Skinpress Rss

12 bilog na prutas


Maikli lang 'to. Naubusan na kasi ako ng time mag-isip. Nirequest 'to ni Shinryuurey17 kanina kaya pinilit kong tapusin bago matapos ang taon. Happy New Year all!!!

***

Nakangiti ako habang winiwithdraw ang huling pera sa atm. Inilagay ko ang aking wallet sa unahang bulsa. Mahirap na ang madukutan.

Pambihirang kompanya, kulang na lang maglumuhod ang mga empleyado bago ibigay ang kabuan ng bonus. Buti na lang 'di inabot ng Enero.

Apat na libo. Sapat na para mabili ang naipangako kong laruan sa aking anak, bestida kay misis at 12 bilog na prutas para naman maging swerte sa sunod na taon.

Ginabi na pala ako. Mahaba din ang ginugol kong oras bago nakawithdraw. Buti na lang 'di naubusan ng pondo, bagay na madalas mangyari tuwing may ganitong okasyon.

Bukas ko na lang ibibili ng laruan at damit ang aking mag-ina. Isasama ko na lang sila para makapili naman ng gusto nila. Sisimba muna kami para magpasalamat sa matatapos na taon. Prutas na lang muna ang bibilhin ko, sa isip ko.

'Magkano po lahat?' tanong ko sa tindera na may nakapatong pang malaking torotot sa ulo.

'Dos bente-' tipid na sagot niya. Nairita siguro sa tagal ng pagpili ko ng magandang pakwan.

'Two hundred na lang.' tawad ko sa ale. Wala siyang naging tugon. Gamit ang kaliwang kamay kinuha ang iniaabot kong dalawang daan. Tanda ng pagsang-ayon.

Umiwas ako sa madaming tao para umabot sa huling byahe pauwi. Kalunos-lunos ang itsura ng mga katutubong natutulog sa kalye. Palilipasan na lang nila ang taon bilang ordinaryong araw. Hindi ko nga alam kung aware sila na patapos na ang taon, ilang oras mula ngayon.

Isang matanda ang pumukaw ng aking atensyon. Mula sa mga katutubo, nalipat sa kanya ang aking awa. Pilit niyang itinataas sa kanyang kariton ang mabibigat na balde. May oras pa naman ako. Tutulungan ko muna siya tutal tatlong balde lang naman.

'Lo, tulungan ko na po kayo,' alok ko.

Bigla kong naramdaman ang pagtama ng isang matulis na bagay sa aking tagiliran. Naramdaman ko ang mainit na likidong dumadaloy sa aking katawan. Pinilit kong pinigilan ang pagbukal ng dugo. Dalawang saksak pa ang aking natanggap. Hinagilap ko sa aking memorya ang pamilyar na mukha ng matanda. Siya ang lalaki kasunod ko kanina sa pila -- sa may atm. Kinuha niya ang aking wallet saka tuluyang lumayo.

Nanlamig ang aking katawan. Namamanhid. Nabitawan ko ang hawak kong plastik na puno ng prutas. Pinilit kong lumakad. Humingi ng tulong. Nagbabakasaling may magising na katutubo. Walang dumating na tulong.

Sumandal ako sa poste para mapanatili ang balanse. Umikot ang paligid. Nakakabingi ang katahimikan. Lumalabo ang aking paningin tila gustong pumikit ng aking mata. Parang dinalaw ako ng antok. Ramdam ko ang hirap sa paghinga tila may malaking bagay na bumara.

Pinilit kong idilat ang aking mata, habulin ang bawat hininga. Tuluyan akong napaupo. Hindi na kaya ng aking katawan. Nasipa ko pa ang plastik ng prutas. At kasabay ng paghinto sa paggulong ng 12 dalawang bilog na prutas ay aking huling taon.

Usapang Baboy


Nabawasan ang busyness ko. Papost muna. Pagdamutan n'yo muna ito

***

Biik : Inay nasaan po ang tatay?

Inahin : Wala na siya. Pinatay na.

Biik : Bakit po? Wala naman siyang ginagawang masama.

Inahin : Hindi na kasi siya makapagbigay ng maganda semilya kaya kinarne na lang siya.

Biik : Ganun lang po ba halaga ng buhay n'ya? Hindi po ba nila naisip ang mga naitulong n'ya?

Inahin : Hindi anak. Sila ang nagdidikta ng ating kapalaran.

Biik : Hindi po ba natin pwedeng baguhin? Para po kasing masayang magsaka ng bukid tulad nung ginagawa ni Toteng kalabaw.

Inahin : (umiling) Makinig ka anak. Noong bata ako gusto kong gayahin ang mga paru-paro. Gusto kong dumapo sa hardin, langhapin ang samyo ng bawat bulaklak pero wala akong pakpak at lubha akong mabigat para dumapo. Masisira ang magandang hardin kaya imposible ang pangarap ko.

Biik : Ah, ano kaya po kung tumakas tayo? Labanan natin ang tao kung kinakailangan.

Inahin : (bahagyang ngumiti) Hindi na kailangan anak. Masaya na ako dito at isa pa tanggap ko na ang kapalaran natin.

Biik : Para san pa po at binuhay nila tayo e papatayin din naman pala tayo!

Inahin : Magpasalamat ka na lang anak. Nakita mo ang ganda na mundo. Kita mo yung anak ng kapitbahay natin? Patay na agad siya noong ipinanganak. Hindi man lang niya nakita ang ganda ng paligid.

Biik : Kawawa nga siya inay. Inay, gutom na ako. Bakit wala pa tayong pagkain?

Inahin : Hikahos kasi ang taga pangalaga natin.

Biik : Hikahos na pala tapos pinarami pa nila yung nasa kabila. Dapat naging praktikal sila.

Inahin : Anak, halika ka. (tumabi ang biik at naghintay sa sasabihin ng ina). Noong ipinagbuntis kita gusto na tatay mo na huwag ka ng buhayin dahil magastos. Gusto niya maging praktikal. Pero sinabi ko patayin na lang niya ang kuya mo kesa ipaabort ka. Nagalit siya, ano daw pag-isip ang mayroon ako. Pero ipinaliwanag ko na mas magastos ang kuya mo kasi mas malakas kumain at maraming kailangang vitamins kaya siya na lang ang patayin. Natauhan siya kaya di natuloy ang abortion. Eto ka ngayon, buhay na buhay.

Biik : Salamat inay ipinaglaban mo ako. (naluluha)

Inahin : Matulog ka muna anak. Baka mamaya may pagkain na tayo.

Sinunod ng biik ang sinabi ng ina sa pag-asang may pagkain na sa paggising niya. Sa muli niyang pagmulat...

Biik : Inaaayy!! (pig cries)

Dear Readers


Dear Readers,

In celebration ng Christmas and New Year, magiging busy po muna ako. Hindi muna ako magpopost ng articles. Next year na lang ulit. Thanks sa mga readers, sa mga visitors at sa mga follower ko via facebook.

Doon po sa mga new readers na nahihirapan magnavigate sa site i-post ko po ang mga articles na ginawa ko buong taon. One year na pala ang tuyong tinta buti may tinta pa.

Index

On going
Tricycle: Revenge, Lies and Love

Finished Articles



Salamat sa mga sumubaybay.

P.S.
Tumatanggap nga pala ako ng regalo.

pafollow sa twitter..

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 5)


Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4



V. Lies


Lumipas ang mahigit isang buwan sinimulan nang kumilos si Luis, gamit ang mga lumang larawan pilit niyan hinahanap ang kinaroroonan ng itim na santo niño. Palibhasa'y nag-iisa sa misyon, hindi naging madali ang paghahanap. Bukod sa palihim ang bawat kilos, lagi din nakabuntot sa kanya si Jo-Anne dahil sa ginagawang pagbuild-up ni Aling Remy at may mga codes pa na dapat i-validate para matunton ang replika na siyang magtuturo ng kinaroroonan ng totoong black child.

'Nasa Ilijan ang replika. Sa Ilijan matatagpuan ang mga naglalakihang bato na lumiliwanag kapag tinamaan ng sikat ng araw na binanggit ni Roysus sa kanyang navigation notes.' si Luis habang ipinakikita kay Arden ang sarili niyang research. 'Mabuti na lang naitranslate ng researcher ang malalamin na codes.'

'Maasahan ka talaga Luis. Gaya ng hiling mo nasa likod na ng kotse ang mga explosives, tulad ng dati walang kemikal na ginamit at walang tunog na malilikha kapag sumabog.'
Impit na ngiti ang ibinigay ni Arden kay Luis dahil positibong resulta ng mission. 'Handa na ang air support na gumawa ng ulan, sa loob ng dalawang oras mula ngayon ay babagsak ang ulan.'

'Kung mas maaga sana mas maganda. Sa ganoong paraan madaling masabing landslide ang pagsabog'

'Sige ipag-uutos ko na magseed ng maraming ulap.' T
inawagan ni Arden ang mga air support para madaliin ang pagbasak ng ulan habang inililipat naman ni Luis ang mga pampasabog sa kanyang tricycle -- mga pampasabog na kasing laki lamang ng bawang pero matindi ang kayang gawing pinsala .

'Pwede na akong magsimula.'
Paalis na sana si Luis sakay ng tricycle pero pinigilan siya ni Arden.

'Pare hindi sa nakikialam ako, wala ka bang balak bumili ng kotse? Naaalibarbaran kasi akong makita ang isang top bearer na nakasakay ng tricycle eh!'
pangungutya ni Arden sa kaibigan.

Ngumuti si Luis, tinapik ng bahagya ang balikat ng kausap. 'Para saan pa? Isa pa, magtataka ang mga tao kung saan ako nakakuha ng pambili ng kotse , alam naman nilang tricycle driver lang ako. Hindi din naman ako pumunta sa malayong lugar.'

'Paano kung nasa malayong lugar ang misyon?'

'Hindi ko tatanggapin!'
Emosyonal at matigas na sa wika ni Luis. 'Ayaw kong basta iwan na lang ang lugar na ito. Maraming alaala na ayaw kong kalimutan. Kung aalis ako dito parang tinalikuran ko na din si Cielo.'

'Cool ka lang pare! kotse lang ang pinag-uusapan natin!'
alo ni Arden na nakataas pa ang dalawang kamay. 'Tutal na banggit mo na din ang bagay na 'yan, wala ka bang balak na buksan muli ang puso mo? Hindi ko naman sinasabing kalimutan mo si Cielo pero may karapatan kang sumaya hindi itong lagi kang nagmumumok sa ilog na 'to.

'Masaya kami ni Cielo noon at sapat na ang kanyang alaala para maging masaya muli ako. Wala din makapapantay sa kanya.'

'Talaga lang ha, eh anong itong nababalitaan kong madalas kang may ka-date dito sa ilog. Maganda din ang bebot na yun ah,' mapanukso ang salita ni Arden.

Si Jo-Anne?! Malabo. Lahat na ng ugali na ayaw ko sa babae nasa kanya na. Maingay, matanong, mahilig makialam at higit sa lahat abusado. Kailaman ay hindi ko magugustuhan ang ganung babae!'

'Dami mo sinabi ah. Ikaw bahala pero pag-isipan mo din.' Taas kilay na wika na Arden akmang papasok ng kotse habang si Luis naman ay nagulat sa kanyang pagiging defensive.

Mabilis na tinungo ni Luis ang Ilijan. Nagsimula na din bumagsak ang malakas na ulan. Sa isang sementeryo huminto si Luis. Pinalitan ang kasuotan at inilambas ang ilang gamit para handa sa anumang maaring panganib o banta ng kalaban. Dahil ilang beses na niyang nasaksihan ang pagtama ng araw sa mga bato alam na niya ang repleksyon ng araw ang magtuturo sa kinaroonan na replika ng santo niño. Sa loob niya ay matindi ang paghanga niya kay Roysus dahil ginamit ng kastila ang kalikasan para gawing mabisang palatandaan. Itinago ang replika sa maliit na yungib na hinarangan ng mga bato para hindi mapansin ang butas.

Kinalkula ni Luis ang gagawing pagpapasabog para hindi mapinsala ang replika o mapigilan ang posibleng pagguho ng malaking bahagi ng bundok. Kasabay ng paghinto ng ulan ang dahan-dahang pagbagsak ng mga bato, lupa at halaman, isang lagusan ang tumambad kay Luis.

''Vagrat, Loduko at Spaka, papasok na ako sa kweba. Stand by kayo sa posibleng pagsabotahe,' utos ni Luis sa tatlong assassin gamit ang kanyang transimitter. Bagamat wala siyang nadinig na sagot nagpatuloy si Luis sa loob ng kweba.

Lumabas si Luis ng kweba bitbit ang replika. Walang panganib ang anumang dumating, di gaya ng kanyang inaasahan. 'May kakaiba sa misyon na ito. Maraming nagtatangkang mapasakamay ang black child pero wala akong nararamdamang kalaban. Si Lady Armela ang isa sa kalaban, sa pagkakilala ko sa kanya ayaw niya ng nauunahan .' bulong ni Luis.

'Hello! Arden, dala ko na ang replika.' agad kinontak ni Luis si Arden.

'Magaling. Wala bang naging aberya?'

'Iyon nga ang ipinagtataka ko. Wala man lang naalarma na nakuha ko na ang susi ng black child.'

'Mag-iingat ka Luis. Baka nakamasid lang sila, hinayaan ka lang na makuha talaga ang replika tapos ay tatambangan ka sa daan. Hindi natin alam ang kanilang pagkilos.'

'Sabagay, uuwi na muna ako. Aalimin ko kung anong mapipiga ko dito sa replika.' Hindi kumbinsido si Luis sa naging paliwanag ni Arden. Alam niya sa sarili na may hindi sinasabi sa kanya ang kaibigan, bagay na tutuklasin niya mag-isa .


MALAYO pa lang sa bahay ay tanaw na agad ni Luis ang umuusok sa galit na si Aling Remy, alam niyang siya ang hinihintay nito dahil hindi niya nasundo si Jo-Anne.

'Saan ka galing bata ka?! Namuti na ang mata ni Jo-Anne sa kahihintay sa'yo. Buti na lamang may may nagmagandang loob na titser na ihatid siya dito!' maktol ni Aling Remy sa kakamot-kamot lamang na si Luis na hindi alam kung saan huhugot ng paliwanag.

'Ah-eh may nagpahatid po kasi sa akin sa Tabangao tapos nung pabalik na po ako, naflat naman ang gulong sa huli. Natagalan po ako makahanap ng vulcanizing--'

'Hala, umakyat ka dun at magpaliwanag ka sa kanya. Mukhang masama ang timpla.'

Umakyat si Luis sa paupahang bahay ni Aling Remy para magpaliwanag kay Jo-Anne. Kahit labag sa kanyang loob ang gagawin, sinunod na lamang niya ang matanda. Nakasiwang ang pinto ng kwarto ni Jo-Anne. Nasa harap ng salamin ang pakay, halatang katatapos lang maligo at nag-uumapaw pa ang amoy ng pabangong ginamit. Hinagod ng dalaga ang kanyang katawan dahilan upang bumakat ang katawan sa suot na nighties. Nanlaki ang mata ni Luis at halos matuyuan ng laway, nagsusumigaw ang magandang katawan ni Jo-Anne. Bumaba siya ng bahay bago pa siya tuluyang magnasa.

Ilang minuto pang nagpabalik-balik sa isip ni Luis ang nasaksihan. Minabuti na lang niyang pumunta muli ng ilog. Ayaw niyang tuluyang lamunin ng kamunduhan ang kanya isip.

'Iiwan mo ba ako?' si Jo-Anne.

'Nakakagulat ka naman. Talaga bang basta ka na lang palaging sumusulpot?'

'Hindi ko sinadya, nagkataon lang siguro. Hindi pa kasi ako dalawin ng antok kaya lumabas ako. Tsaka may atraso ka pa sa akin. You owe me an apology, Mr.'

'Sakay! Doon na ako magpapaliwanag.' iritableng sagot ni Luis.


Tahimik ang paligid, tanging huni lamang ng mga kuliglig ang bahagyang bumabasag sa katahimikan. Matapos maipaliwanag ni Luis ang dahilan ng hindi niya pagsundo kay Jo-Anne ay nanahimik na ito. Nanitiling misteryoso at walang pakialam sa kasama.

'Luis?'

'Bakit?'

'May itanong lang ako sa'yo. Tanda mo ba noong kumain tayo magkasama noong may hang-over ako?'

'Oh, tanda ko, derecho tanong na agad!'

'Nagtataka lang kasi ako, paano mo nasambot agad yung baso? Alam ko masyado kang malayo noon.'

'Mukhang nagiging malimutan na yata si Aling Remy, hindi pala niya naikwento na nagtrabaho ako dati sa hotel. Sanay ako mga ganun kaya bumilis ang reflexes ko.' palusot ni Luis.

Tumango si Jo-Anne kahit hindi kumbinsido sa sagot ng kausap. 'Paano mo naman ipapaliwanag 'yung pagsambot mo sa akin? Reflexes din ba 'yon.'

'Lasing ka nun. Hindi mo siguro na napansin na lumapit na ako sa'yo nung tumayo ka.' pagtatakip muli ni Luis. Nagugulat siya sa masusing pagmamasid sa kanya ng dalaga. Kailangan maging maingat nawika niya sa sarili. 'Buti na lang tumayo ako kundi dapa ka talaga dun.'

Ngiti lang ang naging sagot ni Jo-Anne. 'Tara dun sa baba. Gusto ko magtampisaw.'

'Ikaw? Wala pa akong alam sa'yo. Nasaan ang pamilya mo? Bakit dito ka nagturo?' sunod sunod natanong ni Luis na parang nag-iimbestiga.

'Nasa Valenzuela sila. Gusto kong may mapatunayan kaya umalis ako sa amin. Nabalitaan ko na dito nagtuturo ang bestfriend ko kaya nagpatulong ako sa kanya since paalis na din naman siya.' seryosong sagot ni Jo-Anne. 'Kaya heto ako ang pumalit sa kanya.'

'At si Grace ang pinalitan mo? Iyong anak ni Aling Remy?'

'Oo.' nakangiting sagot ni Jo-Anne.

'Anak ng tipaklong! Kaya pala ang lakas lakas mo sa kanya.'

'Isa pa Luis, Bakit may mahaba kang pilat diyan sa balikat mo?'

Naging madilim ang anyo ni Luis. 'Nabundol kasi ako dati. Lasing kasi ako noon.' Muling pinagtakpan ni Luis ang totoong dahilan. Ang pilat sa kanyang braso ay dulot ng mga batong tumama sa kanyang balikat sa pagnanais na mailigtas si Cielo sa huli niyang misyon. 'So mayaman ka pala? May gusto kang patunayan at ano naman ang gusto mong patunayan?,' paglilihis ni Luis sa usapan.

Dimapot ni Jo-Anne ang kapiraso ng kabibi sa may ilog matapos ay tumango bilang sagot kay Luis. 'Noong bata ako madalas akong mamulot ng sea shell sa may dagat tuwing dadalaw kami sa resthouse.... dadalhin ko iyon sa school para ipagmalaki sa mga classmate ko kung gaano ako kagaling manguha ng shells. Itinuring ko iyong kayamanan dahil kakaiba iyon sa lahat. Pati teacher ko hindi makapaniwala na kaya kong makahanap ng ganun. Tumaktak sa isip ko na magaling ako. Sa katunayan isinama ko ang mga classmates ko para mamulot pero ako pa din ang nakakita ng kakaiba, kumbaga parang may palantadaan ako kung saan nagtatago ang mga shells.. Tapos noong malaki na ako nalaman ko na isa pala akong tanga.' Napaluha si Jo-Anne. Pumatak ang luha sa di pa malinaw na dahilan. Sumandal siya kay Luis, bagay na hindi inaasahan ng binata dahil sanay siyang nakangiti ang babae.

'Paano ka naging tanga? Wala ngang nakakita ng mga shells na iyon kundi ikaw,'
labis na pagtataka ni Luis.

'Tanga ako. Kasi naniwala akong magaling ako. Na ako lang ang may kakayahang humanap ng mga shells. Until noong tumanda ako sa sobrang kahiligan ko sa shells, nagresearch ako para malalan ang name ng bawat shells.'
Sunod-sunod ang hikbi ng dalaga. Hinagod ni Luis ang likod ni Jo-Anne. Hindi pala nag-eexist ang mga shells na nakikita ko sa Pilipinas. Inamin ni Mommy na ibinabaon lang iyong ng yaya ko sa utos ng parents ko. Lahat ng bagay ganoon lahat nakukuha ko dahil sa kanila. Kaya---'

Hindi na tuluyang natapos ni Jo-Anne ang sasabihin. Napayakap siya kay Luis, parang batang humanap ng kakampi matapos apihin ng kaaway. Bahagyang hinalikan ni Luis si Jo-Anne sa pisngi para ibsan ang kalungkutan ng dalaga. Kasunod ang isang halik sa labi. A kiss too long for comfort.

Ilang hakbang ang papalayo sa kinaroroonan ng dalawa. Nakamasid.

'Lady Armela nasa Knight Crawler na po ang replika...'

'Tulad na inaasahan ko. Wala talagang kupas si Luis.'

'Tatapusin na po namin siya ipag-utos n'yo po lamang.'

'Hindi.. Hayaan lang natin siya.'



itutuloy..


------------------

Next year na ang kasunod. Magiging busy muna para sa holiday.. salamat sa mga nagbabasa at nagcomment.

Dalaga sa Bukid


May mumunting liwanag ang humati sa kadiliman
Umiikot-ikot sa buong kaparangan
Animo'y alitaptap na dadapo kung saan.


Isang dalagang may gandang kahali-halina,
Ang may tangan ng lumang gasera.
Sinisiyasat ang paligid na wari'y may hanap,
O tila nag-aabang ng isang makisig na binata,
Na anumang oras ay handa siyang itakas, itanan.

Tinahak ang masukal at madilim na daan.
Sa isang lumang kuwadra siya ay natagpuan.
Ipit na tinig, tuyong luhang kay pait.
Sa kanyang mukha, mababakas ang sakit.

Hindi maipaliwanag ang kanyang pagtangis,
Siya ay 'sing halaga ng perlas
na hinahangad ng marami.
Datapwat, siya ngayon ay nakakaras ng matinding sakit.
'Diyos ko po, salamat,' usal ng dalaga matapos tumae sa lumang kuwadra.

Simbang gabi


Janreb : Lyra, bakit ka umiiyak? Unang araw pa naman ng simbang gabi malungkot ka.

Lyra : Dahil sa boyfriend ko as usual. Sabi niya magkasama daw kami sisimba hindi naman pala tutupad sa usapan.

Janreb : Sayang ganda ng sikat ng araw kung sasalubungin mo ng lungkot. Malay mo may dahilan siya kaya di nakasimba kasama mo.

Lyra : Puro na lang dahilan.

Janreb : Tara kain na lang tayo ng puto at bibingka para mabawasan ang sama ng loob mo.

Lyra : Tara. Hindi naman worthy iyakan ang lalaking iyon.

Janreb : Doon tayo sa may kubo.

Lyra : (kumakain ng bibingka) Alam mo namiss ko 'to. Ewan ko ba kung bakit mas masarap kumain ng bibingka kapag simbang gabi.

Janreb : Baka kasi may special flavor ang uling na ginagamit pangluto ng bibingka kapag simbang gabi.

Lyra : (napangiti) Corny mo.

Janreb : At least napangiti kita.

Lyra : Unfair ka kasi! Alam na alam mo kiliti ko. (pumadyak na parang bata)

Janreb : So ok ka na? Sorry kung di ako nakarating agad ha. Sorry.

Lyra : Kung di lang kita mahal di kita papatawarin kahit ilang bibingka pa isuhol mo sa akin. Late ka na naman sa usapan.

Janreb : Hindi kasi agad ako pinalabas ng Team Leader ko e.

Lyra : Hindi mo ba ako yayakapin? Lamig kaya..

Janreb : (ngumiti) Halika nga dito. I love you Lyra.

___
fiction.
syel baka isipin mo na naman na inlab ako. Masarap lang laruin ang mga love story. Madali magtwist. (depensib)

condom game entry


Photobucket



Voice Combo Condom : Experience a totally different sensation with every bite.
Iba ang sarap pag may Voice!



natuwa lang akong sumali sa condom game.

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 4)


Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3


IV. Mission Briefing


Inihatid pabalik ng bahay ni Luis si Jo-Anne dahil sa hindi maayos nitong pakiramdam. Mas minabuti ng dalaga na magpahinga muna. Si Aling Remy naman ay lubhang nag-alala sa kalagayan ng boarder kaya isinara muna niya ang tindahan para sa asikasuhin ito. Bagamat tutol si Jo-Anne nagpumilit ang matanda na bantayan siya. Abot-abot naman ang paliwanag ni Luis dahil siya ang sinisi ng matanda sa kalagayan ni Jo- Anne.

Bumalik si Luis sa pamamasada bago tuluyang masabon ni Aling Remy. Binaybay niya ang kahabaan ng ilog Calumpang para sumipot sa briefing ng black child, mas maaga ng kalahating oras sa pinag-usapan. Sinusundan ng kanyang tingin ang lahat ng sasakyang nagmumula sa isang kanto sa kanyang kanan.

Iniluwa ng isang kotseng pula si Arden, ang lalaking nagbigay sa kanya ng sobre na naglalaman ng black child mission. Gamit ang kaliwang kamay sumenyas siya kay Luis na lumapit sa kanya.
Sakay ng kotse, tinahak nila ang tila walang katupusang daan hanggang sa matagpuan ni Luis ang kanyang sarili sa isang malaking mansyon.

'Bakit dito? Hindi naman tayo dati nagmimeeting ah,' usisa ni Luis sa kasamang lalaki.

'Luis, iniuulit ko, highly classified and confidential ang black Child. Walang pwedeng makaalam dahil marami tayong kalaban ngayon,' paliwanag ni Arden.

'Ano bang mayroon sa Sto Niño na 'yan at marami naghahangad makuha 'yan?'

'Sa loob na lang natin pag-usapan. Lahat ng tanong mo ay sasagutin ko sa abot ng aking makakaya.' Tumango na lang si Luis bilang tanda ng pagsang-ayon. Pumasok sila sa isang malaking AVR room. Sound proof ang lugar kaya mananatiling lihim ang briefing.

'Maari na ba tayong magsimula Luis?' tanong ni Arden sa namamangha pang si Luis sa sobrang grabo ng pinasok ng bahay.

'Sige, makikinig ako. Unahin mo muna kung ano ang makukuha ko sa black child.'

'Isang daan at kalahating milyon Luis. Fifty million ang paunang bayad para may pambili ka ng dapat kailanganin na gamit.'

'Woh ang laki ah. Parang nakakatakot ang black child dahil sa sobrang laki ng halaga na handa ninyong isugal sa akin.'

'Nagbibiro ka ba Luis, ikaw ang Knight Crawler, ang nangunguna sa mga ganitong underground mission. Pangalan mo pa lang may presyo na.'

'Pinapataba mo yata masyado ang aking puso, bueno mag-umpisa na tayo.'

Mula sa kisame ng AVR, may lumabas na liwanag na tumama sa puting telon. Nag-umpisa ang briefing sa isang history na may voice over pa ng isang lalaki.

'Noong 1521 dumating ang mga kastila sa pangunguna ni Ferdinand Magellan. Bitbit nila ang mahahalagang bagay kabilang ang mga Santo Niño para palaganapin ang Kristyanismo sa bansa. Bilang tanda ng paglipat ng Relihiyon ipinamamahagi nila ang mga gintong Santo Niño sa mga datu ng iba't ibang tribo. Dahil purong ginto ang mga Santo Niño , minabuti ng mga kastila na gumawa ng replika para linlangin ang sinumang sundalong kastila na magtatakang nakawin ang mga ito. Si Roysus Alberto ang naatasang magpalaganap ng Kristyanismo sa tribo ng Aglada sa Mindoro. Bitbit niya ang black child o ang itim na Sto Niño, kasama din ang replika nito. Habang nakadaong sa isang maliit na pier, natunugan ng mga pirata na may mga gintong dala ang mga kastila kaya agad nilang sinalakay ang grupo ni Roysus. Bilang lider ng ekspedisyon itinakas ni Roysus ang Black Child. Itinago niya ito sa isang lugar na hindi agad matutuklasan ninuman. Nag-iwan siya ng ilang inkripsyon sa replika para hindi madaling malaman ang kinaroroon ng gintong Black Child. Tumakas si Roysus para isangguni kay Magellan ang pangyayari. Subalit napatay si Magellan kaya minabuti niyang lisayanin ang bansa. Naging alamat ang black child. Hanggang matuklasan ng isang researcher/archeologist ang isang lathalain na hindi nalimbag, ang ekspedisyon ni Roysus sa Pilipinas. Nakasulat sa lathalain ang patnubay para lutasin ang inkripsyon. '

Pumalakpak ang tenga ni Luis sa narinig. Kakaiba sa dati niyang misyon. 'Interesante. Ngayon lang ako makakahawak ng ganyang kaso. Gaano naman ka-reliable ang research niya?'

'Very much. Marami na siyang napatunayan bilang reseacher. In fact, siya ang katuklas ng lumubog na barko na ginamit sa ekspedisyon kaya naging pursigido siyang ituloy ito. Subalit maraming nagtangka sa kanyang buhay kaya minabuti niyang ibigay sa atin ang kanyang research kapalit ang malaki din halaga.' tugon agad ni Arden.

'May idea ka ba kung sino ang pwedeng maging sagabal sa misyon na ito?

'Si Lady Armela.' mahinang at mababaw na sagot ni Arden.

'Si Lady Armela?!' Nagulatang si Luis. Si Lady Armela ay dati na niya nakasama sa isang Top Mission noong hindi pa niya nakikilala si Cielo. 'Paanong nangyari?.

'Kumalas siya sa grupo matapos ang pagtatagumpay n'yo sa Crown of King Henry. Hindi niya matanggap na mahihigitan siya ni Cielo. Noong una walang naniniwala sa Black Child pero noong naging matunog ang pagkakatukas sa barko ni Roysus bigla siya gumawa paraan para maagaw ang misyon. Sa katunayan sila ang pumatay sa pamilya ng researcher.

'Hindi ko akalain na magagawa nilang pumatay ng inosente.'

'Kahit ako man. Bueno magpatuloy tayo. Nag-iisa ka sa misyon na ito Luis pero may susubaybay sa iyo kahit saan ka man magpunta.
Iniabot ni Arden ang isang folder na naglalaman ng datos sa magiging bantay ni Luis. 'Sila ang magiging tagapagprotekta sa'yo kung sakaling magkaaberya. Pwede mo silang tawagan pero hindi mo sila pwedeng makita para walang ideya ang mga kalaban kung sino ang kasama mo.'

'Vagrat, Loduko at Spaka. Puro bago ang pangalan sa akin. Hindi ko alam kung ano ang kakayahan nila at hindi ko alam kung dapat kong ipagkatiwala ang buhay ko sa kanila.'

'Luis, magaling sila. Lahat highly skilled, hindi mo talaga sila makikilala dahil sila ay mga underground assassins.... walang nakakakita ng kanilang mukha.'

'Kung ganun wala ng problema. Ayusin ko na lang ang aking mga gamit, matagal na ko ng hindi nagagamit ang aking explosives at mapurol na din yata ako.'

'Magaling! Kapag may tanong ka alam mo na ang gagawin.'


Matapos ang briefing ay inihatid na muli si Luis pabalik sa Ilog ng Calumpang. Palihim na pumasok na bahay si Luis para hindi mapansin ni Aling Remy ang kanyang mga dalang kakaibang gamit. Iniisip niya na magtataka ang matanda na makita siyang may dalang mga folders at laptop. Pinag-aralan niya ang ilang pang datos na makakatulong sa misyon. Hindi niya napapansin ang paglubog ng araw dahil sa sobrang pagkaabala. Nakaramdam siya ng gutom kaya lumabas muna siya ng bahay.

'Mukhang wala kang balak magpakalasing ngayon.'
Isang anino ang papalapit kay Luis.

'Kanina ka pa ba diyan? Bakit alam mong nasa loob ako?'
Tuluyang naging maliwanag ang mukha ng nagmamay-ari ng anino ng buhayin ni Luis ang ilaw sa terrace, si Jo-Anne.

'Natural alam ko na nasa loob ka. Nandito ang tricycle mo e.'
nakangiting sabi ni Jo-Anne. Halatang maayos na ang pakiramdam nito.

'Kamusta ang pakiramdam mo? Tsaka ano yang dala dala mo?'

'Maayos na naman. Konting tulog lang pala ang kailangan. May dala akong pagkain bilang pasasalamat kanina. Yayain sana kita sa ilog gusto ko makita ang paglitaw ng buwan.'

'Ganun ba. Tumingala ka na lang makikita mo ang buwan.'

'Pilosopo. Sabi kasi ni Aling Remy kanina, maganda daw panoorin ang repleksyon ng buwan sa ilog.... para daw nagsasayaw. Madalas mo nga daw ikwento sa kanya dati iyon.'

'Si Aling Remy talaga. Sige. Kukuha lang ako ng beer, ikaw bumili ka ng gatas para may inumin ka. Ayaw ko mapagalitan ng matanda'.
Ngumiti lang si Jo-Anne habang ipinakikita ang baong juice.

Baon ang mga ngiti sa labi tumungo ang dalawa sa ilog ng Calumpang. Lihim naman nakamasid si Aling Remy. Masaya siya na makita si Luis na ngumiti muli. Kinikilig pa siyang pumasok sa loob ng bahay ng tuluyang umalis ang dalawa.

'Lady Armela, kumikilos na po ang grupo ni Arden.'

'Hmmm.... Sino ang bearer nila?'

'Isang lalaking nagtatago sa pangalang Knight Crawler.'

'Si Luis!. '



itutuloy....

the gift


Yeah, its Christmas time. Maraming alaala ang bumabalik sa aking pagkatao tuwing December. God knows how I miss Richelle, the woman I truly love. She's the most precious gift that God has given to me. Sayang nga lang dahil binawi din agad siya sa akin. One year and ten months after ng kasal namin, she passed away. Pasko pa nun.

Our relationship was short but it was sweet. Never kaming nagkaroon ng misunderstanding o argument. We know each other so well. Naaasar lang ako sa kanya paminsan kasi alam niya ang kahinaan ko. Tanda ko pa, she requested na maging escort niya ako sa kanyang 18th birthday. That time I hate formal attire but noong umirap siya, kahit alam ko naglalambing siya, napapayag niya ako. How can I resist such charming eyes? Hindi ko magawang magturn down ng request sa tuwing tinutunaw niya ako gamit ang kanyang mata. Napakadaya talaga.

December 16, 2006, unang araw ng simbang gabi, every year may plan na kaming umattend ng 9 mornings, but that morning was extraordinary. Napakaganda niya sa kanyang suot na red dress, her scent blends well sa malamig na simoy ng hangin. Pakiramdam ko kami lang ang tao sa isang napakagandang paraiso. She was extremely beautiful.

Katulad ng karamihan, after ng mass we craved for puto bungbong at bibingka. Napakainosente niya habang ineenjoy ang pagkain ng bibingka, ako naman, on the back of my mind ay may hidden agenda. Nasa middle na siya ng pagkain nang biglang may mag-pop sa bibingka --a ring. Yes, nagpropose ako nung time na yun. Quite informal but tricky, hindi ko papalampasin ang umaga hangga't hindi nakukuha ang sagot niya. I wanted her to marry me and spend the rest of her life with me. She gazed upon me. Then she hugged me, kissed me, a big sigh and she said the magic word I wanted to hear - 'yes'. Napakasaya ko. Buo na agad ang araw ko kahit hindi pa lubos na sumisikat ang araw. Hindi maipaliwanag ang pakiramdam. Walang sapat o akmang salita para ilarawan ang damdamin ko sa sobrang kasiyahan.

Late February kami ikinasal. Napakasaya. We're very much in love. Halos kulangin sa amin ang buong araw sa dami ng napagkwentuhan, we asked silly things, murmured lovers' questions and reminisced over those days na nagkakilala kami. Para kaming teens.

Sa paglipas ng mga araw, naging mas matibay ang aming samahan. Naging maayos ang takbo ng buhay namin. Sa call center siya nagtatrabaho, ako naman ay sa isang recruitment agency kaya lang kapalit nun ay bihira na lang kami magkita. Kahit naging busy, we still managed to stay sweet. Sumisimba kami every sunday kasi off kami pareho, tapos nagdedate kami sa mga tahimik na lugar para romantic at maramdaman namin ang presence ng isa't isa.
Kapag weekdays, minsan lang kami magkita kaya medyo malungkot, pero full siya ng surprises kaya lalo akong naiinlove sa kanya each day. Minsan umuwi ako ng bahay, sobrang gulo ng kama nagkalat ang mga damit. Akala ko nagiging burara na siya then it turned out na may nakatagong love letter and guitar tab collection na matagal ko ng gustong bilihin. She was so sweet. Alam talaga niya ang weak spots ko. Tapos noong birthday ko, dumating ulit ako ng bahay na magulo ang kama kaya expected ko na may surprise na naman pero wala akong nakita. Matutulog na sana ako nang may biglang tumunog sa ilalim ng akin unan. May rubber duckie. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya at ginamit pa ang inosenteng laruan. Kasama ng laruan ang isang dvd. Self titled music video ang laman ng dvd. Aamin ko hindi kagandahan ang boses ni Richelle habang kinakanta ang wedding song namin na 'On this Day' pero the thought that counts nga daw di ba. Naluha ako na natuwa. Mixed emotions. Habang kumakanta siya, ipinapakita sa video ang mga love letters na ibinigay ko, mga movie tickets ng mga pinanood namin, tissue ng mga kinainan namin at dates ng mga pinuntahan namin lugar. Hindi ko alam na iniipon niya kahit ang pinasimpleng detalye ng aming pagsasama. Nung natapos ang video, andun ang picture ko nung grade school ako and that picture supposed to be ay nakakapit sa class organization chart. Akala ko nahulog at nalipad ng hangin, kinuha pala niya kasi crush na n'ya daw ako dati pa. Naughty little girl.

Yeah, napakasarap alalahanin ang lahat. Mga bagay na maiisip kapag wala na ang taong bumuo nito. Mga pangarap na ipinundar kasama ang pinakamamahal. Hindi siya nawala sa puso at isip ko. That day na namaalam siya, sasabog ang puso ko. Umiyak ako ng sobra at nagtanong kung bakit niya ako iniwan. Napakaselfish ko kasi sarili ko pa din ang inisip ko, pero siya ang buhay ko, siya ang mundo ko. The only source of my happiness. Gusto kong lumipad sa langit at ipagsigaw sa mundo kung gaano ako kalungkot noong nawala siya.


I am a liar! Bago siya nalagutan ng hininga sinabi ko na hindi ako iiyak, magiging matapang ako dahil babaunin niya ang pagmamahal ko hanggang sa kabilang buhay.
But damn! I'm crying right now!. God knows how much I love her, how much I long for her. I need her pero nawala agad siya. How I wish na magkasama pa kami hanggang ngayon. Magkayakap, masayang nagkukwentuhan, tinutupad ang pangarap na binuo. Napakahirap ng wala si Richelle. She's my achor, I feel like I am drifting to nowhere everytime na maiisip ko na wala na siya.

Hindi na ako magmamahal muli. Sa kanya ako naging pinakamasaya. Kapag sinabing pinakamasaya wala ng hihigit pa doon. Kahit malungkot ang bawat pasko dahil wala siya, mananatili naman siyang buhay sa aking alaala. Dama ko pa din ang samyo ng kanyang buhok sa bawat simoy ng malamig na hangin.

Thankful pa din ako sa gift niya last Christmas kahit ang naging kapalit nito ay buhay niya. Nagsisimula na siyang lumakad. Jamuel Jr ang name niya. Sayang hindi man lang niya nakita after niya ipinanganak si Jamuel. He is now my reason of living. God's most elegant gift.

By the way, in my heart, I am spending Christmas with her. I love her dearly and I always do.

---

edit: fiction ito.. lagi na lang napagkakamalan na buhay ko ang nakasulat dito. haha

Open letter to my godchildren


Dear mga inaanak,

May kalamagin na ang panahon dahilan upang magrosaryo muna bago maligo. Malapit na talaga ang kapaskuhan. Ilang tulog na lang pasko na kaya kung maari sana ay huwag muna kayong matulog para madelayed ang pasko.

Nais ko lang linawin ang ilang bagay kaya naisipan kong gumawa ng sulat para sa inyong lahat. Sana lang ay talented kayo para maintindihan ang mga bagay na nakasulat dito. Napakaswerte n'yo na ako ang ninong ninyo dahil ginagampanan ko ang aking tungkulin bilang magaling na tagapayo.


1. Humihingi ako ng paumahin. Sana ay maunawaan ng iba kong inaanak na hindi nakatanggap ng aking limpak limpak na yaman noong nakaraan pasko sa dahilanan ako ay nagkaroon ng kakaibang kapangyarihan/sumpa noong nakaraan pasko. Nagiging invisible ako tuwing sasapit ang December 25. Hindi ko nga maunawaan kung paano 'yon nangyari. Hindi ko mapigilan. Basta na lang akong naglaho. Para akong isinumpa. Animoy isang tao na nagiging lobo sa tuwing sasapit ang bilog na buwan.

2. Ako ay may malubhang karamdaman. Mga inaanak, tama ang nabasa ninyo. Ako ay may selective deafness. Base sa aking sakilang medical vocabulary, ang selective deafness ay isang karamdaman na may kinalaman sa mga bagay na ayaw mong marinig. Natuklasan ko lang ang sakit ko lately. May grupo kasi ng mga bata na kumakanta sa harap ng bahay noong nakaraang gabi. Hindi ko marinig ang kanilang inaawit kahit lumawit na ang kanilang dila. Noong natapos na ang pagkanta at tuluyan silang umalis saka ko lang nalaman na sila ay nangangarolin.

3. Isa puso ang pasko. Nais kong ipabatid sa inyo na masarap ipagdiwang ang pasko na kasama ang pamilya. Kaya sa bahay na lang muna kayo. Natrapik e.

4. Financial Crisis. Alam ko hindi ninyo naiintindihan ang financial crisis na tumama sa Pilipinas noong nakaraang taon hanggang sa kalagitnaan ng taong ito. Ipapaliwanag ko sa inyo. Makinig mga bata. Dahil sa pagbagsak ng isang malaking bangko sa United States ay naapektuhan ang major business sa buong mundo dahil dito sila nagmemaintain ng kanilang account dahil dito nadelay ang kanilang business at nagkaroon ng domino effect. Hindi nila mapaikot ang kanilang pera dahil naipit ito sa bangko. Sumunod na bumagsak ang Real Estate, car manufacturing, etc. Naging apektado ang maraming bansa dahil umiikot din ang kanilang negosyo sa U.S. Gets mga bata? Kung hindi pa din ito pa ang paliwanag, napansin n'yo naman na hindi na tide ang iyong pinabubula sa kamay kapag inaabala niyo ang nanay n'yong naglalaba. O kaya naman ay hindi na singsarap ng dati ang gatas ninyong iniinom. Nakita n'yo din naman na kokonti na ang nilalaro niyong bigas sa rice dispenser. Iyon ang financial crisis. Kaya kapag ako ay wala isipin ninyo na may financial crisis.

5. Maging masaya sa anumang natatanggap. Let me tell you story. May isang bata na aattend ng kanilang Christmas party sa school. Hindi agad siya nakapaghanda ng regalo dahil dumalaw siya sa kanyang lola sa malayong probinsiya kasama ang tito niya. Noong umuwi siya ay hinanap agad niya ang kanyang magulang para humingi ng pera o regalo para sa gaganapin exchange gift. Sabi ng kapitbahay, nasa school na daw ang mga ito para manood ng field day ng kanyang kapatid at hindi expected ng parents niya na makakauwi agad sila. Sa kagustuhan niyang umattend ng Christmas party at sumali sa kauna-unahang niyang exchange gift, humanap siya ng pwedeng iregalo. Nakita niya ang pinakamahalagang bagay sa collection niya. Iyon ay ang isang kabibe (sea shell) na may konting design para maging attractive. Bigay iyon ng kanyang tatay noong nakaraan birthday niya. Napakaganda ng kabibe at itinuring niya itong kayamanan. Madalas niya itong linisin kaya laging bago tingnan.
Bagamat labag sa kanyang loob ay ibinalot niya ang kabibe at nagmadaling pumunta sa School. Hindi na niya inabot ang field day, sayang ang dala niyang props para sa kanilang dance number. Dumating ang oras ng exchange gift. Nakatanggap siya ng laruan trak. Ilang segundo pa lang ang lumipas may kung anong bahay na tumama sa kanyang paa. Nakita niya ang ilang bahagi ng basag na kabibe. Dinampot niya ang itinuturing niyang kayamanan at ibinigay na lang ang trak sa batang naghagis nito.
Lesson: Hindi pareho pareho ang expectation ng tao. Alam ko hindi n'yo ito maiintindihan sa ngayon. Ang nais ko lang malaman ninyo na kapag magulang na kayo ay imulat ninyo ang inyong anak sa pagtanggap ng regalo. Learn to appreciate.

6. Maging mausisa. Huwag ninyo munang usisain sa nanay n'yo kung bakit gumagalaw ang kama kapag gabi. Busy sila. Ano ang talent na mayroon kayo? Alam niyo naman na mahilig akong magbigay ng bolpen (nakaw sa office), kasi gusto kong malaman kung anong gagawin niyo sa bolpen. Katulad ng pamangkin ko na inaanak ko din, binigyan ko ng bolpen, ayun ginamit panghukay ng lupa. Nakita ko na ang future niya. Isa siyang minero paglaki. Kayo ano kayo paglaki?

ninong panjo

P.S. Kung gusto makita ang kabibi nasa bahay lang siya.

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 3)


Chapter 1
Chapter 2


III. Crown of King Henry

Sa loob ng isang madilim at maliit na kwarto nanatili si Luis. Nakatanaw siya sa kawalan habang hawak ang larawan ni Cielo. "Cielo," bulong na lamang niya sa sarili kasunod ang ilang malalalim na buntong hininga. Sandali pa at binuksan niya ang sobreng naglalaman ng sunod niyang assigment, ang black child.

Habang binabasa ni Luis ang Highly-Classified document ay muling umikot ang kanyang mundo pabalik, bagay na madalas niyang ginagawa.

'Cielo, Is this the site?' si Luis.

'Oo Luis. Ito ang lugar na tinutukoy sa research ko. Kailangan na lang natin hanapin ang old tablet para makita ang exact location ng Crown of King Henry.' dagdag ni Cielo.

'Luis, handa na ang explosives, sinunod ko ang lahat ang sinabi mo. Walang chemical na ginamit para walang traces kapag sumabog. Handa na rin ang air support, magpoproduce sila ng ulan para palabasing landslide ang lahat kapag gumuho na ang bundok.' putol ni Marco sa usapan ng dalawa.

'Magaling Marco. Ihahanda ko na system para mapacify ang sound ng explosion. Mas maganda kung wala talagang sound na ma-produce. Cielo, please locate the tablet immediately. Marco siguraduhing walang makakaakyat sa bundok habang nandito tayo.'

Kumilos agad si Marco, pinabantayan ang location, ipinuwesto na din ang mga explosive ayon sa plano ni Luis. Naging matalas naman si Cielo para makita agad ang old tablet na siyang palatandaan kung saan ibinaon ng mga katutubo ang Crown of King Henry.

'Guys! Be ready!' sigaw ni Luis. Isang pindot lang ang kinailangan para tuluyang gumuho ang isang bahagi ng bundok. Tumambad sa kanila ang maliit na yungib, kumikinang ang paligid nito.

'Success! Marco matutupad mo na ang pangarap mong libutin ang buong mundo.'
abot tenga ang ngiti Luis matapos makita ang Crown of King Henry.

'Congrats!!' sigaw ni Marco. 'Luis, palagay ko tuloy na tuloy na kasal ninyo ni Cielo!' nakangiting wika ni Marco.

Walang pagsidlan ng kasiyahan si Luis. Saglit pa ay niyakap niya si Cielo. Hinalikan ng bahagya sa labi. 'Guys, let's have a beer muna! Base, come in base! Mission accomplished! Tell the air support na ibagsak na ang ulan.'

'Here's your beer, honey! Now, can I have my prize? ' mapanuksong tanong ni Cielo habang parang batang umiikot kay Luis. Mula sa likuran ay niyakap ng mahigpit ni Cielo si Luis. Idinampi ang labi sa batok at siniil ng halik. Parang isang eksena sa isang pelikula ang sumunod na pangyayari. They kissed under the rain and held each other tight.

Unti-unting pinapawi ng itim na ulap ang bughaw na langit. Patuloy ang pagbagsak ng ulan. Nagulantang ang lahat ng muling gumuho ang isa pang bahagi ng bundok. Base kasi sa analysis ni Luis hindi dapat maapektuhan ang ibang bahagi ng bundok, may sukat ang kasi ang ginawa niyang explosion. Mabilis kumilos ang lahat. Bilang team leader kailangan maisalba agad ni Luis ang korona, kasunod naman agad niya si Cielo at Marco patungo sa ligtas na lugar. Subalit kasunod pa ang ilang pagyanig na dumurog sa kinatatayuan ni Marco at Cielo.

'Cielo!!!!!!' sigaw ni Luis habang bumabagsak ang mga bato kasama ang katawan ng mahal niyang si Cielo. Patay agad si Cielo ng bumaba si Luis sa ginuhaan ng mga bato. Habang ang katawan ni Marco ay hindi pa din nahuhukay hanggang ngayon, sumuko na kasi ang mga pulis na nag-imbestiga sa inaakala nilang landslide.

MATINDING sakit ng ulo ang gumising kay Luis. Bumangon siya at naligo para maibsan ang kanyang pakiramdam. Binuksan ang ref pero wala ng yelo, wala na ding tubig. Pinuno muna niya ng tubig ang mga lalagyan bago lumabas ng bahay para bumili ng gamot. Inihanda na din ang sarili sa sermon na aabutin kay Aling Remy.

'Isa nga pong paracetamol,' nakatungong wika ni Luis habang pilit na itinatago ang mukha sa mga nakasabit na paninda.

'Luisito! Lintik na bata ito. Aba tanghali na, ihahatid mo si teacher Jo-Anne. Maligo ka na nga.' gigil na wika ng matanda habang iniaabot ang paracetamol.

'Ano po?! Kailan pa ako naging official service? Hindi naman po ako kailangan hintayin dahil madaming tricyle sa daan. Tsaka nakaligo na po ako e.' bulalas ni Luis sa matanda.

'Maligo ka ulit! Kailan ka pa natutong mangatwiran hijo? Nakakahiya sa magulang mo, isinumpa ko pa naman sa kanila na kahit anong mangyari ay susubaybayan ko ang paglaki mo. Palalaking magalang lalo na sa mga nakatatanda. Subalit parang isa ka ng mabangis na hayop ngayon.' tuloy- tuloy pa ang salita na parang maluluha pero pinutol na ito ni Luis.

'Ay naku! Sige po ihahatid ko na siya.' Nagliwanag ang mukha ni Aling Remy sa nadinig habang padabog na umalis.

Napakamot ng ulo si Luis. Tiklop siya sa drama ni Aling Remy at labis ang pagtataka niya kung ano ang ipinakain ni Jo-Anne sa matanda. Nilinis muna niya ang tricycle. Medyo naninibago siya sa kanyang sarili dahil nakingiti siya habang inalis ang mga dumi sa loob ng tricycle. Sumasagi sa isip niya ang kakulitan ni Jo-Anne. Sa isip-isip niya iba na pala ang asal ng mga teacher ngayon. Siguro hindi na uso ang tagalista ng maingay sa oras ng klase dahil kung meron pa rin ay paniguradong una sa listahan si Jo-Anne.

'Mukhang maganda yata ang gising natin mister?' putol ni Jo-Anne sa pagmuni-muni ni Luis.

'Natatawa lang ako sa drama ni Aling Remy,' takip ni Luis sa totoong dahilan ng kanyang pagngiti. 'Tara na?'

'Pwede ba tayong kumain muna? Masakit kasi ang ulo ko hindi ko na nakayanan pang magluto.'

'Naku naman! Tigas kasi ng ulo mo pwede naman hindi ka na lang sumama.'

'Huwag mo na nga akong sermunan Luis, gusto ko ng maiinit na sabaw para maalis ang sakit ng ulo ko.'

'Sakay! May masarap na kainan dito. Malapit lang naman.'

Umorder si Luis ng bulalo para mapawi ang sakit ng ulo ni Jo-Anne. Halata sa mukha ng dalaga ang hindi magandang pakiramdam dahil sa matamlay mukha nito. Natatawa lang si Luis sa itsura ni Jo-Anne.

'Anong itinatawa mo diyan?' Namilog ang mata ni Jo-Anne sa asar nang makitang bumungisngis ang kaharap.

'Natatawa kasi ako sa itsura mo. Lakas ng loob mong makipag-inom sa akin hindi naman pala kaya ng sikmura mo.'

'Eh sa gusto ko eh! Bakit ka ba nakikialam?' Akmang hahampasin ng dalaga si Luis ng hawak nitong panyo nang aksidente niyang matabig ang katabing baso. 'Ayyy!'

Bago pa man nahulog ang baso sa sahig ay mabilis itong nasambot ni Luis. 'Got it!!' si Luis.
Namanga si Jo-Anne sa reflexes ng lalaki. Sa pagkakilala nito dito ay makupad itong kumilos at medyo may kalayuan ang pagitan nila para masambot agad ang baso. Napansin din niya ang mabilis na pagbabango ng mukha nito habang pilit na isinalba ang baso sa posibleng pagkabasag nito. Lalong naging misteryoso ang katauhan ni Luis.

'Luis, bakit--' hindi na nagawang matapos ni Jo-Anne ang pagsasalita dahil pakiramdam niyang siya ay masusuka. Tumayo siya sa kanyang upuan pero nawalan siya ng balanse. Katulad ng naunang pangyayari parang kidlat si Luis. Nasambot agad siya bago madapa.

Inilalayan si Jo-Anne ni Luis papunta sa comfort room. Nakadikit ang kanyang katawan sa lalaki, upang maramdaman ang init na nanggagaling sa katawan nito. Kumiliti din sa kanyang ilong ang mabangong amoy ng aftershave ni Luis. Nakaalalay ang isang braso ng lalaki sa kanyang bewang habang naglalakad, napansin niya ang malaking pangangatawan ng lalaki. Papasok na siya ng banyo ng mapansin ang mahabang pilat patungo sa balikat ni Luis. Nais niyang usisain ang dahilan nito subalit mas minabuti na lang sumandal bago pa siyang masuka.
Tunay na napakahiwaga ng kanyang katauhan subalit wala siyang nararamdamang takot sa katauhan ng binata.


itutuloy...

Christmas Wish List




Dear Santa,

My Christmas tree is now ready, if you're not too busy you can visit me. (Let's have coffee).
I know your in a budget too (due to financial crisis), so I have prepared a list for you to evaluate. I don't care if it is new or used.

Santa, hereunder are my Christmas Wish List for your perusal.

1. DLSR - I want some photography session with syel.

2. Kenny G cd - I am having a hard time looking for his SAX live performances.

3. Weight gain program / supplement - Of course I want to gain weight.

4. Sleeping pills - I am having a hard time sleeping. (I wonder if there is a no-drowse sleeping pills.)

5. Laptop - Hmm.. I don't really need this but I want to own one.

6. Washing machine - I want wash my own clothes again.



I do hope these are agreeable to you. Kindly sign your conformity on the space provided. Should you have concerns and/or clarifications feel free to contact me.




_________________
Santa Claus

_____
Date


dear ex-gf


Dear Chinny,

I love you very much and I shall always do. Chinny, sa sandaling bumaba ako ng eroplano, ikaw agad ang unang hahanapin ko. Gusto kong iabot sa'yo ng personal ang sulat na ito. I want to see your reaction as you read this letter, pati na din ng asawa mo.

Chinny, meeting you and falling in love with you made my life worth living. Alam natin na nagsimula lang ang lahat sa isang one-act play sa school kung saan ikaw ang bida at ako naman ang leading man. Suddenly, there is always something to look forward to sa bawat rehearsal-seeing you, talking to you, getting drowed by your smile at siyempre ang mayakap ka kahit ang lahat ay bahagi lang ng play. Dati, naaasar ako kapag paulit-ulit ang scene ng play pero noong dumating ka, I started to appreciate ang take-two o kahit ilang take pa. Sa ganoong paraan makakasama kita ng matagal.

Natatandaan mo ba noong awards night? Sino nga bang makakalimot nun, halos mapisa ang kamay ko noong hinihintay natin ang mananalo at halos mawasak naman ang buto ko sa higpit ng yakap mo noong ideclare na tayo ang nanalo. Masaya ako at malungkot din that time. Masaya dahil nanalo tayo, malungkot dahil iyon na siguro ang huling araw na magkakasama tayo. Tinagalan ko na lang ang pagyakap para masulit. Ibang category na yata ang tinatawag pero nakayakap pa din ako sa'yo. Walang pagsidlan ang aking kasiyahan habang magkasama tayo. Kung may mas maganda pang lugar sa paraiso, siguro nandoon ako tuwing kasama.

Noong uwian, tanda ko kape lang ang ininom ko. Hindi ko hinayaang lumampas ang pagkakataon, hindi dapat matapos ang lahat. Halip na kabahan, lakas loob kong inamin na mahal kita Chinny. Yes, I'm in love sa babaeng kaharap ko noong gabing 'yon, at ikaw 'yon. I don't know kung tama ang ginawa ko, ang alam ko lang sinabi ko ang idinidikta ng puso ko. Subalit ngumiti ka lang tapos tumalikod after kong magtapat ng pagmamahal. Wala akong narinig kahit isang sagot. Ako naman parang asong nabahag ang buntot na lumayo sa harap ng gate. Para akong dahong inilipad ng hangin matapos mawalay sa pinakamamahal niyang puno na kahit anong tindi ng kapit ay hahantong din sa pagbitaw.

Hindi pa man ako nakakalayo, niyakap mo ako ng buong higpit mula sa aking likuran. Nagulat ako dahil alam kong hindi na iyon bahagi ng script at wala na din ang director. Then, ibinulong mo na duwag ako dahil matapos kong magtapat ay iiwan lang kitang mag-isa. Sorry Chinny, hindi ko kasi alam na kaya ka tumalikod dahil kinikilig ka. I was so happy and hug you tight kahit madaming dumadaan. Naging gasgas ang "I love you" that night.

We went out couple of times after my confession, aside pa dun sa group picnic sa La Mesa Ecopark. Madalas nga naghuhulog ako ng little notes to express how happy I am for having you at siyempre to surprise na din. Chinny, akala ko nga hindi mo nakikita or naappreciate ang efforts ko tapos ako pa pala ang magugulat noong dumalaw ako sa bahay n'yo, may sariling photoalbum ang mga sulat na binigay ko. Pati 'yong sinulat ko sa dahon ng saging, bagamat tuyo na bakas pa din ang letra.

I miss you Chinny. Lalo na kapag tinatawagan kita para kumakanta ka sa gabi bago tayo matulog. Kahit boses cartoons ka na kumakanta ka pa din. Alam mo, palihim kong inirecord 'yon at hanggang ngayon pinakikinggan ko pa.

Tanda mo ba noong gabing naghihintay tayo ng meteor shower sa bubungan ng bahay ni tita? Nakikipagtalo ka pa nga kung sino ang mas matinding magmahal sa ating dalawa. Tapos sinabi ko, "Chinny hindi ito isang contest, hindi mo kailangan makipagtalo. Sa simula pa lang panalo na ako dahil dumating ka sa buhay ko." Napaluha ka then you kissed me. It was our first kiss, saksi ang mga bumabagsak na meteor sa langit. Lumipas ang mga araw at wala akong matandaan na nag-away tayo. Nagkakaasar lang kapag natatalo ng FEU ang UST sa volleyball.

18th of July, inilapag ko ang baso ng kape sa may fountain ng Raja Soliman plaza noong makita na kitang parating. We embraced each other. Walang gustong magsalita. Nabura ng luha ang repleksyon ng aking sarili sa iyong mata. Masakit din sa loob ko na iwanan ka Chinny but I have to work abroad sayang ang pagkakataon na ibinigay ng company. Matapos ayusin ang mga bagay bagay at ilang personal na obligasyon umalis akong lumuluha. Hindi ako nagpahatid sa'yo dahil ayaw kong makita mo kung paano umiyak ang isang lalaki. Mas madrama pa sa babae. Kasalan ko Chinny, dahil lumikha ako ng mundo na ikaw lang ang umiikot dito. Malungkot ako sa pag-alis ko. It was my darkest day pangalawa lang 'yong hindi ako nakaattend ng graduation ceremony nung kindergarden ako dahil nagtatae ako.

I miss you Chinny.
I miss seeing you and talking to you.
I miss you telling me stories on how your day had been.
I am not being poetic or sweet as I tell you these. I am just telling you how I feel. Mahal kita Chinny.

Chinny, I shall never ever love anyone again in this lifetime. Sa oras na tumapak ako sa lupa ng Pilipinas pupuntahan agad kita. Nagtataka ka siguro kung bakit sinasabi ko ang lahat ng ito? Gusto ko kasing malaman mo na hindi ka nawala sa puso at damdamin ko. Ngayon, tutuparin ko lahat ng ipinangako ko. Mga pangakong isinumpa noong ikinasal tayo. I'm home, honey. I love you. Surprise?!

Your ex-bf,
rhie

random thoughts


Nakita ako ng rainbow kanina. Yup, rainbow, yung maraming kulay. First time ko makakita ng rainbow na wala sa langit. Nasa tubig ang both ends niya. Sayang nga lang nasa jeep ako kaya hindi ko makunan ng picture kahit sa phone. Kung kasinggaling ako ni syel siguro napakagandang obra na nun. Sobrang galing n'ya sa katunayan kung makikita ko siya hahalikan ko kahit patay na kuko niya. (yan pinuri ko siya sigurado na ang gift ko sa xmas. Tumatanggap naman ako ng 2nd hand na house and lot, laptop, psp, pati dslr.Hehe) Biro lang syel pero pwede din seryosohin.
Balik sa rainbow, naliligaw n naman ako. Hinihintay ko ang mga carebears kung mapapadpad sila dun pero nabigo ako. Inisip ko na lang busy sila.
Well, medyo napawi nun ang mga problema ko na di ko masolved ng ilang linggo na. Halos isumpa ko si spongebob sa dami ng problema ko. Sabay-sabay kasi nasira ang mga appliances ko sa bahay. Sabagay kailangan na nilang magretire. Pero sana installment naman spongebob. Installment ko binili ih.

Hindi nga muna ako gumagawa ng kwento kasi dadagdag pa yun sa iisipin ko. Bibili pa nga pala ako ngbarong para sa kasal ng kapatid ko. (tama abay ako sa kasal, sana wala na naman kapalpakan.)

Ay teka, random thoughts to kaya dapat may thought.
nag-imbento muna ako ng quote.
"may mga bagay na magdadala ng problema, may mga bagay na magbibigay ng saya pero sa akin ka liligaya"

ooh my


kanina habang nagkakape ako sa kapitbahay naisipan kong tingnan yung mga baka sa may tubuhan.
Yung iba nag-aagahan na at yung iba ay nasa kasarapan pa ng paglalakbay sa buwan.(yup nanaginip sila, nainterview ko na.)

habang inienjoy ko ang libreng kape mula sa kapitbahay ay may kung anong malamig na bagay ang pumatak sa aking ulo.
sigurado naman akong hindi yun ipot dahil karaniwan ay mainit ang ipot kapag bumabagsak. (minsan na kasi akong nabagsakan ng ipot sa bumbunan)

so, tumingala ako. (may eroplanong dumadaan)
yun, hamog pala na nanggagaling sa saging. siguro sobrang lamig kagabi kaya sobrang bigat ng bagsak ng hamog. (malapit na nga pala ang pasko wala pa akong brief)
since nasa ramdom thoughts ako, dapat may thought ito.
eto na, biglang kiniliti ng ng alaala ang akingh utak.
bigla ko kasing naalala noong minsan umulan ng yelo sa batangas city. (yup, umulan ng yelo as in yelo. aug yata yun)
sobrang laki ng patak na parang gustong butasin ang aking bumbunan.
kaya inilabas ko ang aking.....
payong.
walang silbi. tinampalasan lang ng yelo ang aking tig-50 pesos ba payong. (35 kung tatlo ang bibilhin mo)

tumakbo ako papunta sa waiting shed. (slow motion para dramatic)
marami nakatingala.
hinahanap siguro kung may nagbebenta ng halo-halo sa langit.

ay teka, ishort cut ko na lang kasi hindi naman yan ang gusto ko sabihin. tsaka naubos na yung kape kaya naputol ang pag-iisip ko.

nagtaka lang kasi ako kung bakit umulan ng yelo sa batangas eh sobrang init. tapos tropical country ang pinas e. (ginugunaw na yata ang mundo kailangan mag-asawa na ako ng marami)

siguro bahagi ng ng climate change.
hindi na pamigilan.
sabagay lahat naman nagbabago.
sobrang bilis nga lang ng pagbabago daig pa ang isip ng babae.

isa lang naman ang hindi nagbabago. constant daw? parang pag-ibig ko sa'yo hindi nagababago. (kasama ba talaga yun?)


well, gusto ko lang sabihin, masarap magkape lalo na kung libre.

----
"aanuhin ko naman ang starbucks kung ako naman ang magbabayad."

kanta muna galing sa crush kong taga wow batangas..

YOU FIRST BELIEVED

hello blog!


Hello blog!
Dumaan lang ako. Nagbabakasakaling may mabasang maganda kaso wala. Mga nagpapabisita lang ng blog na hindi maganda sa mata ng taong badtrip.
Pasensya na kung hindi ako madalas magpost. Pinipilit ko kasing umiwas sa blogsphere dahil nawawalan na ako ng social life. Para saan pa ang kalibugan ko kung hindi ko naman nakikita ang kalandian ko. me ganun? Hindi na kasi ako nakakagala kakagawa ng kwento. Last week ko nga lang nalaman na nagsasalita na pala si Kurt. He said, "Ninong!" Praktisado na ang bata.

Medyo tinatamad na akong magkwento bukod sa wala naman interesado sa mga tropa ko e napapagod lang ako magtype. Nagising na lang ako na ayaw ko na pala. Parang si Forest Gump na napagod na lang tumakbo at umuwi na lang sa bahay nila. May balak pa naman akong gumawa ng kwento pero saka na lang. Madami akong iniisip at wala akong computer. Nasira ang board.


I'm too emotional lately, nasira kasi ang washing machine ko. Paano na ngayon ang hobby kong paglalaba. 500 lang ang naiipon ko monthly kaya aabutin ng isang taon bago ako makabili ng bago. Makapag-asawa na lang kaya pero civil wedding muna saka na lang yung sa simbahan kung sakaling walang magregalo ng washing machine.


Since lagi naman akong nag-iisa nagblog na lang ako para may mapagkwentuhan. Nakita ko kasi ang professor/idol ko na si Sir Masupil kahapon noong pauwi na ako galing SM. Sayang nga lang hindi ko siya nakakwentuhan about sa latest stories niya.

Pumunta ako ng SM kahapon para bumili ng Christmas tree para kapag uuwi ako ay may nakikita naman akong maganda. Dumaan muna ako ng Odyssey para bumili ng CD. Mahilig kasi ako sa music pero music lang ayaw ko ng may lyrics. Bumili ako ng sax collection ni Kenny G tapos derecho agad sa katabing supermarket. Ewan ko kung bakit sa supermarket ako sumuot halip na department store. Umiikot muna ako wala akong nakita. May naamoy akong kape na biglang kumiliti sa matangos kong ilong. May free taste pala ang nescafe kaya nagtry ako tapos nagtry ulit ako. Bumili ako ng isang bote tapos lumabas na akong supermarket dahil wala naman christmas tree doon. Naglalakad na ako tapos bigla kong naalala na wala pala akong nabiling asukal. Babalik na sana ako ng may makita akong washing machine sa appliance center. Parang gustong bumagsak ng aking luha sa pamang-akit kong mata. Naalala ko ang aking washing machine. Kailangan bang mawala ang isang bagay bago malaman kung gaano ito kahalaga?

Ay teka baba na pala ako ng jeep tsaka lowbat na ang telephone.. Basta ang kwento e nalimutan kong bumili ng christmas tree.

---
Hay, paano kaya ako mabubuhay next month.
Mawawalan na naman ako ng trabaho..
Kawawa na naman ang mga inaanak ko.

P.S.
Kung mababaw yan, try mo na lang hukayin.



tula (la)


BABAE

Tulala
Nakapikit
Pinipigilan ang pagbagsak ng luha
Doon sa may sulok
ng luma at masikip na silid.

Tumiklop na ang sinag ng araw
Namayani ang buhos ng ulan
Nawala ang sinag na tumatama sa dilaw na upuan
Binuhay ang alaala ng nakaraan.

Babae
Naiipit ka sa saya at kalungkutan
Sa mukha ng kasalukuyan at nakaraan
Sa pag-ibig ng dalawang magkaibang katauhan


LALAKI

Ikaw ang lumikha ng inyong kalawakan
Ikaw ang naglakbay sa iyong panaginip
Ikaw ang nakipagsapalaran sa reyalidad
Ikaw ang pumili ng iyong inibig.

Lalaki sa kanyang pag-alis ay huwag kang tumangis
Bagkus, hayaan mong lumipad ka sa malawak na langit
Dalawin siya sa kanyang panaginip
Ibulong ang wagas na pag-ibig.



*****
this will be my last post for the mean time.
have to settle some personal issue.

to ms. Jo-Anne,
kung hindi ko magawa ang Tricycle e bibigyan na lang kita ng printed copy..

Elevator


Scene : Natrap si Amrey at Lemuel sa loob ng elevator dahil nagkaroon ng problema sa linya ng kuryente. Dating magkasintahan ang dalawa kaya parang pinaglaruan sila ng taghana para muling magkausap.

Lemuel : 15 minutes pa raw bago maayos ang linya.

Amrey : Buti naman. Akala ko aabutin na tayo ng gabi dito.

Katahimikan. Dahil matagal ng hindi nag-uusap ang dalawa naging mailap ang sagot ni Amrey.

Lemuel : Kamusta?

Amrey : Perfectly fine. Ikaw?


Lemuel : (Ngumiti ng bahagya si Lemuel.)Maayos naman. Medyo tumaba ng konte.

Amrey : Pansin ko nga. Parang nabasa ka.

Lemuel : Maulan kasi sa labas.

Amrey : Kaya siguro nawalan ng kuryente.

Lemuel : Baka nga. May asawa ka na ba?

Amrey : Wala pa. Wala akong oras sa ganun. Bakit ka nga pala napadpad dito?

Lemuel : Pupunta ako sa Agency.

mrey : Magrerenew ka?

Lemuel : Hindi. May dadalawin sana ako. May itatanong lang.

Amrey : Ah. Ok. (Patay malisya pero palihim na tumingin sa stainless wall ng elevator para makita ang mukha ni Lemuel.)

Lemuel : (Buntong hininga). Tagal natin hindi nag-usap ah. Kahit e-mail wala kang sagot.

Amrey : Three years, 5 months ang 14 days to be exact.

Lemuel : (Gulat). Wow! Tanda mo talaga ah.

Amrey : Sino bang makakalimot sa sakit ng ginawa mo?

Lemuel : Galit pa rin ba sa pag-alis ko?

Amrey : Sino bang matutuwa? Hindi ka nagpaalam. Basta ka na lang umalis.

Lemuel : Nagtext ako ah.

Amrey : Text? Kung kelan nasa airport ka na. Lemuel sa isang subdivision lang tayo nakatira hindi ka man lang sumigaw sa labas para malaman ko na aalis ka. O kaya isinulat mo sa pader tutal malinaw naman ang mata ko at makakabasa naman ako.

Lemuel : Alam ko kasing hindi ka papayag na mag-aabroad ako e.

Amrey : Alam mo pala e! Tapos tinuloy mo pa din. (Tumalikod. Pilit magpakahinahon.)

Lemuel : Para sa atin naman yun. Sa kinabukasan natin.

Amrey : Kinabukasan? O para sa sarili mong ambisyon?

Lemuel : Alam mo naman matagal ko ng pangarap magtrabaho sa Australia pero kasama ka sa pangarap na yun. Para guminhawa ang buhay natin.

Amrey : Hindi ba simula pa lang malinaw na sa'yo Lemuel na kapag umalis ka tapos na ang lahat sa atin? Siguro gusto talagang matapos ang lahat.

Lemuel : Hindi sa ganon. Gusto ko lang maging praktikal.

Amrey : Gusto ko lang ng simpleng buhay. Simpleng buhay kasama mo! Hindi yung nagpapakasasa ako sa yaman pero salat naman sa pagmamahal.

Lemuel : (Natahimik)Alam ko kasalanan ko. Alam ko nasaktan kita. Humihingi ako ng tawad. Gusto kong magsimula ulit tayo. Kahit umalis ako naiwan naman ang puso ko. Wala akong ibang minahal kundi ikaw. Naparito ako sa agency para sa'yo. Para malaman kung mahal mo pa ako. Gusto kong bumawi.

Elevator speaker : Maari po lamang na humawak ang mga pasahero sa gilid ng elevator. Ilang sandali mo lamang ay magbabalik na sa normal na operasyon ang ating elevator. Maraming salamat po.

Amrey : Buti naman makakalabas.

Lemuel : Mahal mo pa ba ako Amrey? (Lumuhod may dinukot sa bulsa. Isang maliit na kahon na may lamang singsing. Itinaas ang kamay habang nakatungo). Sana bago bumukas ang elevator tanggapin mo ang singsing na ito. Tanda ng wagas kong pagmamahal, ng paghingi ko ng tawad at ng Pwede ba tayong magsimula muli Amrey? Please.

Amrey : Hindi.

Lemuel : (Pumatak ang luha habang nanatiling nakaluhod.) Amrey?

Amrey : Bakit ka magsisimula ulit kong pwede mo namang ituloy? Mahal na mahal kita. Bawat araw binilang ko dahil umaasa akong babalik ka.

Lemuel : Amrey, salamat.

Amrey : Wala ka bang ibang sasabihin? May dala ka namang singsing.

Lemuel : Amrey, will you marry me?

Amrey : I will. (Bumukas ang elevator .)

---------

:D

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 2)


Chapter 1


II. black child


Maingay ang mga bata, mga magulang na may hila-hilang anak, nagmumurang tsuper at mga tindera ng sisiw na may kulay ang karaniwang makikita sa harap ng Divine Academy tuwing uwian. Pamilyar din ang may umiiyak alinman sa batang naiwan ng service o dalagita na nasa edad dose hanggang kinse dahil sa unang pagbigo sa pag-ibig. Nandoon din ang mga tricycle driver na ginawa ng libangan ang pagtitig sa mga hita, puson, pusod, dibdib at puwet ng mga babaeng sumusundo sa mga bata.

Ngunit iba si Luis. Kung gaano ka-boring paanoorin ang ikot ng gulong ng kanyang tricycle ganoon din ang kanyang buhay. May nanghihinayang nga sa lakas ng kanyang sex appeal dahil hindi naman daw mapakinabangan. Kung pwede nga lang daw nakawin ang sex appeal ginawa na niya, biro ng isang kasamahang tricycle driver. Hindi pa rin kasi nakakamove-on si Luis mula ng mamatay sa isang aksidente ang girlfriend niyang si Cielo. Kadalasan, mapapansin si Luis na may hawak na pagkain habang nagbabasa ng broadsheet o di kaya naman ay nagbabasa ng mga nutritional facts sa mga nagkalat na balat ng junk foods.


'Pwedeng magpahatid pauwi?' bungad ni Jo-Anne kay Luis na kasalukuyan kumakain ng banana cue habang nilalaro ang pusang kumakaway sa tricycle ng kasamahan.

'Hindi pa ako ang pila e. Pangalawa pa.'

'Hihintayin ko na lang. Sorry nga pala kanina. Napagalitan ka ni Aling Remy dahil sa akin. Nagmamadali din kasi ako kanina.'

'Naku sanay na ako sa matandang iyon. Hindi kompleto ang araw nun kapag hindi ako nasermunan.' Nilunok ang natitirang saging sa bibig saka muling nagsalita. 'Bagong teacher ka ba dito?'

'Oo bago lang. Pero pansamantala lang ako dito habang on-leave pa si Ms. Regondo.'

'Tara, sakay ka na sa loob,' yaya ni Luis. Kumilos agad si Jo-Anne pero hindi sa loob ng sidecar siya sumakay kundi sa inuupan niya kaninang umaga.'Doon ka na sa loob para maayos ang upo mo.' gulat na wika ni Luis.

'Ok na ako dito. Gusto ko kasi maging pamilyar sa lugar.' Napakamot na lang si Luis sa asal ni Jo-Anne. Karaniwan sa lahat ng pasehero ay gusto ng komportableng upo pero itong si Jo-Anne ay tila nawiwili na magbackride.

'Ikaw ang bahala.'
wika ni Luis matapos itaas ang dalawang balikat. 'Kumapit ka ha.'

'Pinapatawa mo naman ako. Parang bibilis ang takbo ngayon ah.' Humawak ang teacher sa tagiliran ng lalaki. Parang nakuryente si Luis sa pagdampi ng kamay ng dalaga.


Ilang grupo ng lalaking nakaskate board ang lumampas sa minamanehong tricycle ni Luis. Walang pagbabago. Ubod pa din ng bagal ang takbo ng tricycle.

'Siguro anak mayaman ka kaya mas gusto mo magbackride. Kumbaga sa exploring stage ka.'

'Hindi ah!' mahigpit na pagtutol ni Jo-Anne. 'Siguro empleyado ka dati ng punerarya kaya mabagal ka sa magmaneho.' Ngumiti lang si Luis ikinatwiran muli na wala pa siyang insurance.

'Teka hindi tayo dito dumaan kanina ah!' si Jo-Anne.

'Naliligaw na yata tayo Ma'am.' biro ni Luis.

'Ano ka ba? Naliligaw ba talaga tayo?'

'Biro lang. One way po kasi yung dinaanan natin kanina.'

'Ah, teka museum ba 'yon?' tanong ni Jo-Anne sabay turo sa lumang establishment.

'Hindi Ma'am. Ancestral house ng mga Pastor.'

'Matagal na 'yan ganyan?'


'Natural! Ancestral house nga e. Teacher ka ba talaga?' kantiyaw ni Luis.

'What I mean is yung design. Wala bang binago sa original style?'


'Ah, may minor repairs. Kumabaga may inalis na lumang bahagi para palitan ng bagong pero dapat mukhang luma pa rin,'
si Luis.

'Wow, pinahanga mo ako doon ah. Pwede ka ng tour guide.'

'Para yun lang. Kahit sinong taga dito ay alam yun.'


Tila sinakluban ng telang itim ang kalawakan nang makauwi si Luis galing sa pamamasada. Parang langgaw na nagsulputan ang mga bata sa kalye. Nagsilbing palaruan ang tahimik na kalsada sa pagsapit ng gabi. May ilang pang naglalaro ng hide ang seek sa terrace ng bahay ng binata.

'Kuya Luis! Ibibili na ba kita ng beer?' tanong ni Biboy sa bagong dating pa lamang na si Luis. Palibhasa ay hindi pinagbebentahan ng alak ni Aling Remy si Luis ay binabayaran na lamang niya si Biboy para bumili ng alak para sa kanya.

'Alerto ka ah. Sige ibili mo ako ng kalahating case ng grande. Ilagay mo na lang sa likod ng tricycle magbibihis lang ako.'


'Eeeeng! Pip! Pip! Parang dirver ng isang jeep na tumakbo ang bata matapos matanggap ang pera. Tumitigil lang ng bahagya kapag may makakabangga o kaya kapag bumababa ang maluwag na shorts. Ilang minuto lang, kasama ang isang sipuning bata, ay dala na nila ang alak.

Kumikiliti sa ilong ang samyo ng dalang pulutan ni Luis. Pasekretong pinaandar ang tricycle para hindi mahalata ni Aling Remy na mag-iinom na naman siya. Patungo siya may pampang ng ilog Calumpang. Maraming alaala ang hatid ng ilog. Alaala ng pinakamamahal na si Cielo kaya kahit bumabagyo ay bumibisita siya dito. Hindi pa niya tanggap ang pagkamatay ni Cielo sa isang aksidente.

Humimpil ang tricycle sa may maliit na puno ng mangga. Hinayaan ni Luis na bukas ang ilaw ng tricyle para makita ang ganda ng ilog kapag tinatamaan ng liwanag. Ibinaba niya sa may damuhan ang alak at ang dalang pulutan. Bubuhayin na sana niya ang stereo ng may biglang sumulpot mula sa loob ng sidecar.

'Anong ginagawa mo dito Ma'am?' Nagulantang si Luis.

'Ayaw mo bang may kasama sa pag-iinom?'
malambing na wika ni Jo-Anne.

'May magagawa pa ba ako. Nandito ka na e.'
Napapailing pa si Luis. Hindi niya napansin na nagtatago ang babae sa loob ng sidecar. 'Paano ka napunta diyan.'

'Nakita ko kasi ang bata na inabutan mo ng pera kanina. Tapos pagbalik nila may alak ng dala kaya nagtago ako sa loob. Naiinip kasi ako kaya gusto ko makijoin.'

'Baka malasing ka Ma'am.'

Umiling si Jo-Anne. 'Jo-Anne na lang, huwag Ma'am. Ano bang meron sa ilog na ito?'

'Tubig.'


'Alam ko na may tubig, ang ibig kong sabihin bakit dito ka pa nag-iinom? Siguro may something sa lugar na to.' pangungulit pa ni Jo-Anne.


'Masarap kasi pakinggan ang huni ng mga kuliglig pati ang paglagaslas ng tubig sa ilog. Kaso hindi ko madinig dahil medyo maingay.'pagtatakip niya sa totoong dahilan. Ayaw niyang ibahagi sa dalaga ang masasayang alaala na hatid ng ilog.

'Ok! Fine tatahimik na ako. Inom na lang tayo.'

Lumikha ng ingay ang batong inihagis ni Jo-Anne sa ilog. Gusto niyang magsimula ng usapan subalit wala siyang lakas ng loob. Masyadong mailap ang lalaki. Malalim ang pagkatao at tila ayaw makipag-usap noong mga sandaling yon.

Isang pulang kotse ang huminto malapit sa tricycle ni Luis. Gamit ang headlight, sumenyas ng dalawang beses ang driver ng kotse. Mabilis kumilos si Luis na hindi karaniwan sa katuhan ng lalaki.

'Dito ka muna.' pigil niya kay Jo-Anne na akmang tatayo. Naglakad si Luis patungo sa kotse. Natakot bigla si Jo-Anne sa biglang paging seryoso ng mukha ng binata.

'Bakit may kasama ka?' usisa ng lalaki sa loob ng kotse. 'Pasok ka sa loob.'

'Hindi ko kasi alam na darating ka. Matagal na din kasi akong walang balita sa inyo.' si Luis. 'May bago ba?'

Inabot ng lalaki ang isang sobre. May nakasulat na black child sa gitnang bahagi. 'Ito ang sunod mong misyon. Basahin mo muna. Kapag nagustahan mo bumalik ka dito bukas ng tanghali para sa briefing.'

'Black child mission. Pag-aaralan ko.'

'Highly classified and Confidential ang mission na ito. Hindi dapat pumalpak ang lakad na 'to.'


'Makakaasa ka! Bakit nga pala natagalan?'

'Alam mo naman na si Cielo ang pinakamagaling nating researcher. Walang papantay sa galing niyang magdecode. Sayang nga lang nasawi siya sa huli ninyong mission. Nahirapan kami humanap ng kapalit niya.'

Natahimik si Luis. 'Pupunta ako bukas asahan mo. Gusto ko din makilala ang makakasama ko sa misyon.'

'You will be working alone, Luis. Inuulit ko, Highly classified and Confidential ang black Child. Maraming underground organization ang naghahangap makuha ang black child.'


Tumalilis ang kotse matapos ang usapan. Naging mausisa si Jo-Anne sa muling pagbalik ni Luis.

'Ano yan?'

'Invitation sa binyag.'
pagtatakip ni Luis.

'Bakit kailangan sa loob pa ng kotse kayo mag-usap?'

'Sensitive e. Anak kasi sa ibang babae ng kaibigan ko ang bibinyagan. Mahirap ng may makakita kasi kasiraan sa political career niya.'

'Mga lalaki talaga hindi makontento sa isa.'


'Huwag mo ng pakialaman ang buhay nila. Inom na lang tayo Ma'am.' Parang batang kinutusan ni Luis si Jo-Anne.






itutuloy...

-----
comments? Sana maging maayos ang takbo ng tricycle. Absent ako kaya napaaga ang update.



i'm online


Ang liwanag na nagmumula sa monitor ng computer ang nagsisilbing ilaw sa kwarto ni Geraldine. Hating gabi na, bagamat nakahiga sa kama ay nanatiling gising ang ulirat ng babae. Nangalay na ang cursor sa pagkindat pero hindi pa rin tinapunan ng pansin ng dalaga. Nagdurugo ang kanyang puso. Gusto niyang isigaw ang lahat ng nararamdaman.

Idinuyan ng musika ang luhaang puso. Pinawi ng pandalian ang kalungkutang bumabalot sa kaluluwa. Pilit iwinaksi ang guhit na sumira sa magandang larawan ng alaala. Iniwan na siya ni Vince. Si Vince, ng lalaking nangako sa kanya ng habang buhay na kaligayahan at nagsilbing sandalan sa lahat ng kabiguan.

Tumayo siya mula sa higaan. Humarap sa kanina pang naiinip na computer. Sinimulang itype ang kanyang username na pink_illusion at ang password sa yahoo messenger. Lumulundag-lundag pa ang icon ng messenger na tila nang-aasar sa isang may labis na kalungkutan.

Hindi pa man siya nakapagtype ay nagsimula ng pumatak ang luha ni Geraldine. Online si Vince subalit hindi siya pinapansin. Walang tugon sa ilang beses niyang pagmamakaawang kausapin siya.

Early last year nang maglabas ng sama ng loob si Geraldine sa unang pagkabigo sa pag-ibig. Pero hindi sa isang kaibigan kundi sa isang forum site. Gusto niyang malaman ang magiging opinyon ng iba sa kanyang karanasan. May mga nagcomment na parang ayaw ipabasa dahil sa sobrang arte ng pagkakatype. Meron naman nagmala-DJ sa radyo sa sobrang haba ng payo. Hanggang sa isang lalaking may 3rd_psych na username ang nagbigay ng nakakatawa ngunit makabuluhang payo. Naging mahaba ang kanilang usapan hanggang sa mauwi sa palitan ng ym id dahil sa mabilis na pagkalagayan ng loob. It was a rainbow after the heavy storm for Geraldine.


They became friends, bestbuds and bff for some. Matapos ang ilang buwan, nabuo ang mga pangarap, ang pag-ibig at ang pangakong susungkitin ang buwan at mga tala. They decided to see each other. Masaya, puno ng pag-ibig. Kakaiba si Vince, hindi siya nauubusan ng paraan para mapatawa si Geraldine. Isang totoong gentleman.

Text, chat, call lahat na yata pati mental telepathy ay ginamit na nila para makapag-usap. Words of love, pick-up lines at buhay buhay ang madalas na usapan. Walang humpas ang kasiyahan. Parang naulit lang ang nauna niyang pag-ibig.

August 27, 2009, first year anniversary, tutuparin ni Geraldine ang kanyang pangako kay Vince. Mapusok na isinuko ni Geraldine ang kanyang pagkatao. Ibinigay ang sarili sa taong pinakamamahal. Halata sa kanilang mata ang labis na pagmamahal. Parang asong ulo na nilamon ng lalaki ang napanuksong hubog na katawan ng babae. Tila piratang sumugod sa barko at angkinin ang lahat ng yaman.

Pumatak ang luha ni Geraldine. Isang linggo na siyang hindi kinakausap ni Vince. Muling ibabahahagi Geraldine ang kanyang pagkabigo sa pag-ibig. Magiging matalino na siya sa susunod. Hindi na maniniwala sa mga pangako. Handa na niyang i-post ang kanyang pagkabigo sa forum subalit isang pamilyar na username ang may may blockbuster na kwento. Kwento ng pagpaparaos 3rd_psych sa isang babae.

Idinuyan ng musika ang sugatan puso. Pinawi ng bahagya ang lungkot na bumabalot sa kaluluwa.

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 1)


I. the tricycle driver and the teacher


Gising na ang mga tambay, nakapwesto na agad sa may tindahan habang sinusundan ng tingin ang mga nagdaraan. Gising na ang mga bata, ang ilang ay naghahanda na para sa eskwela, ang iba naman ay naglalaro na sa kalye. Gising na din ang mga matatanda, nagwawalis ng ikinalat ng mga tambay at mga bata.

Tirik na ang araw ngunit nakahiga pa din si Luis. Matindi ang sakit ng kanyang ulo kaya tinatamad bumangon. Palibhasa ay lasing na naman kagabi tila naging parte na ng kanyang dugo ang alkohol.

Matalim ang sikat ng araw na pilit pumasok sa maliit na bintana ng kwarto ni Luis. Mahapdi na sa balat kaya napilitan na siyang umalis sa kama. Tinungo ang ref para kumuha ng yelo, binalot ng tuwalya saka idinikit sa masakit na bahagi ng ulo. Muling bumalik si Luis sa magulong kama na puno ng maduming damit, magazine, sapatos, gusot na dyaryo,ilang piraso ng baraha at larawan ng isang babae.

Pagkalipas ng ilang sandali ng pagkawala sa sarili ay bumangon siya para maligo. Nagsipilyo habang nakapikit pa rin ang mga mata saka nagbihis ng luma at punit na damit. Lumabas siya ng bahay para bumili ng gamot.

'Ha!ha! Tangna pare! Tanga noong crew kahapon hindi niya nahalatang ipinuslit ko yung pending number!' pagyayabang ni Jose sa harap ng tindahan ni Aling Remy.


'Oo nga! Noong isang araw nga platers naman nila ang kinuha ko! Magandang gawing photoframe 'yon!' dagdag pa ng ayaw magpatalong si Ariel.

'Masaya naman kayo sa ginawa n'yo? Eh kung nahuli kayo makatawa pa kaya kayo sa loob ng selda?'sabat ni Luis. 'Isang paracetamol nga Aling Remy.'

'Trip trip lang naman 'yun Luis.' Sobrang sineryoso mo naman.' si Jose.

'Kahit pa, magnanakaw pa ang turing sa inyo kung nahuli kayo. Kung nagkataon may picture pa kayo dun,' pangaral pa ni Luis na parang nakatatandang kapatid ng mga tambay.

'Eh ikaw naman Luisito kelan mo balak itigil ang paglalasing?' pag-alaala ni Aling Remy na nagsisilbing pangalang ina na rin kay Luis. 'Aba lagi ka na lang ganyan hijo.'

'Sigurado si Cielo pa rin ang dahilan. Madami naman babaeng nagkandarapa na pwede pag-ukulan ng bagong pagmamahal,' nakangiting kantiyaw ni Ariel.

'Luis, parang anak na din ang turing ko sa'yo kaya huwag mo sana mamasamain ang mga sinasabi ko pero pandalian lang ang maitutulong ng alak para makalimot.'

'Kaya nga po dinadalasan ko ang pag-iinom Aling Remy,' pilosopong sagot niya. Tumalikod si Luis sa matanda matapos isubo na parang kendi ang paracetamol.

Tinungo niya ang kinaroroonan ng kanyang tricyle. Simulang linisin, inalis ang bote ng alak at itaboy ang pagpipyestang mga langaw sa tira- tirang kornik sa sahig ng tricycle. Kinausap niya ang tricycle na parang nakababatang kapatid.

'Poy, pasensiya na kung napapabayaan na kita. Hayaan mo paliliguan kita mamaya kung gusto mo sabay pa tayo Poy,' nangiting wika niya sa tricycle na tinatawag niyang Poy. 'Ibinili nga pala kita ng bagong salamin. Sorpresa ko sa na sa'yo yun kaso sa sobrang kalasingan ko eh nalimutan ko nang ikabit.'

'Kuya, Divine Academy po.' putol ni Jo-Anne sa pagsisintemyento ni Luis. Bagong lipat lang si Jo-Anne matapos matanggap bilang isang teacher sa Divine Academy. Nakikituloy siya sa bahay paupahan ni Aling Remy.

'Miss nililinis pa. Hindi pa ako papasada.'

'Sige na kuya malelate na ako. Kanina pa ako naghihintay dito e.' mangiyak-ngiyak na pagmamakaawa ni Jo-Anne.

'Madaming tricycle sa kalsada. May masasakyan ka pa.'

'Suplado naman.' padabog na umalis si Jo-Anne.

'Oh Jo-Anne bakit sambakol ang mukha mo eh kaaga-aga?' tanong ni Aling Remy.

'Hirap po kasing sumakay kanina pa akong naghihintay.'

'Naku hija, doon pa sa ikalawang kanto ang sakayan.' Teka nandyan pala si Luis ipapahatid kita.' ani ni Aling Remy ng makita ang tricycle ni Luis.

'Nakausap ko na siya Aling Remy, nililinis pa daw. Suplado pa.'

Lumabas si Aling Remy bitbit ang isang walis tambo saka sinugod si Luis dahil sa pagtanggi nitong isakay ang bago niyang boarder.

'Lintik na bata ka!' sigaw ng matanda habang iwinawasiwas ang hawak na walis. 'Ihatid mo nga si Mam, Keganda gandang bata eh nakasimangot agad dahil sa ugali mo. Hala kilos!'

Napakamot si Luis na parang naubsan ng salitang pwedeng katwiran.'Nililinis pa kasi Aling Remy. Madumi ang sidecar.'

'Pwede akong backride. Makapasok lang ng maaga.' mapang-asar na ngiti ni Jo-Anne matapos makuha ng kakampi.

'Yun naman pala eh. Pagpasensiyahan mo na hija. Mabait naman ang batang yan, may sumpong lang dahil bagong gising. Luis ingat sa pagmamaneho.'

Parang batang sumunod si Luis sa kagustuhan ng matanda. Pinaandar ni Luis ang tricycle na parang nang-aasar sa sobrang bagal ng kanyang pagpapatakbo. Ilang batang nagbibisekleta ang lumampas na sa kanila. Lumampas na rin ang isang nagjojogging na retired army. Natatawa lang siya sa ginagawa niyang trip sa dalaga.

'Kuya baka pwede bilisan ng konte.'

'Wala akong insurance mas maganda na ang mabagal para safe.' pasusot si Luis. 'Tsaka hindi tayo close kaya huwag mo akong tawagin kuya.'

'Suplado mo naman. Nakikiusap na nga e. Late na kasi ako.' nakasimangot na sagot nito. 'Hindi naman kagwapuhan sobrang suplado,' ngulngol pa.

'Gwapo lang ba ang may karapatang maging suplado?' sa sandaling yon ay nakangiti na si Luis. Nawala na siguro ang sakit ng ulo kaya nabago ang mood. 'Ngayon lang kita napansin dito bago ka lang ba?'

'Kahapon lang.' si Jo-Anne.

'Komportable ka lang ba diyan? Ililipat na lang kita ng ibang tricycle para hindi ka mahirapan.'

'Ok na ako dito, pakibilisan na lang.'

'Hindi ko pa kasi naayos to kaya mabagal lang ang takbo. Sabi ko naman sayo na hindi pa ako papasada e kasi marami pa sana akong aayusin. Pinagbigyan ko lang si Aling Remy.'

'Ah ganun ba, pasensiya na. Kung alam ko lang na wala palang dumadaan dun naglakad na agad sa may kanto.' Huminga ng malalim si Jo-Anne saka muling nagsalita. ' Luis ba o Luisito ang pangalan mo?'

'Luis lang, Luisito lang kapag galit si Aling Remy. Ikaw may pangalan ka ba?'

'Meron din naman. Kaso isinisekreto lang.' bawi ni Jo-Anne.

'Siguro mabaho ang pangalan mo kaya hindi pwedeng ipagkalat.'

'Yabang mo! Dito na lang ako.' wika ni Jo-Anne.

'Natural. Divine na to e.' Dudukot pa lang si Jo-Anne ng bayad ngunit bigla humarurot na agad palayo si Luis.

'Gago talaga yon. Napaniwala ako na hindi pwedeng bilisan.' bulong ni Jo-Anne sa sarili halip na magalit ay nakangiting pumasok ng school gate si Jo-Anne. Namangha siya tahimik ngunit malalim na katauhan ni Luis.


itutuloy...

---
comment muna habang wala pang chapter II. pasensya na sa title wala akong maisip.