sa akin."

"Utang? Bakit?"

"Isang round lang ang presyo ng utang ko sa'yo. Nakatatlo ka lalaking malantod," pang-aalaska ni Carol.

"Naisahan mo ako. Libre na iyon. Sa tagal ng utang mo e may interes na iyon."

"Business is business. Discount na ang isang round dahil magkakilala naman tayo." Napakamot na lang sa ulo si Rupert.

Umuwi si Carol na mainit ang ulo dahil sa tumal ng kanyang kalakal. Hindi niya pinansin ang anak dahil sa tuwing makikita niya si Andoy ay naalala niya ang lalaking minahal niya pero niloko lang siya. Isang pulis sa Calamba ang tatay ni Andoy. Hinuli siya noon ni Raffy dahil sa pagbibilad ng laman. Para makalaya ay ibinayad niya ang kanyang sarili. Naging madalas ang pagniniig nila mula noon. Nagpabuntis siya para iblackmail ang pulis at pakasalan sya. Subalit hindi umayon ang lahat sa kanyang plano. Umalis ng Calamba ang pulis matapos malaman na buntis siya.

"Inay, kumain na po ba kayo? May pagkain po sa mesa," alok ni Andoy.

"Busog ako! Matulog ka na."

"Inay."

"Lumayas ka nga sa harap ko. Peste kang bata ka!"

Inilibas ni Andoy ang perang kinita sa pagbebenta ng bote. "May pera po ako inay."

Nagbigay ng sarkastikong ngiti si Carol sa anak. Naalala niya ang lalaking sumira ng araw niya kanina. "Singkwenta? Aanuhin ko yan?"

"Puta daw po kayo inay. Magbabayad po ako kapalit ng pandaliang aliw. Para hindi nyo po ako palaging pinapagalitan." Kita sa inosenteng mata ni Andoy ang sinseridad na makuha ang antensyon ng ina. Iniisip ni Andoy ang puta ay gaya lamang ng payaso. Tagapagpasaya. Tagpagbigay ng aliw. "Tanggapin nyo na po inay."

Hindi nakapagsalita si Carol sa sinabi ng anak. Pinigilan niya ang pagpatak ng luha sa mata. Gusto niyang yakapin ang anak na para bang hindi niya nakasama ng matagal na panahon.
-end-


Saranggola ni Paco



Tinatahak ko ang daan papuntang Batangas. Napapangiti ako habang binabagtas ang daan lalo kapag nakikita ko ang malawak na kabukiran. Malaki na ang iniunlad ng Batangas mula noong umalis ako. Buti na lang nanatili pa din sa probinsya ang maganda at saganang kalikasan. Ibinaba ko ang bintana ng kotse at nilanghap ang sariwang hangin.

Sa isang maliit na bayan ng Padre Garcia ako isinilang at lumaki. Simple lang ang buhay ko noon. Nauubos ang oras ko sa paglalaro. Ang buong palayan at tubuhan ang aking pasyalan. Madalas kaming manghuli noon ng kagaykay o di kaya'y tipaklong sa kaparangan. Sa hapon, magkakasama kaming nagtatampisaw sa iba't ibang ilog sa lugar. Tanda ko pa, naranasan ko noong mahulog sa kalabaw dahil nagulat ito noong tumalon ako mula sa puno ng mangga para makasakay sa likod ng hayop. Tawanan kami noon kahit masakit ang aking likod.

Grade four ako noong umalis kami ng Batangas. Umiyak talaga ako noon dahil ayaw kong iwan ang nga kaibigan ko. Nagsasaranggola pa kami nang biglang sabihin sa akin ni kuya na kailangan kong umuwi dahil luluwas na daw kami ng Manila. Tumira kami sa Quezon City malapit sa trabaho ni Papa. Nahirapan akong mag-adust lalo na sa klase. Wala akong kakilala at madalas akong tuksuhin dahil sa tono ng aking pananalita. Hanggang sa natuto silang igalang ako dahil bumubulagta na lang sa sahig ang nangangas na tuksuhin ako.

Akala ko hindi ko magugustuhan ang buhay sa siyudad. Habang lumalaki ako minamahal ko ang bago kong buhay. Hindi ko na hinahanap hanap ang Batangas, nakalimutan ko na din ang mga dati kong kalaro dahil may mga bago na akong kaibigan. I love living in the city. Buhay na buhay ang gabi. I love parties, sleep-overs and of course flirting.

Sa totoo lang napilitan lang akong umuwi ng Batangas. Nasa Bohol kasi sina Papa kaya ako na lang ang pinauwi para umattend ng birthday party ni lola. Six years na din noong huli akong dumalaw dito. Halos wala na akong kakilala at may mga asawa na ang mga kalaro ko dati. Huminto muna ako sa tabing daan para bumili ng buko pie. Bilin kasi ni Mama. Dumaan ako sa isang flower shop para bumili ng rosas para kay lola. Kailangan ko ng regalo dahil ilang oras lang ako magstay sa celebration.

Pumasok ako sa isang maliit na daan patungo sa bahay ni lola. Nakakatuwang pagmasdan ang pantay-pantay na taas ng punong mangga sa daan. Humahalimuyak sa daan ang aroma ng kapeng barako. Kakaliwa na sana ako sa may kanto pero napatda ang tingin ko sa isang babaeng naglalakad sa may daan. Nakakabighani.

Pumutol ako ng isang rosas sa kumpol ng bulaklak na ireregalo ko kay lola at bumaba ng kotse. Hindi ko palalampasin ang pagkakataon. "Miss! Miss nahulog mo yata!" sigaw ko.

Lumingon siya. Napamura ako. Nakakabaliw ang kanyang appeal. Nangatog ang mga tuhod ko sa tingin niya.

"Huh? Hindi yan sa akin, wala naman akong dalang bulaklak," tugon niya.

"Hindi ba?" Tumakbo ako papalapit sa kanya. "Sa'yo na lang. Wala pala nagmamay-ari nito."

"Ano naman gagawin ko d'yan?" Nagpatuloy ang babae sa paglalakad.

"Iuwi mo o kaya dahil mo sa simbahan, ilagay mo sa altar." Naglakad ako ng paatras. Pinipilit kong harangan ang kanyang daan.

"Ngayon lang kita nakita dito? Bagong lipat lang kayo?"

"Matagal na kami dito. Dito na ako tumanda."

"Hindi ka naman matanda e. Ganda mo nga e. Anong pangalan mo baka pamilyar sa akin."

"Tigilan mo nga ako, Paco." Nagulat ako. Kilala nya ako. "Nagmamadali ako. Saka na lang tayo mag-usap."

"Kilala mo ako? Kilala mo ako? Anong pangalan mo?"

"Ewan ko sayo!" Tumakbo papasok ng bakuran ang babae.

Naiwan akong nakangiti habang hawak ang isang pirasong rosas. Nahiwagahan ako sa kanya. Matagal na akong wala sa Batangas pero kilala niya pa din ako. Binalak ko hanapin muli ang babae pero hindi ko na nakita. Ang balak kong ilang oras ng Batangas mukhang aabutin ng ilang araw.

"Lola, kaninong bahay iyong berde sa may kanto?" Hindi ako mapakali. Baka may makukuha akong impormasyon kay lola.

"Kay Stella."

"May asawa na po ba siya?"

"Jusmiyong bata are, interesado ka sa kanya? Hindi ko alam na ang taste mo eh pangsikwenta anyos!"

"Haha! May anak po ba siyang babae?"

"Oo. Bakit ka ba tanong ng tanong? Hindi mo ba kilala si Stella. Kalaro mo ang mga anak niya dati."

"Kalaro? Sino?" Napakamot ako ng ulo.

"Si Cocoy at Gemma."

"Gemma? Wala naman akong kalarong Gemma?" Kinulit ko si lola hanggang kusina.

"Kalaro mo iyon! Yung may dalang monay palagi para makipaglaro kayo sa kanya."

"Si Buninay?"

"Buninay na kung buninay. Basta anak siya ni Stella."

"Salamat lola."


Hindi muna ako umalis ng Batangas. Tinamaan ako. Hindi pumasok sa isip ko na sa isang taga Batangas din titibok ang puso ko. Sinigurado ko munang si Gemma at ang babaeng kausap ko ay iisa. Noong mga bata kami hindi ko siya pinapansin. Makikipaglaro lang ako sa kanya kapag kasama niya si Cocoy. Buninay ang tawag ko sa kanya noong mga bata pa kami.

Bumilang pa ng mga araw ang pangungulit ko kay Gemma. Nakalimutan ko na ang buhay ko sa Manila. Masaya akong bumubuntot sa kanya. Kahit sinusupladahan niya ako, nakikita ko pa din syang ngumingiti. Dinalhan ko ulit siya ng bulaklak pero hindi pa din niya tinanggap.


"Buninay!" Hindi siya lumingon. "Gemma!"

"Bakit mo ba ako sinusundan?" tanong nya.

"May atraso ka pa sa akin," pagbibiro ko.

"Atraso? Wala. Hindi kasalanan ang pagtanggi sa bulaklak."

"Hindi iyon. Nasaan ang saranggola ko noong umalis ako dito?"

"Paco tagal na non. Ako nga ang nagtago, sa katagalan nasira na iyon."

"Bakit ba ikaw ang nagtago? Pwede naman si Cocoy."

"Eh Gusto ko lang. Pakialam mo ba?"

"Pakialam daw oh? Bakit may ganito pa?" Ipinakita ko ang bigay niyang bracelet sa akin. Sabi ni Cocoy noong paalis na kami na si Buninay ang nagtago ng saranggola kapalit ng bracelet niyang gawa sa straw. Ibabalik nya lang daw ang saranggola kapag umuwi ulit ako ng Padre Garcia. Buti na lang nakatago pa ang mga gamit ko sa bahay ni lola. "Iclaim ko ang saranggola ko. Maganda ang panahon ngayon mukhang masarap magpalipad."

"Sira na yon Paco. Bumalik ka na ng Manila para hindi mo ako maabala."

"Pinapaalis mo na ako Buninay?"

"Gemma hindi buninay! Oo, lumayas ka na. Nagsisikip ang mundo ko."

"Ayaw mo nun? Dalawa lang tayong umiikot sa mundo. Sweet." pang-aalaska ko pa.

"Tigilan mo nga ako. Hindi mo ako mabobola.

Hinila ko si Gemma. "Halika! Samahan mo muna ako gumawa ng saranggola."

"Ayoko!"

"Saglit lang naman. Tapos paliliparin natin."

"Huwag mo na akong pilitin Paco."

"Masaya 'to." Hinawakan ko ang kamay ni Gemma. "Pagbigyan mo na ako. Gusto kong makasama ka. Kahit di ka magsalita basta alam ko katabi kita."

Pumayag si Gemma sa gusto ko. Naging madalas kami sa kubo sa may palayan pero bago siya pumayag kailangan ko muna lagi siyang pilitin. Hindi ko inakala na ang batang ayaw kong kalaro dati at madalas kong iwasan ay hinahabol-habol ko ngayon. Umiiwas kasi ako sa mga tukso ng mga kalaro ko noon dahil laging siyang nakabuntot sa akin. Buninay kasi itinuring ko siyang sakit sa balat dahil parang buni kung makadikit at ang nay naman ay galing sa monay.

"Gemma, tara!"

"Ayoko!" Alam kong lagi siyang tatanggi pero sa huli ay pumapayag din naman siya. "Saranggola na naman, wala ba tayong ibang gagawin?"

"Gusto mo bahay-bahayan? Pwedeng ako ang tatay at ikaw ang nanay." Binigyan ko siya ng malikot na ngiti.

"Ano ka bata?"

"Oh di seryosohin natin. We can live together."

"Ayoko! Hindi kita boyfriend at ayoko din sayo."

"Problema ba iyon? Gawin mo akong boyfriend. Hindi naman ako tatanggi."

Kay Buninay umikot ang aking araw. Nakuha ko ang loob ng mga magulang niya at binigyan pa ako ng tips para mapalapit ng husto kay Gemma. Kahit lagi akong natatarayan, alam ko masaya na din syang kasama ako.

"Sara talaga ng hangin dito."

Tahimik lang si Gemma. "May gusto sana akong sabihin pero...."

"Sabihin mo na. Makikinig ako."

"Hindi na siguro kailangan Paco."

"Huwag ka ng mahiya. Close na tayo di ba?" Presko ang dating ko kay Buninay pero natutuwa akong asarin siya kaya pinanatili ko ang ganoong imahe.

"Ayoko! Para ano pa?"

"May galit ka ba sa akin kaya lagi mo akong nirereject?"

"Six years ago, nakatayo ako sa harap mo." Hindi ako makapagsalita.

"Gem? I am sorry. Nagmamadali kaming umuwi noon." Six years ago, may babaeng nakatayo sa may hagdanan ng bahay ni lola. Nakangiti siya sa akin habang nakakunot naman ang noo ko dahil hindi ko siya mamukhaan.

"Natatandaan mo na? Masakit para sa akin iyon kaya sinira ko ang saranggolang itinago ko ng ilang taon."

"Itinago mo talaga? Hayaan mo akong bumawi ngayon?"

"Paano? Aalis na ka naman ulit dito di ba?"

"Oo. Kailangan e."

"Iiwan mo ulit ako. At itatago ko na naman ang saranggola mo at maghihintay ulit sa pagdating mo? Sawa na ako."

"Hindi. Makinig ka muna. Please!"

"Ayoko ng umasa Paco. I'm sorry."

Hinayaan ko siyang malungkot para makakuha ako ng timing. "Aalis ako dahil kailangan kong sunduin ang mga magulang ko."

"So?"

"Susunduin ko sila para mamanhikan kay Buninay."

Kinurot niya ako. "Manligaw ka muna!" Gumuhit ang ngiti.

"Ayoko. Baka makatanggi ka pa." Niyakap niya ng mahigpit.

-end-

---
plain story. igawa ko lang daw ng kwento ang bayan namin.. para malaman ng tao na nag-eexist ang padre garcia sa mapa.

HU U? (14)






chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|11|12|13|




Sinubukan kong kausapin si Jane pero hindi niya ako pinapasok sa loob. Outside de kubo na agad ako kaya imposible ang iniisip nina Daddy na mabigyan ko sila ng apo. Naisipan ko na lang pumunta sa cottage kung saan kami magkikita nina Mommy. Idinahilan ko na nagpapahinga pa si Jane kaya hindi ko kasama. Tumulong na lang ako sa paghahanda ng cholesterol-rich na pagkain.

"Tawagin mo na si Jane, kakain na tayo," utos ni Mommy.

"Kayo na lang Mommy, may uling ang kamay ko baka madumihan ang knob. Alam nyo naman si Jane, maselan." palusot ko na lamang para hindi mahalata ang gusot na namamagitan sa aming dalawa ni Jane.

"Oo nga. May sasabihin pati ako kay Zoilo. Usapang lalaki ito kaya doon ka muna," sang-ayon sa akin ni Daddy na may malikot pa ding ngiti.

"Aarte n'yo!" padamog na umalis si Mommy.

Habang hinihintay namin ang pagbalik ni Mommy mabilis naming inihanda ang hapunan. May ilang bagay na ibinahagi sa akin si Daddy tungkol sa sekreto ng magandang pagsasama. Unang una, magpanggap na pagod para libre ang masahe at maiwasan ang sangkatutak na utos. Magandang technique daw ito para makatipid ng enerhiya at madaling malaman kung galit ang babae o kailangang na ng serbisyo. Pangalawa, hulihin ang kiliti ng babae para kapag may ginawang kasalanan madaling lusutan. Sabi ni Daddy, madaling magpatawad ang babae kung nature na ng lalaki ang pagiging sweet. Kahit mukhang asero pa ang asawa, lalambot ang puso nito kung reregaluhan ng bulaklak ng kasing presyo ng isang sako ng bigas. Pangatlo, matutong tumitig sa mata ng kausap hindi lamang para maging sweet kundi para hindi mabuking na hindi interesado sa idinadakdak ng babae. Kariwanan na sa babae ang magkwento kahit hindi naman nakakarelate ang kausap. Ang mahalaga lang sa kanila ay magkaroon ng outlet ang kanilang nadarama kaya kahit salitang intsik na si Mommy dilat pa din si Daddy. Pang-apat, maging honest para kung may uungkating bagay hindi sasablay ang mga alibi. Mas mabisa daw ang mga alibi kung base ito sa katotohanan para kung may mainterview ng taong involve mawawala ang padududa. At panghuli, mag-aral ng magagandang adjectives para idescribe ang babae para kung may hihilingin madaling pagbigyan. Mas magiging maayos daw ang pagsasama kung sinasabihan palagi ng magandang salita ang babae para mas malaki pa sa bibig ni Mc Donalds ang ngiti para kung may kailangan sa asawa ay madaling makukuha.


Matapos ilahad ni Daddy ang sekretong dapat ilihim habang buhay, iniabot niya sa akin kapirasong papel. Nakabalot pa ito sa isang plastik. Napangiti ako. Sa isip ko, ang papel ang napapabalitang agimat ng salinlahi ng mga Zoilo. At naisip siguro ni Daddy na ito na ang tamang panahon para isalin sa akin. Pero nangangarap lang ako, bill lang pala ng resort.

"Anak anong nangyari kay Jane? Bakit parang tulala?" pabulong na tanong ni Daddy. Ngumiti lang ako. "Hanga na ako sa'yo anak, hindi pa lumalalim ang gabi pinagod mo na agad."

Muntik na akong matawa sa sinabi ni Daddy. "Kain na nga lang kayo Dad."

"Hoy kayo! Bulungan kayo ng bulungan dyan. Kumain na nga lang kayo," sermon ni Mommy. "Jane, kain ka pa."

"Salamat po. Parang wala po akong gana," mahinang tugon ni Jane.

"Gusto mong ihatid na kita sa kwarto?" tanong ko naman agad.

"No. Just eat." maikling sagot ni Jane.

"Concern lang ako. Alam mo namang lab kita," wika ko na may halong pang-aasar.

"Hija, may ginawa bang masama sa'yo si Zoilo? Huwag kang matakot kaya kong pagbuhulin ang dalawang yan."

"Oh ba't nadamay naman ko?" singit ni Daddy na muntik mabulunan sa hawak na paa ng manok.

"Wala naman po. Napagod po siguro ako sa pagtatampisaw kanina sa dagat. Sobrang excited po kasi ako."

"See! Mommy, wala akong ginawang masama sa kanya. May ginawa pa nga ako sa kanya e." Inilabas ko ang ilang piraso ng kabibe na ginawang bracelet. "Regalo ko."

"Yabang mo! Ginawa mo yan? Tinda yan noong bata kanina!" Patay buko na naman. Akala ko masama ang pakiramdam niya pero kapit pa din sa mukha ko ang sigaw niya.

Pakatapos kumain, kami ulit ni Daddy ang naiwan para maglinis. Mas pinili ni Daddy ang maiwan para maisakatuparan ang balak niyang panonood ng mga nakabikini habang kasama pa ni Jane si Mommy sa dalampasigan. Sinamahan ko naman si Daddy para naman hindi masyadong mapagod ang kanyang mata. Inenjoy namin ang paligid habang tumatagay ng whisky na regalo kay Daddy noong nakaraaan fiesta.

Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na kausapin si Jane. Pumasok ako sa kubo noong makaramdam ng hilo. Mahirap maunahan ni Jane at baka maging outside de kubo na naman ako. Palibhasa hindi sanay ang sikmura ko sa mamahaling alak, bumigay agad ang bahay alak ko. Nakatulog ako.

Nakaramdam ako ng ilang kaluskos. Naalimpungatan ako mula sa aking pagkakaidlip. Alam ko si Jane ang gumawa ng ingay. Ilang kurap pa ang ginawa ko bago ko makita kung naasan siya.

"Wow pink!" sigaw ko.

"Shit! Damn you! Bastos! Manyak!" sigaw ni Jane.

"Wala akong nakita. Binibiro lang kita." Natatawa ako sa itsura niya habang binabalot ng tuwalya ang sarili. Kung tutuusin halos walang pagkakaiba ang panty sa suot niyang two piece kanina kaya nagtataka ako kung bakit ganoon na lang ang reaksyon nya kung may nakita man ako. "May banyo naman bakit dyan ka nagbibihis?"

"Nasa labas ang banyo, tinatamad na akong lumabas!"

"Don't worry hindi ko naman nakita na pink yan. Hula lang yon."

"Its not pink, pervert! Don't talk to me and don't ever say na you love me. Naiirita talaga ako kanina!"

"Ok. Goodnight." Hinayaan ko lang siyang manggalaiti sa galit. Natatawa ako sa itsura nya. Kahit napapapikit na ako, napapangiti pa din ako. "Yellow pala di pink."

"I hate you! I hate you Loi!" Nagtakip siya ng kumot pagkatapos umasta na parang bata.


Pingatawanan ni Jane ang galit sa akin. Pinalipas niya ang isang linggo na hindi nagpaparamdam sa amin. Idinadahilan niya kay Mommy na busy siya sa processing ng kanyang visa. Kapag dumadalaw naman ako sa bahay nila hindi siya lumalabas palaging katulong lang ang humaharap sa akin.

"Sorry Loi, ayaw kang kausap ni Jane."

"Pasabi na lang po na babalik pa din po ako."

Sinubukan ko siyang tawagan pero hindi naman niya sinasagot ang mga tawag ko. Pinalipas ko pa ang ilang araw para palamigin ang sitwasyon. Mas maayos na din siguro kung hindi ko tuluyang ilalapit ang loob ko kay Jane dahil alam kong wala namang patutunguhan.


"Aling Mameng may naghahananap ng bahay nyo sa may labasan!" wika ng isang usisera sa kalye.

"Sino daw? Bakit?" pagtataka agad ni Mommy.

"Hindi ko po alam. Mukhang parak!"

"Zoilo! Ang Daddy mo?" baling sa akin ni Mommy na tila nababalisa.

"Ipinapasyal po si Gibo," tugon ko naman. "Bakit po ba?"

"Tawagin mo! Mamaya na kamo ipasyal ang aso." Lumabas ako ng bahay para hanapin si Daddy. Hindi naman ako nahirapan dahil halos isang kanto pa ang nalalakad nila. Pag-uwi namin ng bahay, umandar na ulit ang bibig ni Mommy.

"Tres! Nagbayad ka ba ng buwis? Umamin ka nagsabong ka na naman," giit ni Mommy.

"Paano ako magsasabong wala naman akong manok?"

"Pilosopo! May naghahanap daw na parak sa atin sa labasan. Binayaran mo ba ang buwis ng tindahan o nagsabong ka na naman. Umamin ka na!" Bumaon sa braso ni Daddy ang bagong manicure na kuko ni Mommy.

"Tao po! Magandang araw po." tawag ng pamilyar na boses mula sa labas. Natigilan si Mommy. "Nandyan po ba si Loi?"

"Ah eh. Nandito po." Huminahon bigla si Mommy at tumiklop noong makakita ng nakauniporme. "Ano po bang maipaglilingkod ko sa inyo?"

"Mommy, siya po ang tatay ni Jane," singit ko. Napawi ang namuong tensyon sa loob ng bahay. "Pasok po kayo."

"Anak, this is it. Buntis na yata," bulong ni Daddy.

"Upo po kayo. Ano po bang kailangan n'yo sa anak ko?" pakumbaba ni Mommy.

"May utang po sa akin si Loi." Utang? Wala akong natatandaang humiram ako sa kanya ng pera. Inaamin ko marami akong nakaing brownies pero bigay iyon sa akin ni Jane. Isang beses lang naman ako nagpuslit ng isa pauwi.

"Magkano po?" singit ni Daddy.

Umiling ang kausap ni Daddy. "No. Hindi pera. Chess game. May ipinangako siyang rematch sa akin," nakangiting wika niya.

"Ay oo nga po wala. Doon po tayo sa may kubo para maaliwalas." Naalis ang kaba sa dibdib ko akala ko may atraso na ako sa kanya.

"Kukuha muna ako ng maiinom," si Mommy.

Ipinuwesto ko ang mga puting piyesa. Una akong tumira gamit ang paborito kong spanish opening. Pinanatiling kong maganda ang bawat tira. Pinaatake ko ang piyesang hugis kabayo. Pero hindi naging madali ang mga sumunod pang galaw. Iba ang mga galaw niya kumpara noong una kaming nagharap. Mahirap hulaan ang susunod na tira kaya nagcastling muna ako para maiwasan ang pagkasira ng aking opensa. Nanganib ang aking kabayo.

"Bata, nasaan na ang pangako mong iingatan mo ang reyna?" wika niya matapos alisin sa chess board ang aking kabayo. "Napapansin kong nababagabag ang anak ko. Anong problema Loi?"

"Tutuparin ko po ang pangako ko. Magiging maingat po ako. May natitira pa pong isang knight." Iniaangat ko ang bishop para protektahan ang pag-atake ng queen. "May kaunting tampuhan lang po kami ni Jane."

"Para hindi mabuwag ang isang kaharian, dapat mong isipin ang bawat piyesa. Saka mo lang makikita ang importansya nito kapag wala na." Hindi ko alam kong anong tinira ng tatay ni Jane sa lalim ng mga sinabi nya. "Checkmate."

Kinamayan nya ako matapos ang laro. "Nagpatalo lang po yata kayo noong una nating match."

"Hindi Loi. Mahirap ka ding kalaban. Hihintayin kita bukas sa bahay. Tabla na tayo ngayon, finals bukas."

"Makakaasa po kayo." Nagkaroon ng pag-asa para makaharap ko si Jane. Gagayahin ko ang ginawa niyang pakikipagclose kay Mommy. Palagay ko, nasa panig ko ang kanyang ama.



itutuloy...


----------
para informed sa updates pafollow naman sa fb : tuyong tinta ng bolpen

para daw sa mga taga DOHA ito na nagbabasa ng blog ko during office hours. haha

FAITH



Note : Request story lang. Fiction ito, pero ang issue ay based sa karanasan niya. Peace.

----------

"Father, Salamat po at ingat po sa pagmamaheno," may ngiting wika ni Kapitana matapos ang misa sa barangay 12.

"Wala pong anuman. Asahan n'yo po mapapadalas ang misa dito. May madadagdag na po kasing pari sa parokya."

Pari si Tito Aries at bata pa lang ako ay madalas na niya akong kasama sa lingguhang misa sa mga barangay. Maaga akong namulat sa mga gawain simbahan kaya naengganyo akong maging sakristan. Madalas, kasama ako sa mga outrearch program at religious activities.

"Tito, iniimbitahan po tayo sa house blessing ni Mr. Agbing sa Naujan."

"Kelan ba daw?"

"Sa katorse po."

"Sige. Mapapasabak na naman tayo sa mahabang byahe nito," natatawang sambit ni Tito. Ibinigay niya sa akin ang kanyang organizer para isulat ang schedule ng house blessing.

"Kung may running priest kayo naman ang travelling priest," biro ko.

Napahalakhak si Tito habang nagmamaneho. Nagdaos muna kami ng misa sa San Teodoro bago pa kami bumalik ng Calapan. Parte na ng buhay ko paglilingkod sa simbahan at sa Diyos pero hindi ko naman itinuturing ang sarili ko na banal. May katigasan din ang ulo ko lalo na kapag kinalaman kay Karen.

"Francis!" malakas pero ipit na boses ang tumawag sa akin. Mahigit kalahating oras na din akong naghintay sa labas ng school bago dumating si Karen. Kailangan niya pa kasing magpalusot sa kapatid para hindi sumabay pauwi.

Kinuha ko ang bitbit na bag ni Karen at hindi ko pa din maiiwasang titigan ang kanyang mata kahit araw araw naman kaming magkasama. "Kamusta ang exams?"

"Hirap ng physics parang ayaw pasagutan! Buti na lang natandaan ko ang itinuturo mo sa akin."


Third year high school noong opisyal na naging kami ni Karen. Alam namin na maaga pa para pumasok sa isang relasyon pero inlove kami sa isa't isa kaya may takip ang aming tenga sa mga sinasabi ng iba.

"Buti hindi pangalan ko ang naisulat mo."

"Dito nakasulat ang pangalan mo!" Hinawakan ni Karen ang kanyang dibdib at binigyan ako ng matamis na ngiti.

Naniniwala naman ako sa mga magulang ko na wala talagang benepisyo sa pag-aaral ang pagpasok sa isang relasyon dahil aagaw pa ito ng atensyon sa konsentrasyon ko. Pero mahal ko talaga si Karen kaya sumuway ako sa kanila. Bilin pa nila huwag kong pababayaan ang paglilingkod sa parokya dahil sa kagustuhan kong makasama si Karen. Inaamin ko, nahihirapan din ako sa sitwasyon dahil kailangan kong ibalanse ang lahat.


Sobrang mahal namin ang isa't isa kaya hindi namin napagtuunan ng pansin ang mga bagay na makaaapekto sa amin. Madalas kaming magkita pero hindi pa din namin mapigilan mamiss ang isa't isa kapag hindi na kami magkasama. Sinubukan kaming paghiwalayin ng mga magulang ni Karen pero kinalaunan ay tinanggap din nila. Pinahintulutan nila akong dumalaw sa bahay nila at naging malapit ako sa lahat ng kasapi ng pamilya.

Tumagal ang aming relasyon bitbit ang hindi namin inaasahang magiging problema noong mga bata pa kami. Faith. Ang kanilang relihiyon. Gusto ng pamilya niyang yakapin ko ang kanilang paniniwala. Ilang beses nila akong inanyayahan sa mga panayam nila para imulat sa relihiyong gusto nilang aniban ko.

"Attend ka mamaya Francis," hikayat sa akin ng tatay ni Karen. "Darating si Pastor para maalis ang alinlangan mo."

Para maiwasan pa ang paulit-ulit na paliwanag, pinaulakan ko ang imbitasyon niya. "Sige po. Dadaan po ako mamaya dito."

Nakita ko sa relihiyon nila ang disiplina at taos-pusong pananalig na matagal ko ng hinihiling na mangyari sa mga katoliko. Nalulungkot ako kapag may nakikitang nag-uusap, nagtetext at nagtatawan sa loob ng simbahang katolika sa tuwing idinadaos ang banal na misa.


Ilang beses akong kinausap ni Karen para hikayating lumipat para walang maging problema sa hinaharap. Pero umiiwas ako sa mga tanong niya kung kailan ako magdedesisyon. Pilit kong inililihis ang usapan dahil alam ko hindi ko kayang yakapin ang paniniwala ng iba. Mahal ko ang relihiyon ko higit pa sa lahat ng bagay. Kahit ilan pang debate sa mga butas ng katoliko ang ihain sa akin ng ibang relihiyon, hindi ako makikipagtalo dahil isa lang ang nagtutulak sa akin para manatili sa paniniwala ko. Ang aking matibay kong pananampalataya.

Nilimitahan ko ang pagdalaw sa bahay nina Karen para umiwas pa sa mga tanong ng pamilya niya. Hanggang sa napagkasunduan namin na umalis muna ng Calapan noong makatapos ng pag-aaral para makaiwas sa pangungulit ng magulang niya at makapag-isip ako ng maayos. Nagtrabaho siya sa istasyon na pag-aari ng relihiyon nila. Kasama niya ako sa bawat achievements niya. Pati panonood ng mga video na inedit para sa istasyon ay ipinilit niya sa akin para kunin ang comments ko sa mga gawa niya.

Akala ko kasiyahan na lang ang mararanasan ko noong umalis kami. Hindi pala. Hinahabol pa din ako ng mga tanong at pagsubok.

"Hanggang kailan, Francis?" usisa ni Karen. "Tumatanda na tayo. I want to raise a family. At gusto ko ikaw ang kasama ko!"

"Give me time para mag-isip." Tulad ng dati inilalayo ko ang sarili ko. Hanggat kaya iiwas ako.

"Gaano katagal? Ilang taon pa?" Ayokong mawala si Karen. Kinumbisi kong siya na lang ang lumipat pero hindi din siya pumayag.

"Hindi ko alam. Alam mo namang bata pa lang ako, sakristan na ako. Hindi ko kaya basta na lang bitawan ang kinagisnan kong pananampalataya."

"Francis, may nanliligaw sa akin."

Nagulat ako sa sinabi ni Karen. Marami akong kakilalang ikinasal sa taong hindi nila gusto. Ang mahalaga kasapi ng kanilang relihiyon. "A month. Give me a month to decide."

Binabangungot ako kahit gising. Bumabalik sa isip at tenga ko ang mga sinabi ni Karen. Isang buwan ang ibinigay kong palugit kahit alam ko namang iiwasan ulit ako.

"Pre, may problema ba?" tanong ni Jon.

"Si Karen pare. Pinipilit akong lumipat ng relihiyon kung hindi tapos na kami." sagot ko.

"Kenneth, Erwin! May problema daw si Francis!"

"Talaga? Inuman na!" hirit ni Kenneth.

"Sino magpapainom?" tanong ko naman agad.

"Ikaw. Ikaw ang may problema e."

Inilahad ko sa mga kaboardmate ko ang pinagdadaanan ko para maibsan ang bigat ng dinadala ko. Kung tutuusin madali naman daw ang problema ko. Pero sa kaso ko na hindi kayang mag-give up talagang mahirap.

"Magpakasal kayo sa civil?" suwestyon ni Erwin.

"Kikilalanin ng batas ang civil pero hindi ng relihiyon nila. Matatanggal pa din si Karen bilang kasapi." sabat naman ni Jon. Kahit nga pareho pa silang kasapi hindi pa din basta makakapagpakasal sa civil e.

"Tama ganoon nga. Naisip ko na din yan dati e." sagot ko. Kahit ang mga kaibigan ko ay sumakit ang ulo sa pagtulong sa akin.

"Lumipat na lang kayo pareho sa ibang relihiyon para tapos ang problema," pagbibiro ni Kenneth para mabawasan ang seryosong usapan.

"Lumipat ka na lang tapos kapag kasal na kayo, tumiwalag ka na ulit." si Erwin.

"Mahirap tol. Baka naman isumpa ako ng pamilya niya."

Noong bata ako ang problema ko lang ay pagpili ng krayola sa mga drawings ko. Sana ganoon lang kadali ang paglipat ng relihiyon.


"Francis, I love you." Niyakap ako ni Karen mula sa aking likuran.

Humarap ako kay Karen at hinalikan ng bahagya ang kanyang labi. "I love you too."

"I can't imagine 11th year anniversary na natin!" Kumislap ang mga mata ni Karen. "Parang kailan lang kailangan ko pang tumakas para magkita tayo."

"Oo nga. Dati mukha ka pang lalaki!Haha!" biro ko.

"Yabang mo! Patay na patay ka naman sa akin kahit mukha akong lalaki."

"No comment. Haba ng buhok mo ah, abot sa kili-kili ko.."

"Oh wait, Francis uuwi ako ng Calapan."

"Hindi ako makakasama may pasok ako."

"Its not that. I need your answer para may masabi ako. Kahit partial lang."

"I can't."

"Ok. I'll wait na lang til the month ends."

"No. Kahit siguro matapos ang buwan di magbabago ang isip ko."

"What? Nagbibiro ka lang." Gumuhit sa mata ni Karen ang kanyang mga luha. Alam namin ang kahihitnan ng pagtanggi ko. "Please tell me nabibiro ka lang."

"I can't embrace your beliefs. Alam mo kaya lang ako sumasama sa mga services dahil mahal kita at sa tuwing sinisiraan ni Pastor ang paniniwala ko, nasasaktan ako."

"Damn! Naghintay ako ng matagal Francis tapos ganito lang? Akala ko mahal mo ako? Bakit di mo makayang lumipat?"

"I love you Karen but we are divided by faith..."

"You don't love me. Selfish ka!"

"Pakakasalan kita!" Inilabas ako ang singsing na ireregalo ko.

"Civil na naman? Gusto mo talaga akong matiwalag!"

"Yun lang ang paraan."

Nasaktan ako. Alam ko ang religion is for goodness pero bakit naging balakid pa sa pag-iibigan namin.

"Eleven years? Itatapon mo lang yon?" Patuloy ang pagdaloy ng luha ni Karen. Makailang ulit niya akong sinuntok sa dibdib. "Bakit di mo ba kayang magpaconvert?"

Niyakap ko siya. Hinawakan ko ang kanyang pisngi. "Look, paano ako lilipat sa relihiyong di ko naman kayang yakapin. Gusto mo bang lumipat ako tapos hindi naman ako nakikinig sa pastor mo dahil iba ang iniisip ko."

"Happy anniversary, Francis." She walked out. Inihagis niya ang singsing na regalo ko.

Hindi na ako muling kinausap ni Karen matapos ang lahat. Nabalitaan kong ikakasal na daw si Karen sa lalaking nanliligaw sa kanya dati.

"Mahal na mahal ka nya Francis," her bestfriend confessed. "Hinihintay ka nya sa may gulod."

"No. Just send my congratulations." Masakit para kay Karen ang ginawa ko. Magpapakasal siya sa taong hindi niya mahal para makalimutan ang nadarama para sa akin.

Gabi-gabi iniisip ko pa din si Karen. Ang aming pagkabata. Ang panghuhuli ng mga butete sa palayan. Ang mga kunyaring group project tuwing sabado para magkita kami. Higit sa lahat ang aming pag-iibigan. Kung isang araw ibalik ang lahat sa dati at tanungin muli ako ni Karen. Alam ko hindi pa din magbabago ang desisyon ko. Hindi ko alam kung magmamahal akong muli dahil iisa lang ang nagmamay-ari ng puso ko.


-end-
----
pafollow sa fb : http://facebook.com/tuyongtinta

regards sa mga readers from Qatar. hehe salamat sa pagbasa ng blog ko during office hours.. haha

PGT


HU U? (13)






chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|11|12|





Minsan pumapasok sa isip ko kung paano pa ako magkakaroon ng totoong girlfriend kung lagi namang nakabuntot sa akin si Jane. Masaya naman akong kasama siya. Magaan ang loob ko sa kanya. Kaya kung tutuusin hindi ko kailangan magmadali na magkagirlfriend dahil naibibigay naman niya ang hinahanap kong pagpapahalaga mula sa isang babae.

Nakapanghihinayang na umalis si Sofia pero nabawasan naman ang pagiging komplikado ng buhay ko. Natanggap ko na sarili ko na hindi lahat ng nagpapahalaga sa akin ay kailangan kong makarelasyon. At hindi ko din dapat bigyan ng kahulugan ang pagiging malapit sa akin ng isang babae para hindi na ako nasasaktan kapag nabibigo.

Bumalik sa pagiging simpleng bantay ng tindahan at pakikipagtext sa mga chicks na nagpapaload. Kung dumalaw naman si Jane madalas si Mommy lang ang kausap niya. Nakontento na ako sa panood ng kanyang mukha. Malaki na ang ipinagbago niya mula noong una kaming magkita. Hindi ko na siya nakikitang pugto ang mata dahil sa pag-iyak. Nakita ko lang yata na gusot ang mukha niya noong minsang hindi matunawan sa dami ng kinain. Hindi na ko magtataka kung maging high blood din siya.

Nagugulat na lang ako sa mga desisyon ni Mommy at Jane. Palibsaha outcast ako sa sariling tirahan kaya wala akong alam sa mga nangyayari. Masaya akong nakikipagkwentuhan sa isang seksing bumibili pero pinutol ni Daddy at inutusan akong magsara. Aalis na daw kami. Mas napaaga ng limang araw sa nakaschedule na swimming. Magtatanong pa sana ako ng dahilan pero inginuso na ni Daddy sina Mommy at Jane. Pasalamat sila mabait kaming dalawa ni Daddy, hindi kami mahilig sumalungat sa mga padalos-dalos nilang desisyon.

"Sandali lang Dad, mag-iimpake lang ako."

"Hindi na kailangan. Naihanda na ng Mommy mo!" Napakamot na lang ako. Planado na pala lahat pati isusuot ko napagdesisyunan na nila.

"May sasakyan na ba o sa Jeep na naman tayo ni Mang Mar?" Malaki ang utang na loob ni Daddy kay Mang Mar dahil padyak niya ang ginamit noong nagtanan sila. Kaya mula noong magkajeep kahit magkakasalungat na ang direksyon ng apat na gulong ng jeep, sa kanya pa din kami umaarkela.

"Wala na tayong aalahanin anak. Planado na nga nila lahat."

Gamit ang malapad na mukha ni Mommy napakiusapan niya si Jane na sasakyan na lang nila ang gagamitin. Hindi ko alam kung mabisa ang mga pambobola ni Mommy o talagang mabait lang si Jane. Hindi masyadong nakapaghanda si Mommy kaya naka-hawaiian cap, naka-shorts at naka-spaghetti kahit nagsusumigaw ang mga bilbil niya sa katawan.

Pagkatapos maghanda ng pagkain, dumeretso na agad kami sa bahay nina Jane. Parang nagkakalyo ang leeg ni Daddy sa panonood niya sa pendulum ng higanteng orasan sa sala. Si Mommy naman ay nakatambay agad sa threadmill. Iniisip ko pa lang, naaawa na ako sa threadmill.

"Anak, kapag ikinasal kayo ibigay mo na lang sa akin ang orasan na 'yan," wika ni Daddy habang sinisiko pa ako.

"Saan naman natin ilalagay yan?" Sinakyan ko na lang ang hirit ni Daddy.

"Tutal dito ka naman titira, sisirain ko na ang kwarto mo para lumapad ang sala."

"Zoilo, excited na akong mamanhikan," singit ni Mommy sa usapan. "Kapag ikinasal kayo, hihingin ko ang threadmill."

"Saan nyo naman balak ilagay yan? Masikip na ang bahay."

"Tutal dito ka titira, sa kwarto mo na lang." Napatingin ako kay Daddy. Pareho pa talaga sila ng idea. Ang itaboy ako sa bahay.

Ilan pang gamit ang gusto nilang iuwi sa bahay, natigil lang nang bumaba ng hagdan si Jane. Pinulot ko muna ang nalaglag kong panga bago pa ako lumapit para kunin ang bitbit niyang mga gamit. Nakiliti ako noong dumikit siya sa akin at nagyaya na umalis.

Feel na feel ni Daddy ang pagmamaneho ng sasakyan habang prenteng-prente naman si Mommy sa katabing upuan. Ako tuloy ang nahihiya sa ipinakikita nila pero mukhang di naman apektado si Jane. Gusto ko sanang matulog muna pero hindi naman ako payagan ng gusto kong gawing unan. Nagtatangka pa lang akong idikit ang aking ulo sa balikat ni Jane, ipinakikita na agad niya ang makinis na kamao.

Nakontento na lang akong paanoorin ang tanawin sa daan nang biglang hawakan ni Jane ang aking kamay at inikot sa kanyang bewang. Ipinikit niya ang kanyang mata, huminga ng malalim at idinikit ang kanyang ulo sa aking balikat. Walang namagitan na salita sa amin. Nakatulog kaming pareho sa ganoon posisyon.

Nagsimulang gumalaw si Jane kaya naggising na din ako. Bumungad sa amin ang isang napakagandang resort. May malaking fountain sa harap at may magarbong Gazebo. Bumagal ang saksakyan. Naexcite ako. Ibinaba ni Mommy ang bintana ng kotse. Inilabas ang hawak na camera. Inayos ko na ang mga daldalhin ko sa loob. Nagulat na lang ako ng biglang lumiko ang sasakyan. Sumuot kami sa isang eskinita at tumigil sa isang maliit na resort na parang nasa loob ng gubat. Akala ko makapapasok na ako sa bigating resort pero sa tipid-sulit resort na naman pala ang bagsak.

"Akala ko naman doon na tayo sa kabila!" reklamo ko pa habang ibinababa ang gamit.

"May pambayad ka ba? Tsaka mas maganda dito. Lahat likha ng kalikasan, ang nakikita mo doon sa kabila lahat artificial!" Umiral na naman ang pagiging kuripot ni Mommy. Nahiya tuloy akong bumaba ng kotse dahil puro tricycle ang nakapark sa resort.

"Jane, okay lang sa'yo ang resort?" tanong ko.

"Maganda naman ang dagat kaya okay na okay sa akin."

"Ikaw lang naman ang mareklamo e. Magsuswimming tayo hindi mamasyal!" Hinila ni Mommy si Jane. Naiwan kami ni Daddy para ilabas ang mga gamit.

"Anak, this is it!" bulalas ni Daddy matapos ay binigyan ako ng maharot na ngiti.

"Ano po?" Naguluhan ako.

"Huwag mo akong bibiguin. Sana lalaki." What the duck! Isang malaking set-up pala ang swimming na ito. Masyado daw akong mabagal kaya sila na ang gumawa ng paraan. Pati pala menstrual cycle ni Jane napag-usapan na nila ni Mommy kaya napaaga ng limang araw ang swimming.

"Zoilo, wala na daw available na family room. Couples na lang daw," sambit ni Mommy. Malamang wala ng available na family dahil dalawang family room lang ang nasa resort. Napakagaling magplano.

"Kami ng Mommy mo ang magkasama, doon na lang kayo sa dulong room. Wala na daw magkadikit e." Umakbay pa sa akin si Daddy at nagbigay muli ng malikot na ngiti. "Don't disappoint me son."

Pakiramdam ko ginawa akong tandang na ikinulong sa hawla kasama ang dumalagang manok para mangitlog. Walang kamalay-malay si Jane sa nangyayari palibsaha nakafocus ang isip niya sa dagat.

"Ikaw na ang bahala kay Jane ha. Magkita na lang tayo doon sa may cottage." Itinuro ni Mommy ang cottage malapit sa dagat na magiging kainan namin.

"Tara na Jane." Binuhat ko ang aming mga gamit at naglakad papunta sa kubo. Kung tutuusin hindi naman talaga pangit ang resort nagkataon lang na mataas ang expectation ko dahil inakala kong magpapaimpress sina Mommy kay Jane.

"Buti na lang malapit ang room natin sa dagat!" Tumakbo agad si Jane papunta sa tubig. Napangiti na lang ako. Pinulot ko ang tsinelas niyang kanina lang ay lumilipad sa ere. "Halika ka, Loi!"

Pumasok muna ako sa kubo at inayos ang mga gamit namin. Mula sa bintana, pinapanood ko si Jane. Napakaganda niyang pagmasdan habang nagtatampisaw. Tuwang-tuwa siyang habulin ang mga alon sa dalampasigan.

Matapos magbihis sumunod na ako sa dagat. Naupo ako sa buhangin. Dumampot ako ng bato at isinulat ang pangalan ko sa buhangin. Maya-maya pa ay makulit na nilalang ang bumura sa isinulat ko. Nakangiti na naman siyang labas ang mga ngipin. Pilit niya akong hinihila papunta sa tubig pero hindi niya ako napilit.

"KJ mo naman!" Namewang siya sa harap ko.

"Upo ka na lang sa tabi ko. Mamaya na tayo maligo." Sumunod naman siya sa utos ko. "Panoorin natin ang dapithapon."

Hinawakan niya ang makabilang pisngi ko para ipadama ang lamig ng kamay niya. "Ganda ng tubig! Lamig pa. Swimming na tayo! May dapithapon pa naman ulit bukas."

"Mamaya na. May hindi pa nga pala ako naitatanong sa iyo."

"Ano naman?"

"Ano ba dahilan ng break-up nyo ni Dexter? Masaya ka naman kasama e."

"Childish daw ako. I think hindi naman."

"Hindi daw childish oh. Lagi ka ngang asal bata e."

"Hindi ah. Namimis-interpret mo lang ako. I'm sweet kaya akala mo isip bata ako." Tumalikod si Jane sa akin.

Natatawa pa din ako kaya hinayaan ko muna siya. Sabagay, sweet naman talaga si Jane. "Ano bang ginagawa mo?"

"Nagdo-drawing."

"Oo alam ko. Anong dino-drawing mo?"

"Ikaw."

"Ako?"

"Oo bingi! Ikaw to. Kita mo naman ang glasses oh!"

"Tao pala yan."

"Tarantado! Ikaw na ang magaling magdrawing."

"Bakit mo naman ako dino-drawing? Type mo na ba ako?" Excited ako madinig ang sagot niya. Pero hindi siya sumagot. Bumalik muna ako ng kubo para kumuha ng mat. Pakabalik, inilatag ko iyon sa tabing dagat at doon kami nahiga.

Ipinatong ni Jane ang kanyang ulo sa aking dibdib. "Hanggang kailan kaya tayong ganito Loi?"

Hinaplos ko ang kanyang buhok. Inikot ko sa kanyang tenga ang ilang makulit na hibla. "Alin?"

"Nakikinig ka ba? Ako ang nagtatanong tapos tanong din ang sagot mo!"

"Hindi ko kasi maintindihan e. Ang pag-unan mo sa dibdib ko?"

"Itong pagpapanggap natin. Parang nahihiya na din akong paniwalian ang parents mo na tayo talaga."

"Ikaw."

"Anong ako?"

"Nasayo naman ang desisyon e. Kung gusto mo ng totohanan madali naman ako kausap."

"Tarantado! Hindi ka ba nahihirapan magpanggap?"

"Hindi. Hindi na ako nagpapanggap Jane."

"What?! May kasunduan tayo di ba? Bakit mo isinekreto na hindi ka na nagpapanggap?"

"Matagal ng tapos ang kasunduan natin, Jane. Simula noong sinabi mong nakamove-on ka na tapos na ang deal natin."

Napanganga si Jane sa mga ibinulgar ko. "All this time akala ko nagpapanggap ka pa din! Iritable ang boses ni Jane. "Ano ka ba Loi?"

"Malinaw naman sa kasuduan mo na ang purpose nun ay ipamukha kay Dexter na nakamove-on ka na.
I thought nag-eenjoy ka lang sa pagdalaw sa bahay. So, ang ipinakikita mo sa parents ko ay scripted din?"

"No! Masaya akong kasama ang parents mo kaya madalas ako sa bahay ninyo."

"How about the hugs? Pati ang paghiga mo sa dibdib ko ngayon scripted?"

"Damn! I hate you! You tricked me!" Tumayo si Jane at tumakbo papasok ng kubo. "Huwag kang susunod, uupakan kita!"

"Anong problema nun?" tanong ko sa sarili.


itutuloy...

----------
para informed sa updates pafollow naman sa fb : tuyong tinta ng bolpen

dull ang part na 'to. nahihirapan akong isingit sa oras ko ang pagagawa ng kwento.

HU U? (12)






chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|11|




Kinumbinsi ko si Sofia. Kaya kong tanggapin ang kalagayan niya pati na ang magiging anak niya. Hindi isang kamalian ang pagbubuntis paliwanag ko sa kanya. Pinataas ko ang kanyang moral. Dumadating lang minsan na nagiging padalos-dalos ang isang tao sa mga desisyon pero hindi nangangahulugan na magiging miserable ang buhay niya.

Nagpasalamat siya sa alok ko pero hindi niya tinanggap ang suwestiyon kong ako ang tumayong ama ng ipinagbubuntis niya. Kahit siguro sakalin ko siya ay hindi na magbabago ang isip niya. I deserve someone better daw. Ako pa yata ang magiging miserable kapag nagkataon kasi kahit buntis ipinagtatabuyan na ako.

"Sofia, sana hindi magiging sarado ang puso mo matapos ang lahat ng ito."

"Hindi ko alam. Sa ngayon, ang iisipin ko muna ay kung paano ako tatanggapin ng mga magulang ko."

"Ang isipin mo ay ang anak mo. Hindi ang ibang tao. Tanggapin ka man o hindi ikaw pa din ang magdidikta ng kapalaran nyo."

"Maraming salamat sa mga payo mo. I'm glad naging parte ka ng buhay ko. Napakalaking pagkakamali ang pakawalan kita pero hindi kaya ng loob ko na ikaw ang papanagutin sa dinadala ko."


Nagpaalam na ako kay Sofia matapos niyang kumalma. Ibinilin kong huwag mahiyang tumawag kung kakailanganin ang tulong. Pumayag naman siya at sa katunayan ako pa daw ang kukunin niyang ninong. Ngumiti ako. Hinalikan niya ako sa pisngi bago tuluyang nagpaalam. Tumunog ang aking cellphone ilang hakbang mula sa pintuan. Huwag na daw akong bumalik bukas dahil nagdesisyon na siyang umuwi sa probinsya niya. Kung alam ko lang na huling halik na iyon, tinagalan ko na sana.

May kaunting kirot ang nabuo sa aking dibdib. Marahil dala ng awa para kay Sofia. Naglalakad akong wala sa aking sarili. Komplikado ang lahat sa akin. Wala pa akong karanasan sa pagpasok sa anumang relasyon kaya hindi ko alam kung tama o mali ang iniisip ko. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung tama ang lugar na tinatahak ko, ang alam ko lang ay gumagalaw ang mga paa ko. Kahit siguro kasama ko si Dora ay maliligaw pa din ako.

Natagalan din bago ako nagpasyang pumunta kay Jane. Alam kong uusisain ng babaeng iyon ang pagkikita namin ni Sofia. Iniisip ko pa lang, gumugulong na naman siya sa katatawa. Sigurado titigan na naman ako nun, ngingiti na labas lahat ng ngipin at saka ako popompyangin. Pakiramdam ko tuloy pinagkakatuwaan lang niya ang buong pagkatao ko.

Nakapwesto si Jane sa may balustre ng terrace noong dumating ako. Hindi niya namalayan ang pagdating ko dahil abala siya sa paggigitara. May talent din pala siya bukod sa pakikipaggigilan. Pwede ko pala siyang pagpagapin na bulag para magkapera naman paminsan. Pinanood ko muna ang paggalaw ng ulo niya at pinakinggan ang kanyang boses. Maganda. Malayo sa boses niyang madalas sumisigaw. Kaaya-aya sa pandinig at unti-unti, naging maaliwalas ang pakiramdam ko. I feel more comfortable.


"I don’t want to fall for you. I’m scared that you just might fall for me too." Malamig sa tenga ang boses kahit mataas na ang notes. Pwede kong gawing pampatulog kung di ako dalawin ng antok.

"Galing!" puri ko sa kanya na may mapang-asar pang tawa. "Talented!"

"I don't.. wah! Kanina ka pa dyan?" Lumapit siya sa akin ng padabog. "Ba't di ka nagsasalita?!"

"Bagong dating lang. Three songs pa lang ni Juris. Baka kasi mag-amok ka kung aabalahin pa kita." Gusto niya akong hampasin ng gitara pero nakatakbo na agad ako bago pa siya nakakilos. "Kanta ka na ulit. I don’t want to fall for you...."

"Asar naman oh! 3 songs na! Lumapit ka dito!"

"Ayoko ko. Kumanta ka muna!"

"Kapag patay ka na! Die!"

"Sama mo naman! Gusto mo na ba talaga akong mamatay?" seryosong tanong ko.

"Oh drama! Tadyakan pa kita dyan e."

"Pasalamat ka di kita pinapatulan!"

"At baket? Hindi naman ako natatakot sa'yo."

"Nakita mo ba malaking medal sa bahay? Award ko iyon sa Tapondo."

"Ulol!"

"Nagulat ka no? Marunong din akong magmartial arts. Pasalamat ka hindi mainitin ang ulo ko."

"Tapondohin mo mukha mo! Award mo iyon sa chess sabi ng Mommy mo!" Patay buko. Hindi ko naman alam na pati nanahimik na medal sa dingding kanilang pagkukwentuhan. "Pasok ka na nga sa loob bago pa magsalubong ang kilay ko."

Hinila niya ang kamay ko at iniikot ang kanyang braso sa bisig ko. Noong una natakot pa akong mabalian ng buto pero wala naman siyang ginawang masama. Malambing pa din siya kahit may threat na sa buhay ko.

"May brownies diyan. Alam kong mahilig ka dyan lover boy!"

"Niluto mo? Sarap ha," unang kagat ko pa lang lasap ko na ang kakaibang sarap.

"Nang-aasar ka ba? Binili ko yan. Wala akong alam sa kusina!" Nanlisik ang mata ni Jane daig pa ang pusang muntik ng masagasaan.

"Sorry! Akala ko kasi luto mo." Hindi ko napapansin na naaliw na ako kahit puro pagtatalo lang ang ginagawan namin.

"Anon balita sa lakad mo kanina?" Umiling lang ako. "Aw. Bawi na lang sa sunod."

"Ano yun promo ng sabon?"

"Does it hurt?"

"Tinatanong pa ba yan?" Hindi ko na sinabi kay Jane ang kinakaharap ni Sofia ngayon. Mabuting hindi maungkat ang lahat para maiwasan na din ang marami pang tanong. Baka lumabas pa na masama babae si Sofia kung hindi maayos ang pagkukwento ko.

"Sorry. Don't be sad. Life has its own way of making us smile. Kahit pa sabihin pa sa sarili natin na hindi kaya o hindi na ngingiti muli."

"Lalim nun ah."

"Siyempre. Ako pa!" pagmamalaki niya.

"Paminsan-minsan pala tumatama ka din."

Namewang siya sa harap ko habang tumatawa ng malakas. "And know, tumingin ka lang sa akin mapapangiti ka na!" Ngayon ko lang narealize na may babae din pala malakas mambola.



itutuloy...

friday na ulit ang kasunod. baka hindi muna ako makapagreply sa mga comments madami lang talaga ginagawa. Isiningit ko lang talaga to. Kaya pafollow naman sa fb : facebook.com/tuyongtinta